Sandugo
Ang sandugo ay ang tradisyonal na kasunduan na pinatutunayan ng pag-iisang dugo. Ito ay higit na tumutukoy sa ginawang pag-iisang dugo ng Espanyol na si Miguel López de Legazpi at Boholanong si Datu Sikatuna noong 16 Marso 1565 sa Bohol upang selyuhan ang kanilang pagkakaibigan. Pinasok ni Legazpi ang kasunduan upang tiyaking maayos na pakikitungo sa kanila ng mga katutubo. Ito ang sinasabing unang kasunduang internasyonal sa pagitan ng dalawang tao mula sa magkaibang lahi, ang mga Pilipino at ang mga Espanyol.
Ang sandugo ay tampok sa opisyal na watawat ng lalawigan ng Bohol, maging ng simbolo ng kapayapaan ng mga Boholano. Ito rin ang nakalagay sa watawat ng Lungsod ng Tagbilaran.
Salubong
Tulad ng nangyari kay Ferdinand Magellan na dumating sa Pilipinas apatnapu’t apat na taon ang nakalipas noon, hindi rin maganda ang pagsalubong ng mga katutubo kay Legazpi nang ito ay makarating sa Pilipinas. Ang pagkamatay ng isa sa kaniyang mga sundalo ay naging bunga ng kaniyang pagpupumilit na makadaong sa mga isla ng Cebu. Dahil dito, humanap siya ng paraan upang makuha ang loob ng mga katutubo.
Kahawig ng mga Portuges
Sinalubong ang barko ni Legazpi nang salungat na hangin habang naglalayag sa katimugan patungong Mindanao, dahilan upang siya’y mapilitang maglayag pahilaga sa Isla ng Bohol. Habang naglalayag, kanilang binihag ang bangkang pangkalakal mula sa Borneo. Sinabi ng kapitan ng bangka na ang mga katutubo ay nakikipagkalakal sa kanila at sa iba pang mga mamamayan mula sa Moluccas, Borneo, Java, Malacca, India, at Tsina.
Ipinaliwanag ng kapitan na ang kabangisan ng mga katutubo ay sanhi ng mga pagsalakay ng mga Portuges mula sa Moluccas. Dahil ang mga Espanyol ay kahawig ng mga Portuges, natural lamang na mapagkamalan sila ng mga katutubo na Portuges. Hanggang 1563, kilala ang mga Portuges bilang kilabot ng karagatan sa Visayas at sila’y nagnanakaw o pumapatay ng tao upang makuha ang nais.
Kaya’t sa tulong ng kapitan, ipinaliwanag nito sa dalawang hari ng Bohol, si Sikatuna at si Gala na ang mga Espanyol ay hindi tulad ng mga kilabot na Portuges, na sila ay dumating upang makipagkaibigan, hindi upang magnakaw o pumatay. Dahil dito’y malugod silang tinanggap ng dalawang hari at mga mamamayan ng Bohol.
Ang Kasunduan
Noong 16 Marso 1565, ginanap sa pagitan nina Legazpi at Sikatuna ang sandugo upang selyuhan ang kanilang pakikipagkaibigan. Lumipas ang araw at nakipagsanduguan din si Legazpi kay Gala. Sa paghihiwa sa kanilang kaliwang kamay ng kutsilyo at pagpabubudbod ng kanilang dugo sa isang baso ng alak at pag-inom nito, naniniwala ang mga katutubo na sila ay magiging magkapatid na rin sa dugo. Ito ay nangyari matapos lamang ang 44 taon simula nang mamamatay si Magellan sa Isla ng Mactan na 50 milya lamang ang layo sa Bohol.
Lugar ng Pinangyarihan
Sa loob ng mahabang panahon, ang tunay na pinangyarihan ng sanduguan sa pagitan nina Legazpi at Sikatuna ay nananatiling pinagtatalunan ng mga iskolar. Noong una, kinikilala ang Barangay Bool sa Tagbilaran City bilang tunay na lugar ng makasaysayang pangyayari. Ito ay sinegundahan ng National HIstorical Institute nang ito ay magtayo ng palatandaan sa lugar.
Gayunman, sinalungat ito ng Loay, Bohol na nagsabing ang tunay na lugar ng pinangyarihan ay naganap sa Barangay Hinawanan sa kanilang lalawigan. Ito ay pinatunayan ng National Historical Institute matapos ang nakuhang ulat na siyang nagtakda ng tamang lugar ng makasaysayang sanduguan.
Pista ng Sandugo
Ang Pista ng Sandugo ay ipinagdiriwang tuwing Marso taon-taon. Gayunpaman, ang paligsahan sa “street dancing” ay ginaganap tuwing Hulyo upang itaon sa taunang TBTK (Tigum Bol-anon Tibuok Kalibutan) o ang taunang pagtitipon ng mga Boholano mula sa iba't ibang panig ng mundo. Ipinagdiriwang din ng mga taga-Tagbilaran hindi lamang ang kanilang pagiging lungsod maging ang buong lalawigan ng Bohol.
Iba’t ibang programa at paligsahan ang ginaganap tuwing pista na dinadaluhan ng maraming prominenteng Boholano. Karamihan sa mga programa at paligsahan ay ang parada, putukan, paligsahan ng mga naggagandahang dilag, sabong, at ilang larong palakasan.
Mga Sanggunian
- Tagbilaran's CitySeal Accessed on June 15, 2009.
- Reading Bohol's History, Source: Philippine Political and Cultural History. Volume I. Gregorio F. Zaide Accessed on June 15, 2009.
- A Brief History of Bohol] Accessed on June 15, 2009.
- [Blood Compact Controversy Boils] Accessed on June 15, 2009.
- [Much Ado About Blood Compact] Accessed on June 15, 2009.
Iba pang Babasahin
- Constantino, Renato. The Philippines: A Past Revisited. Tala Publishing Series, 1975.
- Corpuz, Onofre D. The Roots of the Filipino Nation. 1989.
- Scott, William Henry. Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. AdMU: 1994.
- Zaide, Gregorio F. Great Filipinos in History: An Epic of Filipino Greatness in War and Peace. Verde Bookstore, 1970.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |