Santiago de Vera

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Santiago de Vera ay isa sa mga naging gobernador-heneral ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ang pumalit kay Diego Ronquillo na nagsilbi bilang pansamantalang gobernador-heneral sa loob lamang ng isang taon. Si de Vera ay naglingkod mula 16 Mayo 1584 hanggang Mayo 1590.[1]

Bilang Gobernador-Heneral

Sa panahon ng kaniyang panunungkulan, ipinag-utos niya na ang lahat ng konstruksiyon sa Maynila ay kailangang gawa sa bato nang sa gayon ay maiwasan ang malaking sunog tulad ng nangyari noong 19 Marso 1583.[1]

Sa kaniyang panahon din itinatag sa Pilipinas ang mataas na hukuman ng Espanya at sa mga kolonya nito—ang Real Audencia. Ito ay itinatag noong 1583 at si de Vera ang unang presidente nito. Dito dinidinig ang mga kasong sibil, kriminal, at administratibo. May sangay rin ito kung saan sinisiyasat ang gobernador-heneral sa pagtatapos ng kaniyang termino.[2]

Si de Vera rin ang nagpatayo ng unang moóg sa Maynila na gawa sa bato—ang Nuestra Señora de Guia na nasa isang sulok ng Intramuros noong 1587.[1]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 288. Quezon City: Vibal Foundation, 2020.  
  2. Virgilio S. Almario. “Real Audencia.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.  

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.