Rodeo Masbateño

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Rodeo Masbateño Festival ay taunang pagdiriwang sa Lungsod ng Masbate kung saan ipinakikita ang husay sa paghawak sa mga alagang baka gaya ng paghuli at pagsakay sa mga ito. Kasabay nito ang trade fair at pagtatampok at pagbenta ng mga baka at kabayo. Ginawa ito noong tag-init ng 1993 sa lalawigan ng Masbate na tinaguriang “Cattle Country of the Philippines.”

Pinagmulan

Nagsimula ang Rodeo Masbateño noong 1992 bilang daan sa pagpapaangat ng industriya ng bakahan sa lugar. Sinimulan ito ng MAKUSOG, isang grupo ng mga ranchero at negosyante sa Masbate na nagtatag ng Rodeo Masbateño Foundation.

Matagal na ang tradisyon ng pag-aalaga ng mga baka sa lalawigan, na may nasasakupang 81 porsyento sa lupain para rito subali't nagkaroon ng panahong nanghina ito. Sa suporta ni Gobernador Emilio Espinosa Jr., naisagawa ang unang Rodeo noong 1993. Kasunod nito, naging taunan ang pagdaraos ng rodeo na nakatulong sa turismo at komersyo sa rehiyon at nakadagdag sa maipagmamalaki ng lalawigan. Una itong nakilala bilang Rodeo Filipino hanggang maging Rodeo Masbateño. Lumawak ito hanggang sa maging pambansa ang pagdaraos na nakapanghalina sa mga turista mula sa ibang lugar sa Pilipinas at ibang bansa.

Bilang pagkilala sa tagumpay ng pagdiriwang, noong 22 Setyembre 2002, ipinalabas ni dating Pangulong Gloria Magapagal-Arroyo ang Executive Order No. 120 na nagdedeklara sa Masbate bilang Rodeo Capital of the Philippines.

Nakilala rin ang Masbate bilang Redeo Capital of Asia at ngayon ay kunektado na sa Professional Rodeo Cowboys Association of America. Nakasali na ang mga cowboy na tubong Masbate sa National Rodeo Finals sa Las Vegas.

Pagdiriwang

Nagbubukas ang festival sa isang parada ng mga kabalyero. Mayroon ding pagtatanghal ng mga baka, karnabal, at trade fair na nagtatampok sa mga lokal na produkto, at mayroon ding seminaryo sa kalusugan ng mga hayop.

Pinaka inaabangan naman ang kumpetisyon ng rodeo kung saan nagsusuot ang mga kababaihan at kalalakihan ng damit ng cowboy at nanghuhuli ng mga baka habang nakasakay sila sa kabayo o nasa lupa; ang pakikipagbuno sa baka; pagsakay sa baka; ang karambola ng dalawang tao; at iba pang gawaing may kinalaman sa pagmamando sa mga alagang baka.

Panlabas na Kawing