Salvador F. Bernal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Nagbagong bihis ang teatro sa Filipinas nang lumikha ng sari-saring makabuluhang disenyo si Salvador F. Bernal. Halos apat na dekada siyang lumikha ng mga kagila-gilalas na tanghalan at kasuotan para sa ballet, dramang musikal, dula, konsiyerto, at opera. Nagdisenyo rin siya ng mga sinaunang damit para sa mga kalendaryo, komersiyal sa telebisyon, at pelikula.

Sumubok na paunlarin ni Bernal sa Ateneo de Manila University ang kaniyang talento bilang tagadisenyo nang bumuo, mangasiwa, at magsagawa siya ng mga konsepto para sa dulaan. Pagkaraan nag-aral siya Northwestern University sa Chicago, Illinois, at doon pinag-ibayo ang pagdidisenyo ng mga produksiyon.

Mga obra

Nag-eksperimento si Bernal sa paggamit ng katutubong materyales, espasyo ng teatro, grafiks sa sahig at dingding, at mga teknik ng pagsasanib ng imahen at abstraksiyon nang maitampok ang diwa ng dulâ at tagpo ng dulâan. Ipinamalas niya iyon sa kaniyang mga produksiyong pinangasiwaan, at kabilang dito ang sumusunod: Pagkahaba-haba man ng Prusisyon (1973); Baile de Ayer (1974); La Traviata (1975); Rajah Sulaiman (1976); Ang Paglalakbay ni Sisa (1977); Larawan (1978); Aguila (1979); Rama Hari (1980); The Voyages of Odysseus (1981); Don Quijote (1981); Magic Flute (1983); Tales of the Manuvu (1985); Francisco Maniago (1987); Lysistrata (1988); Romeo and Juliet (1990); Enkantada (1991); Filipinas circa 1907 (1992); Orosman at Zafira (1993); Noli me tangere (1995); at El filibusterismo (1998).

Mga aklat

Kasamang awtor siya sa aklat na Patterns for the Filipino Dress: From Traje de Mestisa to the Terno (1992), at awtor ng The Firetrees Burn All Summer (2000).

Halaga ng gawa

Laging nakapaloob sa mga likha ni Bernal ang halaga ng saliksik hinggil sa mga bagay na gagamitin sa dula: ang mga aksesorya, arkitektura, kasuotan, at muwebles na pawang naaangkop sa panahon, tagpo, at lunan ng dula. Kapansin-pansin sa kaniyang mga idinisenyong kasuotan ang pagiging makatotohanan nito, alinsunod sa panahong naaangkop doon, halimbawa na ang mga sinaunang terno at bestido.

Parangal

Kinilala ang husay ni Bernal bilang tagadisenyo ng produksiyon hindi lamang dito sa Filipinas kundi maging sa malalayong pook, gaya ng Estados Unidos, Ewropa, Singapore, at dating USSR. Ipinundar niya noong 1995 ang Philippine Association of Theatre Designers and Technicians (PATDAT), upang maitampok at gawing propesyonal ang pagdidisenyo ng produksiyon. Bukod sa PATDAT, naging pangulo rin si Bernal ng Philippine Center of the Organisation Internationale des Scenographes, Techniciens et Archictes du Theatre (OISTAT). Ibinunsod niya ang mga palihan at seminar upang maiangat ang antas ng disenyong pamproduksiyon sa buong bansa. Kulang man sa badyet, kulang sa kasanayan ang mga artesano, at kulang sa propesyonalismo ang mga artista sa teatro o pelikula, hindi ibinabà ni Bernal ang kaniyang pamantayan. Sa halip, naghain siya ng mga obrang makapagpapalago sa mga manonood bilang tao, bilang Filipino, at bilang tagasagap ng sining. Ang gayong katangian ang nagluklok sa kaniya bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Disenyong Panteatro at Produksiyon.

Sanggunian

Tiongson, Nicanor, ed. CCP Encyclopedia of Philippine Arts, vol. VII. Manila: CCP, 1994.

  "Ang akdang ito ay katiting. Tumulong sa Wikifilipino at palawakin pa ito!"


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.