Sarsuwela

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang sarsuwela ay isang uri ng performing art na sumikat noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas. Mula ito sa salitang Espanyol na zarzuela, isang dula na may isa hanggang limang yugto. Katangi-tangi ito sapagkat ang daloy ng kuwento ay ipinahahayag sa pamamagitan ng musika at sayaw. Unang nakapanood ng sarsuwela ang mga Pilipino noong 1879 nang itanghal sa Maynila ng mga banyagang aktor mula sa Espanya ang sarsuwelang Jugar con Fuego [Maglaro sa Apoy].

Sarsuwelang Maka-Pilipino

Naakit ang mga Pilipino sa bagong impluwensiyang ito ng mga Espanyol. Simula noong 1895, naging paboritong libangan ng mga Pilipino ang panonood ng sarsuwela at naging tampok sa mga kapistahan sa iba’t ibang lalawigan tulad ng Pampanga, Iloilo, at Cebu.

Mula sa mga banyagang mandudula, naging maka-Pilipino ang tema ng sarsuwela. Naging pokus nito ang mga kuwento tungkol sa buhay at kultura ng mga Pilipino. Pagkakataon din ito para sa ilang manunulat na Pilipino na gamitin ang kasikatan ng sarsuwela upang sumulat ng iskrip gamit ang sariling wika. Kabilang sa mga ito ang Ang Pagtabang ni San Miguel (Waray, 1899) ni Norberto Romualdez; Ing Managpe (Pangasinense, 1900) ni Mariano Processo; at Maputi ug Maitum (Cebuano, 1902) ni Vicente Sotto.

Isang Propesyon

Hindi nagtagal, lumawak ang kaisipan at kakayahan ng mga Pilipino sa larangan ng pagtatanghal ng sarsuwela. Mula sa pagbuo ng produksiyon, pagsusulat ng iskrip, paghahanap ng magagaling na aktor, hanggang sa pagtatanghal nito ay kuminang ang galing ng mga mandudulang Pilipino.

Sa pagpasok ng 1920, itinuring nang isang propesyon ang pagtatanghal ng sarsuwela. Maraming pangkat ng mga mandudulang Pilipino ang sumikat, kabilang ang Gran Compania de la Zarzuela Tagala ni Severino Reyes at Compania Ilagan ni Hermogenes Ilagan.

Mula naman sa pangkat ni Ilagan nakilala ang tinaguriang “Reyna ng Sarsuwela” na si Atang de la Rama. Kabilang sa kaniyang pinagbidahan ang Dalagang Bukid (1919) na mahigit 1000 ulit naitanghal, Paglipas ng Dilim (1920), at Ang Kiri (1926).

Sanggunian

Tiongson, Nicanor G. CCP Encyclopedia of Philippine Art: Theater. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.