School of Living Traditions

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang School of Living Traditions (SLT) ay isang paaralang bukás para sa mga katutubong mag-aaral upang higit nilang matutuhan ang kanilang kultura. Ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang nangangasiwa sa pagtatatag ng mga SLT sa bansa.

Paaralan ng Kultura

Ang SLT ay isang paaralan kung saan ang mga mag-aaral nito ay tinuturuan ng iba‘t ibang katutubong kaalaman. Kabilang sa mga itinuturo dito ay pagsasanay sa pagpapanatili ng mga tradisyonal na sining tulad ng mga katutubong sayaw at musika. Ang pagtuturo sa SLT ay karaniwang di-pormal at aktuwal na sinasanay ang mga katutubo.

Maaaring isang eksperto sa kultura ng pangkat o isang kasapi na may taglay na karunungan ang tagapagturo sa mga SLT. Malimit din na sa bahay mismo ng tagapagturo, isang social hall, o isang sentro na itinayo ang pinagdarausan ng klase.

Ang pagtatayo ng mga SLT sa bansa ay ang pagtugon ng ating pamahalaan sa panawagan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na pangalagaan ang yamang pangkultura ng bansa sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa mga ito at pagpapamana sa mga susunod na henerasyon.

Pamana ng Lahi

Maraming lugar sa Pilipinas ang nagtataguyod ng SLT. Isa sa mga ito ay ang lalawigan ng Ifugao. Ang naging pokus ng SLT ng mga katutubo rito ay ang hudhud o ang epiko tungkol sa kanilang pinagmulan na inaawit nila sa kanilang mahahalagang pagtitipon. Kinilala rin ng UNESCO ang hudhud bilang “Masterpieces of the Oral and Intangible Heritage of Humanity” noong 2001. Bukod sa hudhud, itinuturo din ang pagtugtog ng gong, katutubong pagtatanghal, at iba pa.

Sanggunian

“Under the NCCA’s program for the Conservation of Cultural Heritage – Preservation and Protection of Intangible Heritage.” http://gwhs-stg02.i.gov.ph/~s2govnccaph/school-of-living-traditions/slt-guidelines/. Accessed 22 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.