Rodrigo Duterte

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, pindutin ang panlabas na kawing na ito.

Rodrigo Roa Duterte
Pangulong Rodrigo Roa Duterte
Ika-16 Pangulo ng Pilipinas
2016–halal
Alkalde ng Lungsod Davao
Hunyo 30, 2013–Hunyo 30, 2016
Hunyo 30, 2001–Hunyo 30, 2010
Pebrero 2, 1988–Marso 19,1998
Kinatawan ng Unang Distrito
Lungsod Davao
1998–2001
Bise-Alkalde
Lungsod Davao
1986–1988
2010–2013
Isinilang: 28 Marso 1945
Maasin, Leyte

Si Rodrigo Roa Duterte (ipinanganak 28 Marso 1945 sa Maasin, Leyte) ay isang Pilipinong abogado at politiko na kasalukuyang nanunungkulan bilang ika-16 Pangulo ng Pilipinas. Nanumpa siya sa bilang pangulo noong 30 Hunyo 2016.

Bago nahalal bilang pangulo, si Duterte ay nagsilbi bilang alkalde ng Lungsod Davao sa loob ng pitong termino o higit 22 taon. Una siyang nahalal noong 1987 at dalawang beses pang muling nahalal. Matapos ang kaniyang huling termino, nahalal siya bilang kinatawan ng unang distrito ng nasabing lungsod mula 1998 hanggang 2001. Muli siyang tumakbo sa pagka-alkalde sa Davao noong 2001 at matagumpay na nakuhang muli ang puwesto. Noong 2004, siya ay muling nanalo bilang alkalde sa panibagong termino. Ikalima si Duterte ng mga politikong Pilipino sa listahan ng “most trusted individuals” ng Reader’s Digest noong 2010.

Sa ilalim ng pamamahala ni Duterte, sukdulang bumaba ang kriminalidad sa Davao, at tinawag ito ng lokal na lupon ng turismo bilang “Pinakamapayapang Lungsod sa Timog-silagang Asya.” Binansagan naman siyang “The Punisher” ng Time Magazine at paulit-ulit siyang kinondena ng ilang lokal na mamamayan at ng Amnesty International dahil sa tinaguriang Davao Death Squad na pumapaslang sa mga kriminal, kabilang na ang mga kabataan na nadadawit sa krimen tulad ng paggamit ng bawal na gamot at pagnanakaw.

Kabataan at Edukasyon

Ipinanganak si Duterte noong 28 Marso 1945 sa Maasin, Leyte kina Vicente Duterte, dating gobernador ng Davao, at Soledad Roa, guro at civic leader.

Nagtapos siya ng elementarya sa Sta. Ana Elementary School sa Davao noong 1956 at sekundarya sa Holy Cross Academy sa Digos, Davao del Sur. Nakamit niya ang Bachelor of Arts degree sa Lyceum of the Philippines University sa Maynila noong 1968 at law degree sa San Beda College of Law noong 1972. Miyembro siya ng Lex Talionis Fraternitas, isang kapatirang nakabase sa San Beda College of Law at Ateneo de Davao University. Nakapasa siya sa Philippine Bar Examination noong 1972 at nagtrabaho bilang Special Counsel sa City Prosecution Office sa Davao.

Karera sa Politika

Alkalde

Matapos ang Aklasang Bayan sa EDSA, itinalaga si Duterte bilang officer-in-charge vice mayor ng lungsod. Makalipas ang dalawang taon, tumakbo siya bilang alkalde at nanungkulan hanggang 1998. Itinalaga niyang deputy mayors ang mga kinatawang nagtatanggol sa karapatan ng mga Lumad at Moro sa gobyerno.

Taong 1998 nang siya’y manungkulan bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Davao. Mula 2001 to 2010 nama’y nagsilbi siyang muli bilang alkalde. Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, nakamit ng Davao ang National Literacy Hall of Fame Award matapos manalo ng tatlong beses sa Highly Urbanized City category ng Outstanding Local Government Unit. Bumaba ang bilang ng mga krimen sa ilalim ng kaniyang panunungkulan. Magmula sa pagiging isang “crime-infested area,” ang lungsod ay nakilala bilang maunlad na komersiyo na may 24/7 emergency hotline (Central 911). Noong Hunyo 2015, ang Lungsod Davao ang ikalima sa listahan ng “safest cities in the world,” ayon sa global database website na Numbeo, na hindi gumagamit ng third-party checks and audits para sa mga datos nito at sa halip ay nakabase lamang ang mga datos sa sinasabi ng mga gumagamit ng website.

Gumugol si Duterte ng 12 milyong piso mula sa pondo ng pamahalaan para ipaayos ang isang drug rehabilitation and treatment center na nauna nang ipinatayo ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (Department of Social Welfare and Development) noong 1985, o tatlong taon bago siya naging alkalde. Noong 2003, nag-alok siya ng monthly allowance na dalawang libong piso sa mga drug addict na lumalapit sa kaniya at humihingi ng tulong upang tuluyan na itong maiwasan. Binibisita rin niya ang mga liblib na kampo ng New People’s Army (NPA) upang paigtingin ang usapang pangkapayapaan at diplomasiya.

Dalawang beses kada linggo kung magmaneho paikot ng lungsod si Duterte upang masiguro na maayos ang lahat ng bagay. Sa pamamatrolya tuwing gabi, binibisita niya ang mga presinto at sinisigurong hindi natutulog ang mga pulis at inaalam kung talaga bang alam ng mga nakakulong ang kanilang nagawang kasalanan. Mayroon ding panahon noon na namahagi siya ng groceries sa mga pulis upang hindi na nila maisipan pang mangotong. Sa kabilang banda, siya na mismo ang magpapangaral sa pulis na mahuhuli niyang lasing habang oras ng trabaho.

Sinusuportahan ni Duterte ang LGBT rights at nagsasali ng gay candidates sa kaniyang partido sapagkat naniniwala siyang ang lahat ay nararapat lamang na may representasyon. Isa siya sa mga nagreklamo nang alisin ng Commission on Elections (Comelec) ang Ang Ladlad, isang gay rights group, mula sa party-list slate. Isa rin siya sa mga tumulong na maipasa ang Anti-Discrimination ordinance sa kanilang lungsod.

Nagsilbi siyang bise-alkalda ng Lungsod Davao mula 2010 hanggang 2013.

Ang ilan sa mga kilalang ordinansang ipinatupad sa ilalim ng kaniyang pamamahala ay ang sumusunod:

  • Firecracker ban
  • Liquor ban (pagtitinda at pagkonsumo ng alak mula 10 ng gabi hanggang 8 ng umaga sa mga pampublikong lugar)
  • Anti-smoking ordinance
  • Family planning

Inalok siyang manungkulan bilang kalihim ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (Department of Interior and Local Government) ng mga dating Pangulong sina Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at Benigno Aquino III, ngunit tinanggihan niya ang lahat ng ito. Si Duterte ang anti-crime consultant ni Arroyo noong 2002. Siya ang namuno ng anti-terror task force upang makamit ang katahimikan at kapayapaan sa bansa.

May sariling local show sa Lungsod Davao si Duterte na may pamagat na Gikan Sa Masa, Para Sa Masa [Mula sa Masa, Para sa Masa] na natutunghayan noon sa ABS-CBN Davao.

Ilang beses niyang tinanggihang tumanggap ng mga parangal. Noong 2014, siya’y nominado para sa “World Mayor” award ng The City Mayors Foundation ngunit magalang niya itong tinanggihan. Aniya, hindi niya ito ginagawa para sa kaniyang sarili ngunit ginagawa niya ito para sa kaniyang mga kababayan. Ang nasabing parangal ay iginagawad kada dalawang taon sa mga natatanging lider na maayos na napaglingkuran ang kanilang komunidad. Tinanggihan din niya ang mga parangal para sa Lungsod Davao mula sa American Cancer Society at ang 2010 Anti-Smoking Award sa Singapore.

Kampanya sa Pagkapangulo 2016

Para sa Halalan 2016, maraming beses hinimok si Rodrigo Duterte na tumakbo sa pagkapangulo ngunit tinanggihan niya ito sa simula sa kadahilanang may mga lamat umano ang sistema ng gobyerno sa Pilipinas. Ginamit rin niyang dahilan ang kaniyang edad, gayundin ang pagtutol ng kaniyang pamilya. Gayunman, noong 27 Nobyembre 2015 ay idineklara niya ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo ng Pilipinas at pormal na nagpasa ng kaniyang certificate of candidacy (COC). Ayon sa tagapagsalita noon ng Komisyon sa Halalan na si James Jimenez, inihain ang COC ni Duterte sa kanilang tanggapan sa Maynila sa pamamagitan ng isang kinatawan. Humalili si Duterte kay Martin Diño na nauna nang naghain ng kaniyang kandidatura. Tumakbo si Duterte sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban). Pinapayagan ng Komisyon sa Halalan ang pagkakaroon ng kahaliling kandidato mula sa parehong partido.

Kontrobersiya

Bukod sa mga paratang ng extrajudicial killing at iba pang akusasyon mula sa kaniyang mga katunggali, naipit si Duterte sa ilang kontrobersiya dahil na rin sa kaniyang mga pananalita.

Noong Nobyembre 2016, nang siya’y tanungin tungkol sa mga naging karanasan niya sa Maynila sa pagbisita ng Santo Papa, sinabi niyang nainis siya sa buhol-buhol na trapikong idinulot nito. Aniya, sa pabirong tono, “Gusto kong tawagan, ‘Pope p*tang ina ka, umuwi ka na. ‘Wag ka nang magbisita dito.” Ilang oras matapos niyang bitawan ito, sinabi niyang hindi niya intensiyon na atakihin ang Santo Papa. Dagdag pa niya, nais niyang magtungo ng Vatican upang humingi ng tawad sa Santo Papa ngunit pinili na lamang na magpadala ng sulat dito.

Ilang buwan lamang ang nakalipas ay nasangkot na naman siya sa panibagong kontrobersiya matapos siyang magkomento sa kaso ng rape na naganap sa kulungan sa Davao noong 1989. Aniya, galit siya sa mga hostage taker na nanggahasa sa 36-anyos na misyonerong Australian na si Jacquelline Hammill. Dagdag pa niya, na dapat nauna rito ang Mayor. Marami ang hindi natuwa sa mga binitawan niyang salita, biro man ito o hindi. Humingi naman siya ng paumanhin kalaunan at sinabing hindi niya intensiyon na lapastanganin ang mga kababaihan lalo pa ang mga naging biktima ng rape.

Inakusahan din siya ni Antonio Trillanes IV, na noo’y tumatakbo bilang pangalawang pangulo, ng pagkakaroon ng “ill-gotten wealth” na nagkakahalagng 211 milyong piso na hindi nakasaad sa Statement of Assets and Liabilities (SALN) ni Duterte. Hinamon ni Trillanes si Duterte na pumirma ng isang Special Power of Attorney (SPA) na magbibigay ng kalayaan sa bangko na ipakita ang laman ng account ni Duterte. Nagbigay si Salvador Panelo, na noon ay abogado ni Duterte, ng pirmadong SPA noong Mayo 2016, ngunit sinabi ni Trillanes na hindi nakasaad sa dokumento na ipakita ang transaction history sa account.

Noong 5 Mayo 2016, isang political campaign ad na inaatake si Duterte na binayaran ni Senator Trillanes ang ipinalabas sa mga telebisyon. Ipinakita rito ang mga bata na pinupuna ang mga kilos at salita ni Duterte. Makalipas ang dalawang araw, naglabas ng 72-oras na temporary restraining order (TRO) ang Taguig Regional Trial Court (RTC) na pinagbabawalan ang mga istasyon ng telebisyon sa pagpapalabas nito.

Nakatuon ang kampanya ni Duterte sa pagtanggal sa kriminalidad sa bansa, partikular na ang problema sa ilegal na droga. Nangako siya na mawawala ang ilegal na droga sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan matapos siyang umupo sa puwesto. Nangako rin siyang papatayin ang mga libo-libong kriminal, at magpapalabas ng “shoot-to-kill” order laban sa mga grupong kriminal, maging ang mga manlalaban sa mga awtoridad. Binatikos ng mga kritiko ang pahayag na ito ni Duterte, habang patuloy naman ang pagsuporta sa kaniya ang ilang mga grupo

Ilang araw bago magtapos ang kampanya, hinikayat ng papaalis na pangulong si Benigno S. Aquino III na magkaisa ang lahat laban kay Duterte. Ayon kay Mar Roxas, kailangan nilang magkaisa laban kay Duterte na may pagbabanta ng diktadurya, kawalang pagpapahalaga sa katapatan, integridad, transparency, responsibilidad, at maging desensiya.

Tagumpay

Ilang oras matapos magsara ang botohan, lumabas sa partial at unofficial vote counts na ipinakita ng Komisyon sa Halalan at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nangunguna si Duterte sa pagkapangulo matapos makakuha ng 15,970,018 boto o 38.6 porsiyento ng kabuuang boto para sa pagka-pangulo. Matapos magtamo ng 16,601,997 boto, iniluklok si Duterte bilang ika-16 Pangulo ng Republika ng Pilipinas noong 30 Hunyo 2016.

Pagkapangulo

Si Duterte ang pinakamatandang naging pangulo ng Pilipinas sa edad na 71. Siya rin ang unang Visayan na mula sa Mindanao at ikalawang Cebuano na naging pangulo ng bansa.

War on Drugs

Isa sa mga unang ipinag-utos ni Duterte sa simula ng kaniyang administrasyon ang pagsugpo sa ilegal na droga sa bansa. Ayon kay dating Philippine National Police (PNP) chief Ronald dela Rosa, layunin ng kampanya na “ma-neutralize” ang mga sangkot na ilegal na droga sa buong Pilipinas.

Noong Setyembre 2016, inihalintulad ni Duterte ang kaniyang sarili kay Adolf Hitler at sinabing “If Germany had Hitler, the Philippines would have…” habang itinuturo ang sarili. “Hitler massacred three million Jews…there’s three million drug addicts. There are. I’d be happy to slaughter them.” Sa kaparehong buwan, sinabi rin ni Duterte sa poprotektahan niya ang mga pulis at sundalong sangkot sa war on drugs, at hindi umano niya hahayaang may makulong sa kanila dahil sa kanilang trabaho.

Ilang beses ring sinabihan ni Duterte ang mga sibilyan na pumatay ng mga drug suspect. Marami nang mga drug suspect ang napabalitang pinatay ng mga grupong vigilante simula naging pangulo si Duterte. Hanggang noong Disyembre 2018, umabot na sa 27,000 ang namatay sa war on drugs, ayon sa datos ng Komisyon sa Karapatang Pantao [Commission on Human Rights]. Noong Marso 2019, sinabi ng PNP na nasa 29,000 na ang namamatay sa mga operasyon kontra droga.

Umani ng kabi-kabilang batikos mula sa iba’t ibang grupo ang war on drugs ng Administrasyong Duterte, na tinawag na “large-scale murdering enterprise” ng grupong Amnesty International.

Noong 14 Hunyo 2021, ipinahayag ni Fatou Bensouda, na noo’y prosecutor ng International Criminal Court (ICC), na natapos na niya ang kaniyang paunang pagsusuri sa Pilipinas at humingi na siya ng pahintulot sa korte para simulan ang imbestigasyon sa mga “crimes against humanity, torture and other inhumane acts” na nangyari sa Pilipinas mula Nobyembre 2011 at Marso 2019 dahil sa war on drugs. Kasama sa iimbestigahan ang mga tinatawag na extrajudicial killings na isinagawa ng mga pulis sa mga operasyon kontra droga matapos ang paghikayat ng mga opisyal ng pamahalaan, kabilang na si Duterte.

DuterteNomics

Tinawag na “DuterteNomics” ang mga patakarang pang-ekonomiya na ipinatupad ng Administrasyong Duterte. Kabilang dito ang mga patakarang may kinalaman sa pagbubuwis at mga programang pang-impraestruktura. Ang sumusunod ay ang 10-point agenda ng Administrasyong Duterte na iprinisenta ng economic team ng administrasyon sa isang forum sa Davao noong Hunyo 2016.

  1. Continue and maintain current macroeconomic policies, including fiscal, monetary, and trade policies.
  2. Institute progressive tax reform and more effective tax collection, indexing taxes to inflation.
  3. Increase competitiveness and the ease of doing business.
  4. Accelerate annual infrastructure spending to account for 5% of GDP, with Public-Private Partnerships playing a key role.
  5. Promote rural and value chain development toward increasing agricultural and rural enterprise productivity and rural tourism.
  6. Ensure security of land tenure to encourage investments, and address bottlenecks in land management and titling agencies.
  7. Invest in human capital development, including health and education systems, and match skills and training.
  8. Promote science, technology, and the creative arts to enhance innovation and creative capacity.
  9. Improve social protection programs, including the government's Conditional Cash Transfer program.
  10. Strengthen implementation of the Responsible Parenthood and Reproductive Health Law.

Iba pang karanasan sa trabaho

  • Special Counsel – City Prosecution Office, Lungsod ng Davao, 1977-1979
  • Fourth Assistant City Prosecutor - City Prosecution Office, Lungsod ng Davao, 1979-1981
  • Third Assistant City Prosecutor - City Prosecution Office, Lungsod ng Davao, 1981-1983
  • Second Assistant City Prosecutor - City Prosecution Office, Lungsod ng Davao, 1983-1986
  • Lecturer on Criminal Law, Criminal Evidence & Criminal Procedure - Police Academy Regional Training Center XI, 1973
  • Bise-Alkalde - Lungsod ng Davao, 1986-1988
  • Alkalde - Lungsod ng Davao, 1988-1992 (muling nahalal: 1992-1995, 1995-1998)
  • Kinatawan/Kongresista - Unang Distrito ng Lungsod ng Davao, 1998-2001
  • Alkalde - Lungsod ng Davao, 2001-2004 (muling nahalal: 2004-2007, 2007-kasalukuyan)

Si Duterte ay kasapi rin ng mga sumusunod na organisasyon:

  • Integrated Bar of the Philippines
  • Davao Lions International - Chinatown chapter
  • Davao Practical Shooting Association
  • On Any Sunday Riders

Pamilya

Dating kasal si Duterte kay Elizabeth Zimmerman, isang flight attendant mula Davao. Sila'y may tatlong anak: Paolo, Sara at Sebastian. Sumabak sa pulitika ang lahat ng mga anak ni Duterte. Kasalukuyang kinatawan ng unang distrito ng Davao City si Paolo o Pulong, habang si Sara ang kasalukuyang alkalde ng Davao City. Noong 2019, nahalal rin bilang vice mayor o bise alkalde ang bunsong anak ni Duterte na si Sebastian o Baste. Noong 2000, na-annul ang 27-taong kasal nina Duterte at Zimmerman. Taong 2015 nang madiskubreng may stage 3 breast cancer si Zimmerman. Kasalukuyang kasama ni Duterte ang kanyang common-law wife na si Cielito “Honeylet” Avanceña at ang kanilang anak na si Veronica. Mayroong sampung apo si Duterte: lima kay Paolo, tatlo kay Sara at dalawa kay Sebastian.

Pagtakbo sa Halalan 2022

Sa opisyal na press release ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) noong 24 Agosto 2021, ipinahayag nila ang pagtakbo ni Duterte bilang pangalawang pangulo sa Halalan 2022 kasama ang inisyal na mga pangalan para sa mga tatakbo bilang senador tulad nina Rodante Marcoleta, Gregorio Honasan, Salvador Panelo, Arthur Tugade, at Mark Villar.

Ang pagtakbo umano bilang pangalawang pangulo ni Duterte ay upang matiyak ang kaayusan sa pagpapatupad ng COVID-19 Vaccination Program na sinimulan ng kaniyang administrasyong at bilang tugon na rin sa panawagan at hamon ng publiko.

Samantala, noong 8 Setyembre 2021, nagdaos ng pambansang pagtitipon sa Pampanga ang paksiyon ni Alfonso Cusi ng PDP-Laban at iprinoklama ang tambalang Go-Duterte para sa Halalan 2022. Muli naman binigyang-diin ni Go na hindi siya interesado sa posisyon sa pagkapangulo.

Mga Sanggunian

Panlabas na Kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.