Rodolfo "Rudy" Nebres

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Rodolfo “Rudy” Nebres ay isang tanyag at de-kalidad na dibuhista na naninirahan ngayon sa Amerika. Nagpakadalubhasa siya sa School of Fine Arts. Nagsimula si Nebres bilang isang lettering artist sa isang lokal na comic publication, ang G. Miranda and Sons komiks – magazines. Kinalaunan ay lumipat din siya sa ACE Publications kung saan sinimulan niya ang kaniyang karera bilang isang propesyonal na dibuhista.

Karera sa Ibang Bansa

Dekada 70's nang kinuha bilang bagong kasapi ng DC at ng Marvel si Nebres para sa serye ng kanilang mga black-and-white lines na magasin. Iniwan niya ang Pilipinas upang manirahan sa Amerika noong 1975 kung saan iginuhit niya ang ilan sa mga pamosong akda tulad ng Dr. Strange, The Incredible Hulk, King Conan at ang Spider-Man.

Nilikha ni Nebres ang mga obrang kinilala ng madla na kinabibilangan ng Warriors of the Shadow Realm at The Savage Sword of Conan na kasama si John Buscema. Hindi nagtagal, siya ay lumipat sa Warren kung saan ginawa niya ang mga dibuho para sa Creepy, Eerie at Vampirella. Namumukod tangi ang kaniyang mga gawa dahil sa detalyadong pagsusuri sa mga bahagi ng katawan ng kaniyang mga iginuguhit na karakter. Kinalaunan, nagsimula siyang magtrabaho bilang isang presentation artist para sa Marvel Entertainment sa Hollywood. At doon ay isinilang ang mga komiks na Armour, Samuree, at ang ToyBoy para sa Continuity Studios.

Iba pang Obra

Bumalik siya bilang isang freelance artist at simula noon, gumawa siya ng ilang mga obra gaya ng Spiderman, Conan at Punisher para sa Marvel. Dagdag pa dito ang kaniyang nilikha bilang isang Negation one shot sa isang issue ng Crossgen Chronicles para sa Crossgen Comics noong 2002.

Taong 2000 nang maglabas si Rudy ng koleksyon ng kaniyang mga likha na mga fan commissions. Ito ang The Art of Rudy Nebres na nilimbag ng SQP Inc.

Si Rudy ay kasalukuyang nakatira sa New Jersey kasama ang kaniyang asawang si Dolores at ang kanilang mga anak na sina Melvin at Edwin.

Sanggunian

  • Rudy Nebres sa KOMIKLOPEDIA
  • Marcelino, Ramon, ed. "A History of Komiks in the Philippines and other Countries" Manila:Islas Filipinas Publishing House, 1985.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.