Robin Padilla

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Robin Padilla.jpg

Si Robin Padilla o Robinhood Fernando Cariño Padilla ay isang kilalang aktor sa Pilipinas. Bagama’t hindi na aktibo sa paggawa ng mga pelikula, si Padilla ay aktibo sa larangan ng politika. Siya ay kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at isa sa mga nagsusulong ng federalismo sa bansa.

Personal na Buhay at Karanasan

Si Robin Padilla ay ipinanganak noong 23 Nobyembre 1969 sa Daet, Camarines Norte kina Casimero Ruiz Padilla, kilalang politiko sa lalawigan, at Lolita Eva Cariño, dating aktres. Siya ay may tatlong kapatid na pare-pareho ring naging aktibo sa paggawa ng mga pelikula: Royette (pumanaw noong 2021), Rustom (na ngayon ay si Bb. Gandanghari), at Rommel.

Dalawang beses ikinasal si Padilla: kay Liezel Sicangco (1997–2007, diborsiyo) at Mariel Rodriguez (2010–kasalukuyan). May apat na anak si Padilla kay Sicangco (sina Queenie, Kylie, Zhen-Zhen, at Ali) at dalawa kay Rodriguez (Maria Isabella at Maria Gabriela). May isang anak si Robin sa pagkabinata sa dating leading lady nito na si Leah Orosa—si Camille Orosa.

Si Padilla ay popular na action star sa Pilipinas at kinilala bilang “Bad Boy of the Philippine Movie.” Kabilang sa mga pelikulang pinasikat siya ay ang Anak ni Baby Ama (1990), Bad Boy (1990), Bad Boy II (1992), at Grease Gun Gang (1992).

Gumawa ng mga pelikula si Padilla sa VIVA Films, Star Cinema Productions Inc., FLT Films International, at GMA Films. Nakasama niya ang Megastar na si Sharon Cuneta sa mga pelikulang Maging Sino Ka Man (1991), Di Na Natuto (1993), at Pagdating Panahon (2001). Pati si Regine Velasquez ay kaniyang nakatambal sa mga pelikula ng Kailangan Ko'y Ikaw (2000) at Till I Met You (2006).

Noong 1994, nakulong si Padilla sa kasong illegal possession of firearms at nasentensiyahan ng 17 hanggang 21 taong pagkakabilanggo. Apat na taon lamang ang inilagi niya sa kulungan dahil sa ibinigay na padron ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. Gayunman, ang kaniyang sibil at politikal na mga karapatan ay hindi buong naibigay sa kaniya. Sa kabilang-banda, binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon si Padilla kaya muli niyang nakamtan ang kaniyang mga karapatan tulad ng karapatang bumoto at mangibang bansa. Buo ang suporta ni Padilla sa kandidatura ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016. Patuloy niyang sinuportahan ang pangulo at naging magkasangga sa politika.

Nang makalaya, si Padilla ay nag-aral at nagtapos ng BS Criminology sa Philippine College of Criminology.

Si Padilla ay nagsilbing chairperson ng Strategic Communications Committee of the Philippine Army Multi-Sectoral Advisory Board mula 2020 hanggang 2021.

Pagiging Muslim

Niyakap ni Padilla ang relihiyong Islam makalipas ang dalawang taon niya sa piitin. Nabinyagan siya gamit ang Islamikong pangalang Abdul Aziz, nangangahulugang “Tagapaglingkod ng Kataas-taasan.” Nang makalaya noong 1998, nagbalik sa showbiz si Padilla at isinaayos ang paraan ng pamumuhay. Tumulong din siya sa mga komunidad ng mga Muslim. Isinulong at nangalap din siya ng pondo upang makapagpatayo ng sementeryo ng mga Muslim sa Norzagaray, Bulacan—ang Himlayang Liwanag ng Kapayapaan. Limang taon siyang nakipagnegosasyon para rito bago maaprubahan noong 2010. Noong 2010 din ay ginawang paaralan ng mga batang Muslim ang tahanan ni Robin sa Fairview, Quezon City. Tinawag itong Liwanag ng Kapayapaan.

Noong 2000, kasagsagan ng pagrerebelde at pangingidnap ng Abu Sayyaf Group (ASG), ay napabilang si Padilla sa nakipagnegosasyon sa mga ito. Pinayagan siya ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada na maging bahagi ng negosasyon ng pamahalaan sa naganap hostage taking ng ASG sa Sumilip, Basilan. Ang pagpayag na ito ay bunsod na rin ng hiling at pananakot ng ASG na isa sa mga bihag ay pupugutan nila kapag hindi iniharap sa kanila si Padilla. Gayunman, may ulat na gusto lamang palang makipagpiktyur ng mga miyembro ng ASG kay Padilla.

Noong 2017 naman, isinulong ni Padilla ang Tindig Marawi na layuning mangalap ng pondo para sa muling pagbangon ng siyudad matapos ang limang buwang Pagkubkob sa Marawi ng Grupong Maute.

Pagkakapanalo bilang Senador

Si Padilla ay kumandidato bilang senador sa Halalan 2022 sa ilalim ng PDP-Laban. Halos isang linggo matapos ang halalan, pormal na iprinoklama ng Komisyon sa Halalan si Padilla bilang Senador ng Pilipinas, kasama ang 11 pang nanalong kandidato, sa isang seremonya sa Lungsod Pasay noong 18 Mayo 2022. Siya ang nakapagtamo ng pinakamaraming boto bilang senador na may kabuoang bilang na 26,612,434. Sa kasalukuyan, si Padilla ang pangatlong Pilipinong Muslim na naging senador ng bansa, sunod sa mga dating senador na sina Hadji Butu at Nina Rasul.

Sa programang “Hatol ng Bayan 2022” na umere sa PTV-4 noong 10 Mayo 2022 habang palamang nang palamang ang bilang ng boto kay Padilla, ipinahayag ni Ranjit Rye, isang political science professor at fellow ng OCTA Research, na hindi niya masabi ang tumpak na dahilan ng pagiging numero uno ni Padilla sa pagkasenador. Aniya, bagama’t nasa Top 10 sa mga survey, hindi ito kailanman naging No. 1. Mas inaasahan umano ng OCTA Research ang pagiging No.1 ni Loren Legarda o ni Raffy Tulfo. Gayunman, inamin niya na malaki ang impluwensiya ng pagiging popular ni Padilla bilang aktor at ang suporta mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kandidatura ng aktor. Dagdag pa ni Rye, malaki rin ang respeto ng mga Pilipinong Muslim kay Padilla.

Samantala, dahil baguhan sa senado, ipinahayag ni Padilla na kailangan niya ng pambato sa usapin ng batas kaya hinirang niyang “legislative consultant, adviser, at mentor” ang kapuwa kandidato ngunit natalo sa pagkasenador na si Salvador Panelo.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.