Salamat Po!

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Isang mahalagang pangaral ng ating mga magulang ang magpasalamat. Dapat tayong matutong magpasalamat dahil sa mga biyayang ating natatanggap. Dapat din nating pasalamatan ang mga taong nagmamahal sa atin.

Sa aklat pambata na Salamat Po! na isinulat ni Russell Molina at iginuhit ni Tokwa Peñaflorida, isang bata ang maraming ipinagpapasalamat arawaraw.

Mga Biyaya

Paggising sa umaga, naiisip mo na ba ang mga dahilan kung bakit ka dapat magpasalamat? Sa kuwento, ang bidang bata ay nagpasalamat dahil nasilayan niya ang umaga at narinig ang tilaok ng manok. Nagpasalamat din siya dahil mayroon siyang mga kaibigan. Maging ang pagkakaroon ng palaruan ay ipinagpasalamat din niya. Hindi rin niya pinalampas na magpasalamat para sa araw at ulan.

Salamat po sa Pamilya

Higit sa lahat, ipinagpapasalamat niya ang kaniyang pamilya. Masaya siya sa piling ng kaniyang masungit ngunit masipag na ate, sa kuya niya na ayaw man siyang pahiramin ng bisikleta ay ginagamot naman ang kaniyang sugat sa tuwing siya ay nadarapa. Gayundin, pinasasalamatan niya ang kaniyang lolo at lola na inaalagaan ang kaniyang kalusugan. Hindi rin niya nakalimutan ang kaniyang tatay na nagtatrabaho sa ibang bansa at ang kaniyang nanay na mapag-aruga.

Ipinagpapasalamat niya ang kaniyang masayang araw. Bago nga siya matulog, ang tangi niyang hiling ay “Bukas po ulit, ha?”

Sanggunian

Russell Molina, Tokwa Peñaflorida (ilustrador). Salamat Po!. Quezon City: LG&M Corporation. https://www.chikitingbooks.ph/products/salamat-po. Accessed 22 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.