Roberto T. Añonuevo
(Kung nais ninyong basahin ang bersiyong Ingles nito, pindutin ang Roberto T. Añonuevo)
Si Roberto T. Añonuevo ay makata, tagasalin, at editor ng sari-saring akdang pampanitikan.
Isinilang siya sa Maynila at nag-aral siya ng kursong sosyolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sumapi sa mga organisasyon upang lumahok sa mga progresibong pananaliksik, gaya ng kauna-unahang Proyektong HIV-AIDS sa Pilipinas; tumulong sa rehabilitasyon ng mga batang naipit sa armadong labanan; at gumabay at nagturo sa mga batang lansangan. Pagkaraan, ibubuhos ni Añonuevo ang buhay sa pagsusulat, pag-eedit, at pagsasalin ng mga akdang nasusulat sa Ingles mula Diyaryo Filipino hanggang sari-saring publikasyon.
Mga Akda
Kabilang sa kaniyang mga aklat ang Liyab sa Alaala (UST Publishing House, 2004); Pagsiping sa Lupain (Ateneo de Manila University Press, 2000); Paghipo sa Matang-Tubig (De La Salle University Press, 1993); Walang Pagpatay na Agham Pampolitikang Pandaigdig (2007), salin ng Global Nonkilling Political Science ni Glenn D. Paige; Mga Kuwento sa Kasaysayan (2002), salin ng aklat na Today in History ni Carmen Guerrero-Nakpil; Karagatan ni Gaudi: Kuwento ng Dakilang Pawikan (1993), salin ng nobelang pambata ni Shinji Tajima; at iba pang akda hinggil sa pagbabagong-klima (climate change), kalusugan, at kaligiran.
Si Añonuevo rin ang editor ng mahigit na 20 aklat pampanitikan, at kabilang dito na binigyan niya ng mapanuring introduksiyon ang mga aklat nina Manuel Principe Bautista, Iñigo Ed. Regalado, Ildefonso Santos, Florentino T. Collantes, David T. Mamaril, Servando de los Angeles, Liwayway A. Arceo, Benjamin Pascual, Mike L. Bigornia, Bienvenido Ramos, Benigno R. Juan, at Placido Parcero Jr. Bukod pa rito ang inedit niyang diksiyonaryo, antolohiya, journal, at iba pang lathalain.
Mga Parangal
Kabilang sa mga natamong parangal ni Añonuevo ang SEAWrite Award for Poetry sa Thailand (2002); National Book Award for Poetry (2004); UP Institute of Creative Writing Center National Fellow for Poetry (2004); First Prize, Sawikaan: Word of the Year (2006); the Don Carlos Palanca Memorial Awards Hall of Fame (2000); Natatanging Gawad Parangal, Komisyon sa Wikang Filipino (2004); Talaang Ginto: Gawad Collantes (1990, 1993, 1999); Panorama Poetry Contest (1993); Diyaryo Filipino Poetry Contest (1990), at UST Rector's Award. Isa siya sa mga kinatawan ng ating bansa sa Second ASEAN Poetry Conference Workshop noong 1995 at sa pandaigdigang kumperensiya hinggil sa panitikan sa Malaysia noong 2000. Kinilala rin siyang pinakamahusay na editor sa palihang isinagawa ng BALS (Basic Alternative Learning System) ng Departamento ng Edukasyon noong 2006.
Mga Organisasyon
Nahalal siyang pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) noong 1993; kasamang tagapagtatag ng ORAGON Poets Circle, ang samahan ng mga premyadong makata ng bansa, noong 1998; nahalal na tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 2005-2007; naging kasapi sa konsehong tagapagpaganap sa Pambansang Lupon sa Wika at Salin ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining noong 2002-2007.
Sanggunian
- Almario, Virgilio S. Sansiglong Makabagong Tulang Filipino. Pasig: Anvil Publishing House, 2006.
- Almario, Virgilio S. Sentimiento/Salamisim. Pasig: Anvil Publishing House, 1995.
- Añonuevo, Roberto T. Liyab sa Alaala. Manila: University of Santo Tomas Publishing House, 2004.
- Añonuevo, Roberto T. Pagsiping sa Lupain. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2000.
- Añonuevo, Roberto T. Paghipo sa Matang-Tubig. Manila: De La Salle University Press, 1994.
- Añonuevo, Roberto T. and Galileo S. Zafra, eds. Sawikaan: Book of the Year 2006. Quezon City. University of the Philippines Press, 2007.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |