Sandayo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Sandayo ay epiko, kilala rin sa tawag na guman ng mga Subanon, katutubong naninirahan sa bulubundukin ng hanggahan ng Hilaga at Tiimog Zamboanga. Ito ay naitala sa masigasig na pananaliksik ng guro mula sa Misamis na Virgilio Resma. Ang epikong ito ay mula sa salaysay ng isang babaeng Subanon na nagngangalang Perena na kaniyang binigkas sa loob ng pitong magkakasunod na gabi, mula ika-9 ng gabi hanggang ika-3 ng madaling-araw noong Hunyo 1980. Tulad ng ibang epiko, ang Sandayo ay itinatanghal sa ritwal. Ang mga Subanon ay nagsasagawa ng buklog, pagdiriwang na idinaraos nila sa loob ng isang linggo kung saan sila ay umaawit, sumasayaw, at kumakain.

Ang salaysay na ito ay isinalin ni Resma sa English na may pamagat na Keg Sumba Neg Sandayo at unang nailathala sa Kinaadman: A Journal of the Southern Philippines noong 1982. Ang pamagat na Sandayo ay mula naman sa saling Filipino ni Antolina T. Antonio. Ito ay binubuo ng 4,843 taludtod.

Mala-alamat na Kuwento

Si Sandayo ang pangunahing tauhan ng epiko. Siya ay anak nina Datu Salaria at Salaong ng Tubig Liyasan. Hindi siya nagmula sa sinapupunan ng ina kundi sa nabuo siya mula sa buhok nito matapos ang ika-siyam na ulit na pagsuklay. Agad na lumaki si Sandayo at sa unang buwan mula ng pagkasilang ay agad siyang nagpasiya na maglakbay at ipamalas ang kaniyang katapangan at kahusayan bilang bayani.

Sanggunian

Jayson D. Petras. “Sandayo.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.