Sagip Pasig

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Taong 1500 nang makilala ang Ilog Pasig bilang isang “major transport route”. Ginagamit ito bilang daanan ng mga negosyante mula sa mga katabing bansa sa Asia kabilang na ang mga nagmumula sa Middle East upang magdala ng mga cargo sa loob at labas ng Manila. Ang tubig na dumadaloy sa ilog Pasig hanggang noong mga taong 1960's ay malinis, malinaw, maaaring gawing paliguan, labahan at napakainam na gawing pasyalan. Isa rin itong malaking palaisdaan na siyang pinagkukunan ng ikabubuhay.

Heograpiya

Ang Ilog Pasig ay dumadaloy sa limang siyudad at apat na munisipalidad mula Laguna de Bay hanggang Manila Bay. Bago pa man ang urbanisasyon ng Maynila, malaki ang ginagampanang papel ng Ilog Pasig bilang moda ng transportasyon at sentro ng ekonomiya ng lungsod. Ngunit dahil sa patuloy na pagtaas ng populasyon, pagpapagawa ng mga imprastraktura at iba't ibang gawaing pang-ekonomiya malapit sa ilog, unti-unting dumumi, bumaho at naging tambakan ng basura ang makasaysayang ilog.

Ang Simula

Ayon sa tala ng mga pangyayari, mula noong dekada sitenta (1970's) ay dumami na ang mga itinatayong pabrika at bahay sa Kamaynilaan higit lalo sa gilid ng ilog Pasig. At dahil wala nang matapunan ng mga basura, ang ilog Pasig ang napagbalingang maging imbakan ng mga basura mula sa mga residente, pabrika, palengke, ospital at iba pang establisimyento.

Base sa ginawang pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang polusyon ng ilog Pasig ay sanhi ng mga lumulutang na basura gaya ng mga plastic, papel, o anumang basurang nakabalot (solid domestic waste), mga basurang galing sa poso negro gaya ng dumi ng tao, ihi, (liquid domestic waste), at mga kemikal na ginagamit ng mga pabrika (industrial waste).

Sampung porsiyento ng polusyon ng ilog Pasig ay galing sa solidong basura. 45 porsiyento ang sa industrial waste o mga kemikal na galing sa pabrika at 45 porsiyento ang galing sa poso negro (o liquid domestic waste). Nagmumula ang mga basurang ito sa mga bahay na nakatayo sa gilid ng ilog maging ito man ay squatters, condominiums o subdivisions. Ayon pa rin sa mga pagtatala, mahigit sa 45 na pabrika ang nagtatapon ng direkta ng kanilang tone-toneladang basura sa ilog Pasig.

Ang mga isda at halamang dagat na namumuhay sa ilog Pasig ang unang naapektuhan nang pagdumi nito. Dati ay labintatlong uri ng halamang ilog ang nabubuhay sa noon ay malusog na tubig subalit ang kangkong at waterlily na lamang ang natira sa ngayon.Subalit higit na apektado ang tao sa pagdumi ng ilog Pasig. Kapag tag-ulan, bumabaha sa loob ng kabahayan at pumapasok ang mga basurang kasama ng maruming tubig-ilog. Nagdadala ito ng mga sakit na sanhi ng pagdami ng lamok, at iba pang mapanganib na insekto.

Sagip Pasig Movement

Ang Pasig River Rehabilitation Program (PRRP) ay ang programang sinimulan noong 1991 sa tulong ng banyagang organisasyon na DANIDA (Danish International Development Assitance). Layon nitong paunlaring muli ang kalidad ng tubig at palutangin ang angking ganda ng paligid. Sinimulan ang pagpapalipat ng mga iskwater na nakatira sa gilid ng ilog upang mabawasan ang mga itinatapong basura dito. Inalis ang mga nakalubog na bahagi ng mga nasirang bangka o barko sa ilalim ng ilog. Naipalaganap na rin ang kamalayan sa estado ng ilog at naturuan ang mga mamamayan ng tamang pagtatapon ng basura upang buhaying muli ang namamatay na ilog.

Noong 1991, pinalitan ang PRRP ng Pasig River Rehabilitation Commission sa ilalim ng Executive Order No. 54. Layunin ng programa na ibalik ang dating buhay ng ilog upang maging kapaki-pakinabang sa transportasyon, rekreasyon at turismo. Sinusuportahan ang PRRC ng ilang pribadong sektor tulad ng Clean and Green Foundation, na nagpatupad ng kampanyang "Piso Para sa Pasig".

Nais ng SPM na pagalawin ang sambayanan upang bumuo ng isang kilusang pangkomunidad na magtutulong-tulong upang buhaying muli ang Ilog Pasig at iba pang ilog sa bansa.

Ilan sa ginagawa ng programang ito ay ang pangangampanya at pagtuturo sa mga residente, industriya, at sangay ng gobyerno ng mga isyung pangkalikasan, partikular ang tungkol sa Ilog Pasig. Gumawa rin sila ng mga pag-aaral sa mga komunidad malapit sa ilog upang makita kung ano ang epektibong proyekto na maaari pang gawin.

Kapit Bisig sa Ilog Pasig

Kasama ng Pasig River Rehabilitation Commission, inilunsad ng ABS-CBN ang proyektong "Kapit Bisig sa Ilog Pasig" noong ika-24 ng Pebrero 2009, na nagnanais paunlarin ang kondisyon ng ilog sa loob ng pitong taon. Sa pagpapasinaya ng proyekto na ginanap sa lungsod ng Makati, ipinamalas ng chairman ng ABS-CBN na si Eugenio Lopez III ang pagkasabik sa gagawing programa at siya'y umaasa na makikipagtulungan din ang gobyerno, mga mamamahayag at ibang pribadong sektor.

Kasama sa proyektong ito ang pangangalap ng pondo, pangangampanya, pagsasaayos ng mga istraktura sa paligid ng ilog at relokasyon ng mahigit sa apat na libong iskwater sa gilid ng ilog.

Kasama ng ABS-CBN sa proyektong ito ang Plantex Philippines, SPM, Bantay Kalikasan at Clean and Green Movement.


Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.