Rico Rival

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Rico Rival ay isa sa mga nangungunang dibuhista ng komiks sa bansa. Sa napakamurang edad ay kinakitaan na siya nang pagkahilig sa pagguhit. Ito ang naging daan upang tanghalin siyang isa sa pinakasikat na dibuhista sa komiks kinalaunan. Nagtungo siya sa Amerika noong dekada 70 at nagtrabaho sa prestihiyosong DC Comics.

Kasaysayan

Nagsimula ang pagkagiliw ni Rico Rival sa pagguhit noong siya ay nasa preschool pa lamang. ikinukumpara niya ang kanyang mga dibuho sa kanyang mga kapatid na mahilig ring gumuhit. Ginawaran siya ng parangal na "Artist of the Year" noong hayskul dahil siya ang gumagawa ng lahat ng artwork na ginagamit sa kanilang eskwelahan.

Sa puntong iyon, naging interesado siya sa larangan ng komiks kaya sinimulan niya ang ilang mga likha at ipinasa sa ilang publications.

Napangasawa ni Rival si Purificacion at sila ay biniyayaan ng limang supling.

Larangan

Sa Pilipinas

Ang kanyang unang oportunidad sa larangan ng pagdidibuho ay dumating noong 1957 nang lumabas ang kanyang iginuhit na dalawang pahinang maikling kwento. Nakatanggap siya ng sampung piso dalawang buwan matapos niya itong ipasa. At matapos nito, gumuhit siyang muli para naman sa komiks na Alyas John Doe ng GMS Publishing.

Ngunit dumating ang kanyang unang tunay na "break" noong 1965 nang kinuha siya ni Mars Ravelo upang gumuhit para sa kanyang kwentong Maruja para sa Pilipino Komiks. Naging matagumpay ito at tumagal ng dalawang taon. Kinilala si Rival bilang isa sa mga dibuhista ng mga komiks na drama at nakuha ang tiwala ni Ravelo. Dahil dito, siya muli ang gumuhit para sa mga nobela ni Ravelo, kabilang na rito ang Rowena at Bittersweet, na pumatok rin sa mga mambabasa.

Ipinagpatuloy ni Rival ang kanyang sining hanggang sa mapansin niya na ang nakaugaliang pamamaraan ng pagguhit para sa komiks ay masyadong madetalye. Dito niya sinubukan ang pamamaraan ng mga Kanluranin na "less detailed " upang punan ng mambabasa ang larawang iminumungkahi ng istorya.

Matapos niyang magtrabaho sa Amerika, bumalik siyang muli sa Pilipinas upang ipagpatuloy ang kanyang sining.

Sa Amerika

Ang kanyang kakaibang istilo ay umani ng pagkilala mula sa ibang bansa. Bukod sa kanyang mga trabaho sa Pilipinas, nagtatrabaho rin siya bilang ilustrador para sa National Periodicals.

Nagtungo si Rival sa Amerika noong dekada 70 upang magtrabaho. Nakilala ng mga banyaga ang kanyang galing sa pamamagitan ng pagguhit para sa mga kwentong kababalaghan ng prestihiyosong DC Comics tulad ng "The Unexpected" at "House of Mystery".

Habang nasa Marvel Comics, iginuhit niya ang mga seryeng Escape from the Planet of the Apes, Scarecrow, at Prisoner of Zenda.

Noong dekada 80, nagtrabaho naman siya para sa isang animation company at ginawa ang disenyong background ng BraveStarr at disenyo ng mga karakter ng Transformers: The Movie. Siya rin ang gumawa ng mga dibuho sa Grimjack, Hawkmoon, at Judah the Hammer ng First Publishing. Noong 1989, siya ang gumuhit para sa Omni Men.

Iba pang lumabas na mga likha (Pilipinas)

  • Kapantay ay Langit (Liwayway, 1995)
  • Dalawang Patak ng Luha by Pablo S. Gomez (Liwayway, 2003-04)
  • Huling Lahi ng Aswang by Pablo S. Gomez (Liwayway, 2004)
  • Basura by Pablo S. Gomez (Liwayway, 2005)
  • Ada, ang Nuno sa Punso by Pablo S. Gomez (Liwayway, 2006)
  • Lucresia (Liwayway, 2007)
  • Sumpa (Liwayway, 2008, replacing Rod Lofamia)

Sanggunian

  • Komiklopedia: Rico Rival. Sinilip noong 07 Mayo 2009.
  • Arevalo Jr., Joaquin and Cynthia Roxas. A History of Komiks of the Philippines and Other Countries. 1985, Islas Filipinas Publishing Co., Inc.

Panlabas na Kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.