Risa Hontiveros-Baraquel

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Lady Senators 3rd Regular Session Hontiveros (cropped).jpg

Si Ana Theresia Navarro Hontiveros-Baraquel (ipinanganak noong 24 Pebrero 1966) o mas kilala bilang Risa Hontiveros, ay isang Pilipinong politiko, tagapagtanggol ng karapatang pantao, at isang mamamahayag. Siya ay kasalukuyang senador ng Pilipinas at naupo sa puwesto noong 2016. Siya ay naging representative din ng party-list na Anakbayan simula 2004 hanggang 2010. Tumakbo siya bilang senador noong halalan 2010 at 2013 ngunit nabigo.

Nakilala si Hontiveros dahil sa pakikipaglaban sa karapatang pantao at sa pagtuligsa sa ginagawang war on drugs ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kilala rin siyang tagasulong ng karapatan ng LGBT community at ng mga kababaihan.

Si Hontiveros ay mula sa pamilya ng mga mamamahayag. Siya ay nakatatandang kapatid ng mga mamamahayag ding sina Ginggay Hontiveros-Malvar at Pia Hontiveros.

Noong 1 Oktubre 2021, pormal na naghain ng kandidatura para sa kaniyang ikalawang termino sa Senado si Hontiveros.

Personal na buhay

Si Ana Theresia Hontiveros ay isinilang noong 24 Pebrero 1966 sa Maynila. Sa edad na 14, siya ay naging bahagi ng Von Trapp children sa bersiyon ng Repertory Philippines ng mga dulang musikal na The Sound of Music kasama ang mga tanyag na aktres pang-musikal na sina Lea Salonga at Monique Wilson at ang singer na si Raymond Lauchengco.

Edad 14 rin nang unang kumilos si Hontiveros para isulong ang kaniyang ipinaglalaban. Siya ang isa sa mga nag-organisa ng isang protesta laban sa Bataan Nuclear Power Plant noong siya ay nasa haiskul.

Nagtapos si Hontiveros bilang cum laude sa digrig Bachelor of Arts in Social Sciences sa Ateneo de Manila University. Habang nasa Ateneo, naging aktibo si Hontiveros bilang miyembro ng student council at sumama sa mga gawain at adbokasiya para sa kapayapaan, hustisya, at karapatan ng mahihirap na mamamayan. Naging mamamahayag din si Hontiveros at nagtrabaho sa dalawang istasyon ng telebisyon sa bansa. Napanood siya bilang news anchor sa Headline Trese ng IBC at GMA Network News ng GMA.

Bilang isang aktibista, lumahok si Hontiveros sa iba’t ibang grupo tulad ng Coalition for Peace bilang secretary-general simula 1988 hanggang 1992; National Peace Conference bilang governing council noong 1990; Government Panel for Peace Talks with the National Democratic Front; Pandayan para sa Sosyalistang Pilipinas bilang chairperson; Pilipina, na isang peministang organisasyon, at Amnesty International Pilipinas bilang isa sa board of directors.

Si Hontiveros ay ikinasal kay Francisco Baraquel Jr. na bahagi ng Sinagtala Class of 1986 ng Philippine Military Academy (PMA). Noong May 2005, pumanaw si Baraquel dahil sa atake sa puso buhat ng hika. Nagkaroon sila ng apat na anak. Ang kaniyang pamangkin na si Luis Hontiveros ay sumali sa reality show na Pinoy Big Brother: Lucky 7 at ngayon ay artista ng GMA Network.

Politika

Bilang Representative

Pumasok sa politika si Hontiveros noong eleksiyon 2004 bilang kinatawan ng Anakbayan Party-list. Naging matunog ang pangalan ni Hontiveros bilang isa sa mga tumutuligsa kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo lalo na noong pumutok ang kontrobersiyang “Hello Garci” noong 2005.

Noong pagdiriwang ng International Women’s Day noong 2006, inaresto si Hontiveros at dinala sa Camp Caringal sa Lungsod Quezon kahit na walang warrant of arrest at kahit tahimik naman ang ginagawang pagtitipon.

Nagpatuloy si Hontiveros bilang representative ng Anakbayan. Ilan sa mga matagumpay na batas na naipasang nilikha ni Hontiveros ay ang Cheaper Medicines Law na nagpababa ng presyo ng mga mahahalagang gamot sa pamamagitan ng pag-angkat at pagbibigay ng lisensiya sa mga gamot at manufacturer; at Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER)  Law na pinalalawig ang umiiral na CARP Law at nagbibigay ng mas magandang benepisyong kailangan ng mga magsasaka at sektor ng agrikultura.

Pagtakbo bilang senador

Nakasama si Hontiveros sa mga senador na tumakbo kasama ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III noong pambansang halalan 2010. Gayunman, hindi nakapasok sa top 12 si Hontiveros at kinulang ng ilang boto at nagtapos lamang bilang ika-13 kandidatong senador. Kahit na hindi nanalo bilang senador, naging aktibo pa rin si Hontiveros sa politika at isa sa mga nagsulong ng Reproductive Health (RH) law na isa siya sa mga awtor noong siya ay nasa Kongreso pa.

Muling tumakbo si Hontiveros noong eleksiyon 2013 ngunit nabigong muli at nagtapos sa ika-17 puwesto. Noong Disyembre 2014, naupo si Hontiveros bilang trustee ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) board at nanilbihan hanggang 2015.

Bilang senador

Sa ikatlong pagkakataon ay kumandidatong muli si Hontiveros at nanalo noong halalan 2106 sa ilalim ng Koalisyon ng Daang Matuwid. Nagtapos ang kandidatura ni Hontiveros sa ika-9 na puwesto at pormal na ipinroklama bilang senador ng Pilipinas ng Philippine Commission on Elections noong Mayo 19, 2016. Kabilang sa plataporma ni Hontiveros ay ang pagsusulong pantay na karapatan at hustisya ng bawat mamamayan, kalusugan, karapatan ng kababaihan, LGBT community, at kabataan, gayundin ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda, at mahihirap na manggagawa.

Si Hontiveros ay bahagi ng koalisyon ng mga senador na naghain ng Senate Bill No. 935 o SOGIE Equality Bill na hindi pinapansin sa Kongreso sa nakalipas na 16 na taon. Isa rin si Hontiveros sa mga nagprotesta sa biglaang pagkakalibing ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ilan pa sa mga panukalang batas na isinisulong ni Hontiveros ay ang Anti-Discrimination Bill at Philippine Mental Health Bill. Noong Hunyo 2018, naisabatas ang Philippine Mental Health Law.

Kilala rin si Hontiveros bilang isa sa mga kritiko ng administrasyong Duterte. Noong Pebrero 2017, kinundena ni Hontiveros ang pagkakaaresto kay Senador Leila de Lima at sinabing ito ay pagyurak sa sistema ng hustisya sa bansa. Noong Hulyo 2017 naman, isa si Hontiveros sa mga senador na bumoto kontra sa pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao.

Ngunit isa sa mga pinakatinutukang isyu ni Hontiveros sa pamumuno ni Duterte ay ang war on drugs kung saan nasa 20,000 katao ang iligal na napatay sa mga operasyon ng pulisya. Noong Agosto 2017, pinangunahan ni Hontiveros ang imbestigasyon sa pagkakapatay ni Kian delos Santos na nadamay lamang sa giyera kontra droga ng administrasyon. Siya rin ang nagtiyak ng kustodiya ng mga saksi sa krimen. Dahil sa mga pagtuligsa ni Hontiveros sa administrasyon, naghain ng kaso si Vitaliano Aguirre II laban kay Hontiveros.

Ipinaglaban din ni Hontiveros at ilang mga senador ang ilalaan sanang ₱1,000 badyet para sa Commission on Human Rights (CHR) na isa rin sa mga tumutuligsa sa giyera kontra droga ni Duterte. Kalaunan, ibinigay din ang ₱678 milyong badyet para sa komisyon.

Dahil sa pagiging kritiko sa administrasyong Duterte, naging puntirya rin si Hontiveros ng mga pekeng balita sa social media. Kaliwa’t kanang mga pekeng pahayag, larawan, at bidyo niya ang kumalat sa Facebook na kalaunan ay tinanggal din.

Nasangkot din si Hontiveros sa isyu nang di umano’y planong pagpapatalsik sa puwesto kay Duterte ng ilang unibersidad at mga kasapi ng Liberal Party. Tinawag ni Duterte si Hontiveros bilang isang “real destabilizer” ngunit hindi naman nangyari ang sinasabi ni Duterte na planong pagpapatalsik sa kaniya. Makailang ulit na pinasinungalingan ni Hontiveros ang mga paratang ni Duterte.

Naipasa ang iba pang batas na inihain ni Hontiveros tulad ng Safe Streets and Public Spaces Act of 2017, Republic Act 11166 o ang HIV and AIDS Policy Act of 2018 na naglalayong magtayo at paliwigin pa ang mga estratihiya at mga pasilidad na nagbibigay ng kaalaman sa estado ng isang HIV patient. Naghain din ng panukalang batas si Hontiveros na naglalayong gawing ligal ang diborsiyo sa Pilipinas.

Noong Agosto 2020, isinulong ni Hontiveros ang pagtutok sa ginagawang paggasta ng badyet ng PhilHealth matapos lumabas ang isyu ng katiwalian sa nasabing ahensiya.

Halalan 2022

Noong 1 Oktubre 2021, pormal na naghain ng kaniyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador si Hontiveros sa Harbor Garden Tent ng Sofitel Hotel sa Lungsod Pasay. Bago maghain ng kaniyang kandidatura, nagtungo muna si Hontiveros at mga miyembro ng Akbayan Party sa Malate Catholic Church. Si Hontiveros ang kasalukuayng pambansang tagapangulo ng Akbayan at dati ring naging kinatawan nito sa Kongreso.

Mga parangal

Bilang isang mamamahayag, nakamit ni Hontiveros noong 1994 ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) Golden Dove Awards bilang pinakamahusay na babaeng newscaster. Noong 2001 naman, napasama si Hontiveros sa Ten Outstanding Young Men (TOYM) Awardee for Peace and Advocacy dahil sa kaniyang kontribusyon sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front. Noong 2005 naman, isa siya sa mga Pilipinang naging nominado sa Nobel Peace Prize. Noong Disyembre 2017, isa si Hontiveros sa mga unang nakatanggap ng parangal mula sa Ripple Awards dahil sa kaniyang adbokasiya para sa mga taong tinamaan ng HIV-AIDS at sa pagpapalaganap ng kaalaman at pagwawakas sa diskriminasyon sa mga tinamaan ng sakit na ito. Natanggap din ni Hontiveros noong 2018 ang Equality Champion Award mula sa Lagablab Network dahil sa pagsusulong SOGIE Bill at paglaban sa karapatan ng LGBT community at kababaihan.

Mga sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.