Salvador Panelo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Salavador Panelo presscon Impact Challenger Nonthaburi, Thailand (cropped).jpg

Si Salvador “Sal” San Buenaventura Panelo (isinilang noong 19 Setyembre 1946) ay isang Pilipinong abogadong nagsisilbi bilang Chief Presidential Legal Counsel ni Pangulong Rodrigo Duterte. Siya rin ay naglingkod bilang presidential spokesperson noong 2018 hanggang 2020 at naging campaign at legal adviser ni Duterte sa pagtakbo nito noong halalan 2016. Si Panelo rin ay dating direktor ng Integrated Bar of the Philippines.

Pamilya at edukasyon

Si Salvador Panelo ay isinilang noong 19 Setyembre 1946 sa Naga, Camarines Sur. Nag-aral siya ng elementarya sa Murphy Elementary School at nagtapos naman ng haiskul sa Roosevelt Memorial High School noong 1962. Natapos naman niya ang kaniyang digri sa Political Science at BA English sa University of Nueva Caceres. Lumipast siya sa Maynila upang mag-aral ng abogasya sa University of the Philippines College of Law. Habang nasa UP, naging bahagi siya ng Sigma Rho Fraternity at naging aktibo sa aktibismo bago ang panahon ng Batas Militar. Natapos niya ang kaniyang Law degree noong 1974 at pumasa sa Philippine Bar Examination noong taong ding iyon.

Ikinasal si Panelo kay Dr. Arceli Panelo. Nagkaroon sila ng anak na lalaki na si Carlo ngunit namatay noong 6 Enero 2017 dahil sa komplikasyon sa down syndrome sa edad na 27.

Karera bilang abogado

Unang nagtrabaho si Panelo bilang legal counsel ng kompanyang United Laboratories noong 1977. Nagtagal siya sa kompanya ng sampung taon at umalis noong 1987. Naging direktor siya ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) noong 1983 at naging presidente ng IBP Rizal Chapter noong 1985. Nagtrabaho rin siya bilang radio anchor ng DZEC Radyo Agila sa loob ng isang taon. Noong 1987 din niya sinimulan ang kaniyang pagiging pribadong abogado.

Mga tanyag na kaso

Bilang abogado sa loob ng mahigit apat na dekada, humawak si Panelo ng ilang kasong naging kontrobersiyal at inabangan ng publiko. Isa na rito ang pagiging abogado nina Andal Ampatuan Jr. na napabilanggo dahil sa madugong 2009 Maguindanao Massacre. Gayunman, nagbitiw din si Panelo bilang abogado ng mga Ampatuan. Sa isang pahayag, sinabi niyang nagkakasakit na siya dahil sa hinawakang kaso. Napakarami raw ng mga dokumentong pinag-aaralan niya para sa kaso at wala siyang masyadong natatanggap na pera mula sa kaso. Kasabay na rin daw nito ang pagkulit niya kay noon ay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagkapangulo.

Naging abogado rin siya ni Calauan Mayor Antonio Sanchez na naharap sa kaso dahil sa pagpaslang kina Allan Gomez at Eileen Sarmenta noong 1993. Kinatawan niya rin ang pamilya Marcos sa korte dahil sa mga nakaw na yaman ng pamilya.

Si Panelo rin ang naging abogado ni dating Commission on Elections (COMELEC) Chairman Benjamin Abalos na dawit sa anumalya sa dayaan sa eleksiyon na pumutok noong 2007; ni Philip Medel na napatunayang may sala sa pagkakapaslang sa aktres na si Nida Blanca; pamilya ng pinatay na racing champion na si Enzo Pastor; ni Deniece Cornejo na nagreklamo ng kasong rape laban sa aktor na si Vhong Navarro noong 2014; at ng dating aktor na si Dennis Roldan na napatunayang maysala sa pagkakadukot ng isang Filipino-Chinese na batang lalaki noong 2005.

Bilang abogado ni Duterte

Nagsilbing campaign at legal adviser ni noon ay presidential candidate Rodrigo Duterte si Panelo. Nang manalo si Duterte noong Mayo 2016, itinalaga si Panelo bilang chief legal counsel ng pangulo. Siya rin ang naging temporary spokesman nito bago naitalaga si Ernie Abella. Bilang bahagi ng gabinete ni Duterte, si Panelo ang naging abala sa Press Office na naghahawak ng media coverage ng pangulo.

Ngunit bago maupo bilang mga opisyal ng Pilipinas, naging matunog ang pangalan ni Panelo nang minsang katawanin si Duterte sa lumabas na alegasyong may itinatagong bank account ito. Noong 2 Mayo 2016, bilang tugon sa hamon ni noon ay Senador Antonio Trillanes IV, nagtungo si Panelo sa BPI Julia Vargas Branch par asana patunayang walang ₱211 milyon ang bank account ni Duterte doon. Nagtagal si Panelo nang higit dalawang oras sa loob ng bangko upang manghingi ng setipikasyon hinggil sa bank account ni Duterte ngunit walang nakuhang sertipiko. Ayon kay Panelo, kailangan pa raw ng bangko ng pitong araw upang pag-aralan ang hiling ng kampo ni Duterte.

Bilang legal counsel ni Duterte, nagbitiw din ng iba’t ibang pahayag si Panelo na nabalot ng kontrobersiya. Dahil sa umiral na kaguluhan sa Marawi, ipinatupad roon ang Batas Militar. Sa isang pahayag, sinabi ni Panelo na karapatan ni Duterte na palawigin ang Batas Militar sa buong Pilipinas lalo na kung lala ang kaso ng iligal na droga sa bansa. Ipinagtanggol din ni Panelo si Duterte nang halikan ng pangulo ang isang OFW sa isang pagtitipon ng mga Pilipino sa South Korea. Ayon kay Panelo, ito raw ay parang halik lang ng isang lolo sa kaniyang apo at iginiit na ang OFW ang humalik kay Duterte.

Presidential Spokesperson

Noong 12 Oktubre 2018, kinompirma ni Communications Secretary Martin Andanar na si Panelo na muli ang tagapagsalita ng pangulo matapos magbitiw ni Harry Roque para sa kaniyang kandidatura sa eleksiyon 2019. Sa isang bidyo, sinabi ni Panelo na hindi naman bago sa kaniya ang pagiging tagapgsalita ng pangulo dahil naupo siya sa posisyong ito pansamantala noong 2016 at nagiging tagapagsalita pa rin ng pangulo sa mga isyung kinahaharap nito bilang kaniyang chief legal counsel. Sa kaniyang pormal na pag-upo bilang presidential spokesperson, mas madalas lang daw siyang makikita ng madla dahil araw-araw ay kailangan niyang magbigay ng pahayag bilang tagapagsalita ng pangulo.

Bilang tagapagsalita ng pangulo, naging kontrobersiyal ang pahayag ni Panelo na walang transport crisis sa Pilipinas sa kabila ng nararanasang suliranin ng mga Pilipino sa pagbiyahe araw-araw. Dahil dito, lumaganap sa social media ang panawagang mag-commute si Panelo kahit isang araw lamang patungo sa kaniyang trabaho.

Kumasa sa hamon si Panelo at noong Oktubre 11, 2019, sumakay ng pampublikong transportasyon si Panelo mula Marikina hanggang sa Malacañang sa San Miguel, Maynila. Umalis si Panelo sa Marikina ng 5:15 ng umaga at sumakay ng apat na dyip at nakarting ng 8:46 ng umaga sa Malacañang o higit tatlo’t kalahating oras ng biyahe. Malayo ito sa karaniwan niyang biyahe na inaabot lamang ng 40 minuto hanggang isa at kalahating oras sakay ng kaniyang kotse. Bagaman naging matagal ang biyahe ni Panelo, iginiit niyang wala pa ring krisis sa transportasyon sa bansa dahil hindi naman daw paralisado ang biyahe sa bansa.

Noong Abril 2021, muling ibinalik si Roque bilang Spokesperson ng Palasyo. Si Panelo naman ay ibinalik bilang Chief Presidential Legal Counsel ni Duterte.

Matapos din ng pag-alis bilang tagapagsalita ni Duterte, inilunsad noong 1 Mayo 2020 ang programa ni Panelo na Counterpoint with Secretary Salvador Panelo na ipinrodyus ng Presidential Broadcast Staff – Radio Television Malacañang (RTVM).  Ayon kay Panelo, binuo niya ang programa upang himayin ang mga isyung kinhaharap ng bansa maging ang pagsagot sa mga kritisismong ibinabato sa pamahalaan.

Halalan 2022

Sa isang episode ng Pahayag sa Bayan na ginagawa ni Duterte para sa kalagayan ng bansa sa panahon ng pandemya, sinabi niyang si Panelo ang isa sa mga paborito niyang kandidato sa pagkasenador. Nang tanungin ni Duterte kung tatakbo ba si Panelo sa 2022 bilang senador, nagbiro lamang si Panelo na maglalakad lang siya patungo sa Senado at hindi tatakbo. Isa rin si Panelo sa napipisil na kandidato ng administrasyon at PDP-Laban sa pagkasenador ngunit wala pang kompirmasyon mula kay Panelo.

Noong 1992, tumakbo na si Panelo bilang senador sa ilalim ng partidong Kilusang Bagong Lipunan ngunit bigong manalo.

Mga sanggunian

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.