Sara Duterte

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Sina Pangulong Rodrigo Duterte at Sara Duterte-Carpio sa isang pagtitipon noong 2019

Si Sara Zimmerman Duterte-Carpio, kilala rin bilang Inday Sara, ang ika-15 Pangalawang Pangulo ng Pilipinas matapos magwagi sa Halalan 2022 sa nasabing posisyon. Siya rin ang hinirang ni Pangulong Bongbong Marcos bilang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon [Department of Education] sa ilalim ng administrasyon nito.

Si Inday Sara ay politiko, abogado, at naging alkalde ng Lungsod Davao bago tumakbo bilang pangalawang pangulo. Siya ang ikalawa sa tatlong anak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dati nitong asawa na si Elizabeth Zimmerman. Ang kaniyang kuya na si Paolo Duterte ay ang kasalukuyang kongresista ng unang distrito ng Lungsod Davao at ang bunsong kapatid na si Sebastian Duterte ay ang kasalukuyang bise alkalde ng lungsod.

Siya ay opisyal na kandidato bilang pangalawang pangulo sa Halalan 2022 sa ilalim ng partidong Lakas-CMD. Bagama’t magkaiba ng partidong politikal, siya ang katandem ni Bongbong Marcos na kandidato bilang pangulo.

Inaasahan ang pag-upo ni Duterte bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas, gayundin ang si Marcos bilang Pangulo ng Pilipinas, matapos makakuha ng pinakamaraming boto sa isinagawang halalan noong 9 Mayo 2022.

Pamilya

Si Inday Sara ay ipinanganak noong 31 Mayo 1978 kina Rodrigo Duterte at Elizabeth Zimmerman. May dalawa siyang kapatid mula kay Zimmerman at isa pang kapatid, si Veronica A. Duterte, mula sa kinakasama ngayon ng kaniyang ama na si Honeylet Avanceña.

Si Inday Sara ay ikinasal kay Manases Carpio, isang abogado, noong 2007 sa Santuario de San Antonio Parish sa Lungsod Makati. Nagkakilala ang dalawa habang nag-aaral si Inday Sara sa San Beda University. Dahil kapuwa abogado, itinatag nila ang Carpio & Duterte Lawyers. [1]

Sina Inday Sara at Carpio ay may tatlong anak: ang panganay na si Mikhaila Maria, may palayaw na “Sharky, na kanilang adopted daughter, sunod si Mateo Lucas, may palayaw na “Stingray,” at ang bunso na si Marko Digong, may palayaw na “Stonefish.” Bago ipanganak si Stonefish noong 2 Marso 2017, triplets ang inaasahang magiging anak sa pagbubuntis na ito ni Inday Sara. Sa kasamaang-palad, nawalan ng heartbeat ang dalawa habang nasa sinapupunan ng ina. Ang balitang ito ay inianunsiyo ni Inday Sara sa isang flag ceremony noong 5 Setyembre 2016. [2]

Bilang Politiko

Ang Pamilya Duterte ay mga kilalang politiko sa Pilipinas. Puno rin ng kontrobersiya ang kanilang buhay politika. Nagpapapalit-palitan din sila ng puwesto sa Lungsod Davao.

Nagwaging alkalde ng Lungsod Davao si Inday Sarah noong Halalan 2010 at pinalitan sa puwesto ang kaniyang amang si Rodrigo Duterte, na mahigit 20 taong nanungkulan bilang alkalde ng lungsod. Gayunman, tumakbo at nagwagi ang matandang Duterte bilang bise alkalde ng lungsod sa halalan ding iyon. Bago ito, si Inday Sara ay naging bise alkalde rin ng lungsod (2007–2010).

Si Inday Sara ang ika-21 naging alkalde ng Lungsod Davao at ang kauna-unahang babaeng naihalal na alkalde rito.

Relasyon sa Ama

Noong Oktubre 2015, nagpaahit ng buhok si Inday Sara at ang kaniyang mga kapatid upang himukin ang kaniyang ama na tumakbo sa pagkapangulo sa Halalan 2016, kahit sa simula ay hindi pa kumbinsido si kaniyang tatay dahil sa kakulangan umano ng pondo at makinarya.[3]

Makalipas ang halos isang taong panunungkulan ng Rodrigo Duterte bilang pangulo, nagpahayag na ito na nais niyang sumunod sa kaniyang mga yapak si Inday Sara at pumalit sa kaniya sa puwesto, tulad na lamang ng kung paano siya pinalitan nito sa puwesto bilang alkalde ng Lungsod Davao.[4] Makalipas ang dalawang buwan ng pagproklamang ito ng pangulo ay nanawagan si Inday Sara ng mga kaalyado, mga tagasuporta, at mga kaibigan at itinatag ang isang samahan na tinawag na “Tapang at Malasakit.” Pinabulaanan ni Inday Sara na ito ay may kinalaman sa anumang kampanya o posisyon, kundi bahagi lamang ng kaniyang plano para sa hinaharap laban “Tindig Pilipinas” ni Senador Antonio F. Trillanes IV. Ang Tindig Pilipinas ay isang samahan na aktibong nananawagan at kumikilos para maimbestigahan ang di-umano’y korupsiyon, tagong yaman, at kaugnayan sa mga nagaganap na extrajudicial killing. Ngunit walang napala itong traksiyon mula nang itatag.[5] [6]

Noong 2018, itinatag ni Inday Sara ang Hugpong ng Pagbabago at nakipag-alyansa sa iba pang partido upang palawakin ang suporta sa kaniyang ama.[7]

Noong 2019, habang nagtatalumpati si Pangulong Duterte sa Lungsod Taguig, nagkuwento ito tungkol sa pagiging “alpha” (dominante) ni Inday Sara sa kanilang pamilya. Hindi umano siya ang nasusunod sa kanilang tahanan kundi ang anak na babae. Maging sina Paolo at Sebastian ay takot daw dito. [8]

Pagtakbo bilang Pangulo

20191022-KNG4.jpg

Isa si Sara Duterte sa mga [9]matutunog ang pangalan na tatakbo bilang pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2022. Gayunman, wala pa siyang pinal na desisyon ukol dito. Sa kabila nito marami ang nananawagan sa kaniyang pagtakbo.

Noong 24 Agosto 2021, naglabas ng opisyal na press release ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na nagpapahayag ukol sa pagtakbo ni Pangulong Duterte bilang pangalawang pangulo sa Halalan 2022 kung san makakatambal niya si Bong Go bilang pangulo. [10] Gayunman, kinabukasan nito ay naglabas ng pahayag si Pangulong Duterte na hindi siya tatakbo sa darating na halalan, maging si Go bilang pangulo, kung tatakbo si Inday Sara bilang pangulo dahil hindi maganda kung dalawang Duterte ang tatakbo. [11]

Hindi naman nagustuhan ni Inday Sara ang pagdawit ng kaniyang pangalan sa planong ito ng kaniyang ama at ni Go. Gayunman, nilinaw niya na walang problemang namamagitan sa kanila ni Go, na napakalapit sa kaniyang ama. May mga ulat na umiiwas ang magkakapatid na Duterte kay Go. [12]

Samantala, noong 8 Setyembre 2021, nagdaos ng pambansang pagtitipon sa Pampanga ang paksiyon ni Alfonso Cusi ng PDP-Laban at iprinoklama ang tambalang Go-Duterte para sa Halalan 2022. Muli naman binigyang-diin ni Go na hindi siya interesado sa posisyon sa pagkapangulo.[13]

Kinabukasan, 9 Setyembre 2021, sinundan ito ng pahayag ni Sara Duterte na hindi siya tatakbo sa pagkapangulo gaya ng naunang usapan nila ng kaniyang ama na isa lamang sa kanila ang maaaring tumakbo para sa pambansang posisyon.[14]

Muling Pagtakbo Bilang Alkalde

Noong 16 Setyembre 2021, nagpahayag ang tagapagsalita ni Sara Duterte na si Christina Frasco, alkalde ng Liloan, Cebu, na tatakbo muli si Inday Sara bilang alkalde ng Lungsod Davao sa Halalan 2022. Gayundin ang kapatid nito na si Sebastian Duterte na muli ring tatakbo sa pagka-pangalawang alkalde ng lungsod. Dagdag pa ni Frasco, susuportahan ni Inday Sara ang ama nito na tatakbo bilang pangalawang pangulo sa ilalim ng PDP-Laban. [15]

Pagbawi sa Pagtakbo bilang Alkalde

Noong 9 Nobyembre 2021, nagpunta si Duterte sa Comelec upang bawiin ang kaniyang kandidatura bilang alkalde ng Lungsod Davao. Ayon sa kaniyang Official Facebook page, ang kaniyang kapatid na si Sebastian Duterte ang papalit sa kaniyang kandidatura bilang alkalde at si Atty. Melchor Quitain ang kanilang nominado bilang bise alkalde, kapalit ng maiiwang posisyon ni Sebastian Duterte. [16] Kasunod din nito ang talumpati ni Senador Bong Go na nagpapahiwatig ng kaniyang pagbawi ng kaniyang kandidatura bilang pangalawang pangulo para sa Halalan 2022.[17]

Mula Hugpong tungo sa Lakas

Noong 11 Nobyembre 2021, dalawang araw bago binawi ni Sara Duterte ang kaniyang pagtakbo bilang alkalde ng Lungsod Davao, ay nagpasa siya ng resignasyon Hugpong ng Pagbabago. Ayon sa sulat-kamay na liham nito: “It is with profound sadness that I hereby tender my resignation from our beloved party. My support will always be with you and I will always be grateful for all the things you have taught me.” [18]

Kinahapunan ng 11 Nobyembre 2021, nanumpa si Duterte bilang bagong kasapi ng Lakas-CMD. Ito ay naganap sa Revilla Farm sa Silang, Cavite kung saan ginanap ang kasal ng anak na babae ni Senador Bong Revilla. Si Duterte, kasama si Bongbong Marcos, ay kabilang sa mga principal sponsor sa ginanap na kasalan. [19]

Noong 17 Nobyembre 2021, tinanggap ni Duterte ang alok sa kaniya ni Revilla na maging chairman ng Lakas-CMD.[20]

Pagtakbo bilang Pangalawang Pangulo

Sa pagbawi ni Sara Duterte sa kaniyang kandidatura bilang alkalde ng Lungsod Davao, lalong umugong ang balitang tatakbo talaga siya sa mas mataas na posisyon sa gobyerno. Winakasan niya ang iba’t ibang espekulasyon nang magpasa na siya ng certificate of candidacy (COC) sa pagkapangalawang pangulo noong 13 Nobyembre 2021, dalawang araw bago ang deadline ng sustitusyon sa pagkandidato. Siya ay kumakandidato sa ilalim ng partidong Lakas-CMD at katandem niya si Bongbong Marcos na kumakandidato naman bilang pangulo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas. [21]

Sa pagtatapos ng Halalan 2022, si Duterte ang nakakuha ng pinakamaraming boto—mahigit 31 milyon. Noong 25 Mayo 2022, iprinoklama siya bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas, gayundin si Bongbong Marcos bilang Pangulo ng Pilipinas. Samantala, inaasahan ang kaniyang inagurasyon sa 19 Hunyo 2022, mas maaga sa nakasanayan tuwing Hunyo 30 dahil nais ni Duterte na makadalo sa inagurasyon ng kaniyang pangulo. [22] [23]

Mga Sanggunian

  1. Jodesz Gavilan. “Presidential son-in-law: Who is Manases Carpio?” Rappler, 6 Setyembre 2017. https://www.rappler.com/newsbreak/iq/fast-facts-manases-carpio-presidential-son-in-law-duterte. Accessed 26 Agosto 2021.
  2. Pia Ranada. “Sara Duterte-Carpio loses 2 of her triplets.” Rappler, 8 Setyembre 2016. https://www.rappler.com/nation/sara-duterte-carpio-loses-two-triplets. Accessed 26 Agosto 2021.
  3. Editha Caduaya. “All Duterte children shave heads in support of father's 2016 bid.” Rappler, 28 Oktubre 2015. https://www.rappler.com/nation/elections/duterte-shave-heads-support-father-2016. Accessed 26 Agosto 2021.
  4. “Rody eyes daughter Sara as successor.” Philstar.com, 23 Setyembre 2017. https://www.philstar.com/headlines/2017/09/23/1742137/rody-eyes-daughter-sara-successor. Accessed 26 Agosto 2021.
  5. Pathricia Ann V. Roxas. “Sara Duterte launches ‘Tapang at Malasakit’ to unite Filipinos.” Inquirer.net, 23 Oktubre 2017. https://newsinfo.inquirer.net/939937/breaking-news-sara-duterte-tapang-at-malasakit-rodrigo-duterte-antonio-trillanes-iv-bgc-bonifacio-global-city. Accessed 26 Agosto 2021.
  6. Mara Cepeda. “Tindig Pilipinas can join pro-gov't coalition – Sara Duterte.” Rappler, 23 Oktubre 2017. https://www.rappler.com/nation/tindig-pilipinas-can-join-tapang-at-malasakit-alliance-sara-duterte. Accessed 26 Agosto 2021.
  7. Jelly Musico. “Mayor Sara's 'Hugpong' inks alliance with 9 political parties.” Philippine News Agency, 13 Agosto 2018. https://www.pna.gov.ph/articles/1044695. Accessed 26 Agosto 2021.
  8. Catherine S. Valente. “Duterte: Sara 'alpha' in the family.” Manila Times, 22 November 2019. https://www.manilatimes.net/2019/11/22/second-headline/duterte-sara-alpha-in-the-family/657972. Accessed 26 Agosto 2021.
  9. CNN Philippines Staff. “Sara Duterte again leads poll on preferred 2022 presidential bets.” CNN Philippines, 23 Abril 2021. https://www.cnn.ph/news/2021/4/23/sara-duterte-pulse-asia-2022-presidential-election-survey.html. Accessed 26 Agosto 2021.
  10. Daphne Galvez, Krissy Aguilar. “Duterte accepts PDP Laban nomination to run for VP in 2022.” Inquirer.net, 24 Agosto 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1477936/duterte-accepts-pdp-laban-nomination-to-run-for-vp-in-2022. Accessed 26 Agosto 2021.
  11. Pia Ranada. “Duterte says he, Bong Go stepping aside if Sara runs for president.” Rappler, 25 Agosto 2021. https://www.rappler.com/newsbreak/inside-track/duterte-promises-he-bong-go-will-not-run-sara-guns-for-presidency. Accessed 26 Agosto 2021.
  12. “Sara denies grudge with Bong Go: 'What matters is I see my father.'” Manila Bulletin, 25 Agosto 2021.https://mb.com.ph/2021/08/25/sara-denies-grudge-with-bong-go-what-matters-is-i-see-my-father/. Accessed 26 Agosto 2021.
  13. Daphne Galvez. “PDP-Laban Cusi wing proclaims Go, Duterte as standard-bearers in 2022 polls.” Inquirer.net, 8 Setyembre 2021.https://newsinfo.inquirer.net/1485329/pdp-laban-cusi-wing-proclaims-go-duterte-as-standard-bearers-in-2022-polls. Accessed 10 Setyembre 2021.
  14. Pia Ranada. “Sara Duterte says she's not running for president.” Rappler, 9 Setyembre 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/sara-duterte-says-not-running-president. Accessed 10 Setyembre 2021.
  15. Neil Arwin Mercado. “No more presidential run for Sara Duterte in 2022; to seek reelection as mayor.” Inquirer.net, 16 Setyembre 2021.https://newsinfo.inquirer.net/1488853/no-more-presidential-run-for-sara-duterte-in-2022-to-seek-reelection-as-mayor. Accessed 17 Setyembre 2021.
  16. “Ngayong hapon wini-withdraw ko...” Mayor Inday Sara Duterte Official Facebook page, 9 Nobyembre 2021.https://www.facebook.com/MayorIndaySaraDuterteOfficial/posts/785673032276910. Accessed 9 Nobyembre 2021.
  17. “KAPAPASOK NA BALITA: Maaring may magbabago sa mga tatakbong posisyon.” PTV Facebook page via Eunice Samonte, 9 Nobyembre 2021. https://www.facebook.com/PTVph/videos/583250936265869. Accessed 9 Nobyembre 2021.
  18. Bea Cupin. “Sara Duterte leaves own party after withdrawing mayoral bid.” Rappler, 11 Nobyembre 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/sara-duterte-leaves-hugpong-pagbabago-party-after-withdrawing-mayoralty-bid. Accessed 11 Nobyembre 2021.
  19. Bea Cupin. “Sara Duterte joins Lakas-CMD.” Rappler, 11 Nobyembre 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/sara-dutete-joins-lakas-cmd-party-november-2021. Accessed 11 Nobyembre 2021.
  20. Neil Arwin Mercado. “Inday Sara accepts Lakas-CMD chairmanship.” Inquirer.net, 17 Nobyembre 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1516400/inday-sara-accepts-lakas-cmd-chairmanship
  21. Neil Arwin Mercado. “It’s official: Bongbong Marcos, Sara Duterte running in tandem in 2022 elections.” Inquirer.net, 16 Nobyembre 2021.https://newsinfo.inquirer.net/1515954/breaking-its-official-bongbong-inday-sara-running-as-tandem-for-2022. Accessed 17 Nobyembre 2021.
  22. Neil Arwin Mercado. “Presumptive VP Sara Duterte eyes June 19 as inauguration date in Davao City.” Inquirer.net, 16 Mayo 2022.https://newsinfo.inquirer.net/1598501/presumptive-vp-sara-duterte-eyes-june-19-as-inauguration-date-in-davao-city. Accessed 17 Mayo 2022.
  23. Neil Arwin Mercado. “Sara Duterte is proclaimed as PH’s 15th vice president.” Inquirer.net, 25 Mayo 2022.https://newsinfo.inquirer.net/1602230/sara-duterte-is-proclaimed-as-phs-15th-vice-president. Accessed 25 Mayo 2022.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.