Rituwal sa Obando
Ang Rituwal ng Pertilidad ng Obando ay ang tatlong araw na pista na nagbibigay parangal sa tatlong santo ng Obando, Bulakan: Mayo 17 para kay San Pascual de Baylon, mayo 18 para kay Santa Clara at Mayo 19 para kay Nuestra Senora de Salambao. Ang selebrasyong ito ay kilala din bilang Pista ng Kasilonawan.
Kasaysayan
Noong panahon ng mga ninuno ng mga Filipino, ang rituwal na sayaw na ito ay tinatawag ding Kasilonawan. Ito ay pinumumunuan nang isang katalonan o pinunong babaylan. Ang rituwal na ito ay may kasabay na inuman, kantahan at sayawan na kalimitang idinadaos sa bahay ng isang datu. Mahalaga ang sayaw ng pertilidad noong unang panahon, ito ay upang ang mga kababaihan ay maging kapaki-pakinabang sa komunidad. Ang pagiging kapaki-pakinabang ng mga kababaihan ay ang kakayanang magpadami ng lahi. Linga, isang bathala ng kalikasan ay ang sentro ng rituwal ng Kasilonawan.
Nang dumating ang mga Pransiskanong misyonaryo sa Filipinas, ipinalaganap nila ang Kristiyaninsmo sa pamamagitan ng pagpapakilala sa mga santo at magpapatayo ng mga simbahan. Tatlo sa ipiankilala nilang santo ay sila Santa Clara, San Pascual Baylon at Nuestra Senora de Salambao.
Ang kasalukuyang mga imahe na nasa altar ng simbahan ng Obando ay replika ng orihinal, inukit sa tulong ng mga mamamayan ng Obando. Ang mga orihinal na imahe ay nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Mga Rituwal
Ang mga mag-asawang hindi magka-anak ay kadalasang nagdarasal sa pamamagitan ng pagsayaw sa Birhen ng Salambao (santo ng mga mangingisda para sa masaganang pangingisda), kay San Pascual de Baylon (modelo ng kabutihan) at kay Santa Clara (patron ng mga hindi magkaanak). Mga dalaga't binata na naghahanap ng kapareha ay maaari ding sumama sa sayawan. Pagsali sa pagsayaw ang ginagawa din ng mga magsasakang nais magpasalamat sa masaganang ani ng nakaraang taon at patuloy na nagdarasal para sa muling kasaganahan sa darating na taon.
Taon-taon, ang mga deboto ay maririnig na nagkakantahan ng awit pagpupunyagi para kay Santa Clara kasabay ng pagkumpas ng kanilang kamay, paggiling ng kanilang baywang at pagdamba ng kanilang mga paa. Ang Rituwal sa Obando ay nabanggit din sa Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal na kung saan si Doña Pia Alba (Maria Clara) ay sumayaw ng pandanggo sa Obando upang magkaanak. Patunay lamang na ang rituwal na ito ay nagbibigay pag-asa sa mga magkabiyak at mga may edad na kababaihang hindi magkaanak.
Ang pagdiriwang na ito ay dinarayo ng libu-libong deboto at banyagang turista upang mag-obserba at ang iba naman ay upang makilahok. Ang mga tao mula sa iba't-ibang panig ng mundo ay dumadayo sa Obando sa kagustuhang mabuntis at magka-anak at makilala ang makakapareha sa buhay.
Awit kay Santa Clara
Sta Clarang pinung-pino, ang hiling ko po ay tupdin niyo, pagdating ko po sa Obando, magsasayaw ako
ng pandanggo... Aruray! abaruray! ang pangako ay tutuparin!
Awit kay Birhen ng Salambao
Mahal na Birhen ng Salambao, kami ay 'yong tulungan, sala namin ay pawiin ni Hesus na ginigiliw,
bayan naming hirang sa 'yo nagdarasal, may awitan may tugtugan mayron pang sayawan, Ina naming
mapagmahal kami ay kaawaan, Pag-ibig mo ay igawad, sa abang taong katulad ko, Ika'y dinarayo ng
lahat ng dako Pinupuri! Pintakasi Birhen ng Salambao!
Sanggunian
- Culture @AFmag. (hinango noong Marso 31, 2008).
- Ivan Henares. (hinango noong Marso 31, 2008).
- Click the City. (hinango noong Marso 31, 2008).
- OFW-connect. (hinango noong Marso 31, 2008).
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |
Rituwal sa Obando Rituwal sa Obando Rituwal sa Obando Rituwal sa Obando