Santo Niño
Ang Santo Niño ay isang Kristiyanong representasyon o imahe ng banal na sanggol na si Hesukrsito. Ito ang naging pangunahing santo-patron ng lalawigan ng Cebu.
Kasaysayan
Isang araw ng Linggo, ika-31 ng Marso 1521, nang sapitin ng mga Espanyol ang Pilipinas, sa pangunguna ni Ferdinand Magellan, isang tripulanteng Portuges. Dumaong sila sa pampang ng isla ng Limasawa (Mazaua). Ang tropa ni Magellan ay nagtungo sa Cebu at dito ay magiliw silang tinanggap ng mga katutubo. Bilang pagpapasalamat sa mainit na pagtangkilik sa kanila ay bininyagan sina Rajah Humabon, Rajah Kolambu, at 400 na iba pa sa relihiyong Kristiyanismo, at kinilala bilang mga unang Kristiyano sa bansa. Liban dito, ang mag-asawang namumuno sa isla, sina Rajah Humabon at Hara Humamay, ay binigyan ng Kristiyanong pangalan at kinilala na bilang haring Carlos at Reyna Juana. Bilang simbolo ng kanilang alyansa at mabuting pagkakaibigan ay ibinigay ni Magellan kay Juana ang imahe ng Sto. Niño – yari sa kahoy at inukit ng mahusay na artisanong Flemish.
Hiwaga ng imahe
Ang muling pagbabalik ng mg Espanyol sa Pilipinas ay pinaghandaan ng mga katutubo ng Cebu sa takot na sila ay muling magapi ng mga ito. Sa kasawiang palad, dala ng mga Espanyol ang kanilang mga naglalakihang kanyon, kasama ang mas pinaigting na puwersa ng mandirigma. Ang sagupaan ay humantong sa pagkasunog ng kalakhang Cebu, at kabilang sa nasunog ay ang lugar na pinagtataguan ng banal na imahe. Ang imahe ng Sto. Niño ay natagpuan ng sundalong si Juan Camus at sa di maipaliwanag na dahilan ay walang natamo na kahit anong pinasala. Sa loob ng 45 na taon, halos wala nang nakakaalam tungkol sa imahe, at kung saan ito ligtas na nakatago hanggang sa matuklasan nga ito ng sundalo.
Di lamang minsan nagpakita ng milagro ang banal na Sto. Niño. Ang ilan sa mga unang tala ng himala ay mababasa sa mga libreta na pinamagatang Milagros del Santo Niño at Sermone Misticas. Kapwa ay isinulat ni Fr. Nicolas de la Cuadra, rektor ng Basilica mula 1698-1713, na kinikilala bilang taong nagpasimula sa pag-aalay ng mga mahahalagang bato at ritwal sa pagsamba sa banal na sanggol.
Pagsamba sa Sto. Niño
Ang “himalang” ito ay kumalat sa buong lalawigan, maging sa mga karatig probinsya na yumakap na rin sa Kristiyanismo. Isang simbahan ang itinayo noong Abril 28, 1565 sa pangunguna ni Fr. Andres de Urdaneta, sa lugar na kinatagpuan ng imahe at tinawag na Basilica del Santo Niño upang magkaroon na ito ng permanenteng paglalagakan at magkaroon na rin ng tiyak na lugar na maaaring puntahan ng mga deboto na dumarayo pa sa Cebu.
Pista ng Sto. Niño
Ang buwan ng Enero ang itinuturing na panahon ng pagsamba at pagdebosyon sa mahal na Santo Niño. Nandito ang ilan sa mga pista para sa banal na sanggol tuwing buwan ng Enero.
- Pista ng Ati-Atihan sa Kalibo, Aklan
- Pista ng Sinulog sa Lungsod Cebu
- Pista ng Dinagyang sa Lungsod Iloilo
- Pista ng Binanog sa Lambunao, Iloilo
- Pista ng Sinulog (Kabankalan) sa Lungsod Kabankalan, Negros Occidental
- Pista ng Sto. Niño sa Makato sa Makato, Aklan
- Pista ng Kahimunan sa Libertad, Lungsod Butuan
- Pista ng Batan Ati-ati Malakara sa Batan, Aklan
- Pista ng Bansudani sa Bansud, Oriental Mindoro, Oriental Mindoro
- Pista ng Sto. Niño sa Altavas sa Altavas, Aklan
- Pista ng Ibajay Ati-ati sa Ibajay, Aklan
- Malinao Santo Nino Ati-Atihan Festival sa Malinao, Aklan
- Pista ng Dinagsa Ati-atihan sa Lungsod Cadiz, Negros Occidental
- Pista ng Hinirugyaw sa Calinog, Iloilo
- Pista ng Sto. Niño sa Malolos sa Lungsod Malolos, Bulacan
- Pista ng Cosecha sa Lungsod Cabanatuan, Nueva Ecija
Sanggunian
- Philippine Tourism News – January Santo Nino Festivals in the Philippines. (hinango noong 16 Enero 2009).
- The Sto. Niño devotion: An enduring Spanish Legacy. (hinango noong 16 Enero 2009).
- Santo Niño. (hinango noong 16 Enero 2009).
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |