Richard J. Gordon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

RJGred1.JPG

Si Richard Juico Gordon Sr. (isinilang noong 5 Agosto 1945), kilala rin bilang Dick Gordon, ay isang Pilipinong abogado, politiko, at personalidad sa telebisyon at radio. Siya ay kasalukuyang senador ng Pilipinas na nahalal noong 2016. Naging senador na rin siya noong 2004 hanggang 2010. Siya rin ay kasalukuyang chairman at CEO ng Philippine Red Cross at nagsimulang manungkulan sa puwestong ito noong 2004.

Naging alkalde rin si Gordon ng Olongapo nang dalawang beses mula 1980 hanggang 1986 at 1988 hanggang 1993. Naging matunog ang pangalan ni Gordon sa buong Pilipinas nang umupo bilang chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority noong administrasyon ni Fidel V. Ramos. Naging kalihim naman siya ng Department of Tourism (DOT) sa pamumuno ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Nahalal siya bilang senador ng Pilipinas noong 2004 at nabigo naman sa pagkapangulo noong 2010. Tumakbo siyang muli sa senado noong 2013 ngunit nabigo sa pagkakataong iyon. Nakabalik si Gordon sa Senado nang manalo noong 2016 at nagtapos sa ikalimang puwesto.

Naging host din si Gordon ng ilang programa sa telebisyon at radyo tulad ng Aksyon Solusyon sa Radyo5 at Duelo: Barilan ng Opinyon sa AksyonTV. Kasalukuyan ding napapanood si Gordon sa programang Lingkod Aksyon na umeere tuwing Linggo ng umaga sa TeleRadyo kasama ni Jeffrey Hernaez.

Personal na buhay

Isinilang si Richard Gordon sa Castillejos, Zambales noong 5 Agosto 1945. Anak siya ni James Leonard Gordon na isang politiko rin na may lahing Amerikano at ni Amelia Juico Gordon. Ang mga magulang niya ay kapuwa naging alkalde ng Olongapo.

Nag-aral si Gordon ng elementarya sa Lourdes Catholic School sa Lungsod Quezon at Colegio de San Juan de Letran sa Maynila. Nagtapos naman siya ng haiskul noong 1962 sa Ateneo de Manila University. Sa Ateneo rin siya nagtapos ng kolehiyo kung saan kumuha siya ng kursong Bachelor of Arts major in History and Government degree noong 1966.

Noong 1966, si Gordon ay naging brand manager ng Procter and Gamble Philippines. Matapos nito ay tinulungan naman niya ang kaniyang ina sa pagpapatakbo ng Olongapo. Umupo si Amelia Juico Gordon bilang alkalde ng Olongapo mula 1967 hanggang 1972.

Nagtapos naman ng Law si Gordon sa University of the Philippines College of Law noong 1975. Noong taong ding iyon ay naging bahagi siya ng ACCRA Law Offices.

Ikinasal si Gordon kay Kate H. Gordon na naging alkalde rin ng Olongapo noong 1995 hanggang 2004. Nakatanggap din si Kate ng UNESCO Mayors for Peace Prize award noong 1998. Naging representative din siya ng Unang Distrito ng Zambales noong 1987 hanggang 1995. Mayroon din silang tatlong anak na sina Marnie, Ali, at LJ Brian.

Noong 28 Hulyo 2021, inanunsiyo ni Gordon na siya ay positibo sa COVID-19 ngunit asymptomatic. Nang siya ay magpositibo, siya ay nabakunahan na kontra sa virus. Gumaling din kalaunan ang senador.

Politika

Bilang alkalde

Habang nakaburol ang pinaslang na ama ni Gordon, nahalal siya bilang alkalde ng Olongapo City. Una siyang naupo noong 1980 at unti-unting binago ang imahe ng lungsod na noon ay kilala bilang “Sin City” patungo sa pagiging “Model City.” Inumpisahan niyang ayusin ang pananagutan ng pulisya sa pamamagitan ng maayos na ID system. Nagkaroon din ang lungsod ng maayos na serbisyong pagkalusugan, maayos na pagpapanatili ng kalinisan, at mahigpit na pagpapatupad ng color-coding para sa mga sasakyan.

Naging magkaalyado sina Gordon at noon ay alkalde ng San Juan na si Joseph Ejercito Estrada sa Partido Nacionalista. Isa si Gordon sa mga tumuligsa sa binuong 1987 Constitution na ginawa ng mga itinalagang komite ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Pinangunahan din ni Gordon ang panawagan upang panatilihin ang mga base ng US sa Pilipinas noong 1991. Ang base ng US sa Subic Bay ay isa sa mga pinagkukuhanan ng kita ng mga Olongapo. Noong 1991 din ay napinsala ang lungsod dahil sa pagputok ng Mt. Pinatubo. Noong 16 Setyembre 1991, tuluyan nang ibnasura ang kasunduan ng pananatili ng base militar ng mga Amerikano sa boto ng Senado na 12-11.

Subic at SBMA

Lumobo ang suliranin sa Subic dahil sap ag-alis ng base ng mga Amerikano sa lalawigan. Nagbunga ito ng kawalan ng trabaho at halos 40,000 na mamamayan ang nawalan ng kabuhayan. Isa sa mga naging solusyon at ang pasasabatas ng Republic Act No. 7227 o ang Bases Conversion and Development Act. Dahil sa batas na ito, naitayo ang Subic Bay Freeport Zone o ang Subic Special Economic Zone. Sa bisa rin ng batas, itinaguyod ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na inatasang pangunahan ang operasyon ng Subic Bay Freeport Zone.

Itinalaga si Gordon ni Pangulong Aquino noong 3 Abril 1992 bilang chairman ng SBMA. Nang tuluyan nang mabakante ng US Navy ang kanilang dating base, dito na nag-umpisa ang paggawa sa lugar bilang lugar ng komersiyo.

Noong 1992, muling nahalal si Gordon bilang alkalde ng Olongapo. Gayunman, may mga kumuwestiyon sa paghawak ni Gordon ng dalawang posisyon sa Subic—bilang alkalde ng Olongapo at chairman ng SBMA. Naglabas ng desisyon ang Korte Suprema at sinabing dapat ay isa lang ang hawakang posisyon ni Gordon. Nagdesisyon si Gordon na iwan ang kaniyang puwesto bilang alkalde ng Olongapo at nagpatuloy bilang chairman ng SBMA. Noong 1995, tumakbo ang kaniyang asawang si Kate bilang alkalde ng Olongapo na siya naman niyang napanalunan.

Sa 1996 APEC Summit naman, nasa 18 lider ng iba’t ibang bansa ang humanga sa Subic Free Port Zone na nagresulta sa iba’t ibang investments ng malalaking kompanya tulad ng FedEx, Enron, Coastal Petroleum, Acer, at Thomson SA na nagkakahalagang $2.1 bilyon at lumikha ng 200,000 na trabaho.

Nagbitiw si Gordon bilang chairman ng SBMA noong 1998 upang tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas. Gayunman, umatras siya sa kaniyang kandidatura at kalaunan ay muling itinalaga ni dating Fidel Ramos bilang chairman ng SBMA sa loob ng anim na taon.

Naging matinding kritiko ni dating Pangulong Joseph Estrada si Gordon dahil sa magkaiba nilang pananaw sa pag-alis ng base ng mga Amerikano sa Pilipinas. May pagkakataon pang hindi pinayagan ni Gordon ang noon ay senador na si Estrada na gumawa ng pelikula sa loob ng Subic Bay dahil sa tema nitong paninira sa mga Amerikano.

Kaya naman nang mahalal si Estrada bilang pangulo noong 1998, agad na iniutos ni Estrada ang pagpapaalis kay Gordon bilang chairman ng SBMA sab isa ng Administrative Order No. 1. Ipinalit ni Estrada si Felicito Payumo na kritiko ni Gordon at kongresista ng Bataan.

Hindi ito tinanggap ni Gordon at pinanindigan ang anim na taong pagtatalaga sa kaniya ni Ramos. Dahil dito, ikinulong ni Gordon ang sarili sa SBMA Administrative Building 229. Nagkaroon din ng barikada ang daan-daang boluntaryo ng SBMA. Dahil dito, nagkaroon ng interes ang media mula sa Pilipinas at iba’t ibang bansa sa kaganapang tinawag na “Showdown at Subic.”

Naghain ng temporary restraining order (TRO) si Gordon sa lokal na korte ng Olongapo na pinagbigyan naman ngunit binawi ito nang maghain ng apela ang kampo ni Payumo sa Court of Appeals (CA). Ang desisyon ng CA ay pinagtibay pa ng Korte Suprema. Kaya naman noong 3 Setyembre 1998, tuluyan nang ipinasa ni Gordon ang puwesto kay Payumo na ginawa sa isang turn over rites sa Subic Bay Yacht Club.

Kalihim ng DOT

Isa si Gordon sa mga kumilos upang mapatalsik sa puwesto si Estrada sa tinaguriang ikalawang EDSA Revolution. Nang maupo si Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo, agad niyang itinalaga si Gordon bilang kalihim ng Department of Toursim (DOT). Napansin ng mundo ang Pilipinas dahil sa kampanyang pinasikat ni Gordon na “Wow Philippines” na nagpalago sa turismo ng bansa sa kabila ng iba’t ibang balakid tulad ng SARS, Oakwood mutiny, at pag-atake ng Abu Sayyaf.

Senado (2004 – 2010)

Tumakbo bilang senador si Gordon noong 2004 sa ilalim ng Koalisyon ng Katapatan at Karanasan sa Kinabukasan na partido ni Arroyo. Nahalal siya matapos makakuha ng 12,707,151 na boto o ikalima sa pinakamataas sa mga kumandidatong senador noong halalan 2004.

Bagaman hindi naging suportado ni Gordon ang 1987 Constitution ng Pilipinas, naupo siya bilang chairman ng Senate Committee of Constitutional Amendments and Revisions of Laws na nakabatay at may paggalang sa umiiral na konstitusyon ng bansa. Sa katunayan, tinuligsa niya ang nais na Constituent Assembly (Con-ass) na pinasimulan nina Arroyo at dating House Speaker Jose de Venecia Jr. na hindi posible sa ilalim ng 1897 Constitution.

Isa rin si Gordon sa naging daan upang maisabatas ang Republic Act No. 9369 o ang Automated Elections System upang mas mapabilis at mas maging ligtas sa dayaan ang botohan sa Pilipinas. Noong 9 Abril 2008, nilagdaan ni Arroyo ang Veterans Bill ni Gordon na naging The Filipino World War II Veterans Pensions and Benefits Act of 2008 na nagtatanggal sa pagbabawal sa mga beterano noong giyera na makatanggap ng benepisyo mula sa pamahalaan ng Amerika.

Si Gordon rin ang may-akda ng National Tourism Policy Act of 2009 o RA 9593 na nagdedeklara ng pambansang polisiya para sa turismo ng bansa upang maging makinarya ng pag-unlad, investment, at trabaho sa Pilipinas.

Halalan 2010 at 2013

Sa isang panayam sa dzBB noong 5 Agosto 2007, sinabi ni Gordon na bukas siya sa pagtakbo bilang pangulo at nais niyang bumuo ng bagong partido na makabayan at makatao. Agad na lumaganap sa ibang pahayagan ang naging panayam ni Gordon. Dahil dito, agad siyang naglabas ng isang pahayag na hindi niya opisyal na idinedeklara ang kaniyang pagtakbo at sinagot lamang niya ang tanong kung posible ba siyang tumakbo bilang pangulo. Nais daw munang pagtuunan ng pansin ni Gordon ang trabaho niya sa senado at sa Philippine Red Cross.

Gayunman, isnag bagong partido sa politika ang naitatag noong 26 Abril 2009 na tinawag na Bagumbayan Movement sa Rizal Park at sa Manila Hotel. Ang partido isinusulong ang pagtakbo ni Gordon sa halalan 2010.

Noong Nobyembre 2009, lumabas na ang mga balita na ang noo’y Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando ay nagkakaroon na ng usapan sa pagitan ng kampo ni Gordon para sa halalan 2010. Ilang araw ang lumipas, noong 1 Disyembre 2009, pormal na inanunsiyo ni Gordon ang kaniyang pagkandidato kasama si Fernando na kaniyang bise president. Agad rin silang naghain ng kandidatura noong araw na iyon.

Nabigo si Gordon sa kaniyang kandidatura at natalo ni Benigno S. Aquino III sa eleksiyon. Si Gordon ay nagtapos sa pang-anim na puwesto matapos makatanggap ng 501, 727 na boto.

Muling tumakbo sa pagkasenador si Gordon noong eleksiyon 2013. Gayunman, kinulang ng ilang boto ang senador matapos makuha ang ika-13 puwesto kontra kay Gringo Honasan. Nakakuha si Gordon ng 12,501,991 boto habang si Honasan naman ay mayroong 13,211,424.

Senado (2016 – kasalukuyan)

Muling tumakbo sa senado si Gordon noong eleksiyon 2016. Sa pagkakataong ito ay nahalal na siyang muli matapos makuha ang ikalimang pinakamataas na botong umabot sa 16,719,322.

Noong 2016 din ay umupo si Gordon bilang chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights kapalit ni senador Leila de Lima na napaalis sa puwesto bilang chairman ng Justice committee dahil sa mga alegasyon sa kaniyang may kaugnay sa iligal na droga.

Isa rin si Gordon sa mga kumukuwestiyon kay Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go dahil sa mga di umano’y maanumalyang paggamit ng pondo ng Pilipinas sa panahon ng COVID-19. Nagsimula ang mga pahayag ni Duterte kay Gordon matapos talakayin sa Senado sa loob ng pitong oras ang mga kaduda-dudang paggasta ng pamahalaan sa panahon ng pandemya. Sa nasabing pagdinig, pitong oras na ginisa ng mga senador sa pangunguna ni Gordon si dating chief ng procurement service ng Department of Budget and Management na si Lloyd Christopher Lao matapos magbigay ng ₱8 bilyong kontrata sa kompanyang Pharmally Pharmaceutical Corporation na hindi umano subok ang serbisyo, at nasilip ring sobra ang presyo ng mga biniling suplay sa nasabing kompanya.

Dahil dito, nagbigay ng pahayag si Duterte laban kay Gordon at sinabing huwag nang ibalik sa Senado si Gordon sa susunod na halalan dahil mayabang daw ang senador at puro daldal. Pinuna rin ni Duterte ang katabaan ni Gordon at pinayuahan itong magpapayat. Sinagot naman ni Gordon ang paratang at sinabing hindi siya nakikipagmagandahang lalaki kay Duterte at kung ito man ang labanan, kaya niyang talunin dito ang pangulo.

“Bakit n’yo tatawaging mataba ako? Alam ko mataba ako. Hindi naman tayo nagpapagandahang lalaki, palagay ko mananalo naman ako kapag nagpagandahang lalaki tayo.”

Noong Setyembre 2021 naman, sa isang pahayag pa rin, sinabi ni Duterte na ang Red Cross daw ay nagsisilbing gatas ni Gordon para sa kaniyang kampanya. Pinuna ni Duterte ang plano ng Red Cross na ibenta ang mga bakuna kontra COVID sa halagang ₱3,500. Dahil dito, nais ding ipa-audit ng pangulo ang Philippine Red Cross dahil sa mga anumalya. Gayunman, sinabi ng Commission on Audit na hindi nila saklaw ang isang nongovernmental organization tulad ng PRC.

Halalan 2022

Bukas na inihayag ni Gordon ang kaniyang interes sa pagtakbo sa halalan 2022. Sa ikalawang pagkakataon, nais tangkain ni Gordon na maging pangulo ng Pilipinas. Sa isang pahayag, sinabi niyang naghahanap na siya ng makakatambal o magiging bise presidente na isang taong may kaalaman sa sector ng kalusugan upang matugunan ang suliranin ng COVID-19 sa Pilipinas.

“I’m looking for a public health person. We have to get out of COVID. And I will need somebody other than my secretary of health and other than the Congress to be sure that somebody’s on the ball paano tayo lalabas sa pandemic. He will oversee the secretary of health. He will oversee and recommend kung ano ang gagawin dun sa COVID. Public health is a concern.

Philippine Red Cross

Simula 1986, si Gordon ay nahalal bilang gobernadora ng Philippine Red Cross at nanguna sa iba’t ibang proyekto at pagresponde sa mga nabiktima ng iba’t ibang sakuna tulad ng bagyo, lindol, at paglubog ng mga barko. Sa kasalukuyan, si Gordon ang chairman ng Philippine Red Cross. Sa pamumuno ni Gordon, kinikilala ang Philippine Red Cross bilang isa sa pinakamalakas na Red Cross society sa mundo.

Mga parangal at pagkilala

  • 2008 Ateneo USA Award – Public Service
  • 2008 Gold Humanitarian Award, Japanese Red Cross
  • 2007 Gold Humanitarian Service Cross Award, Philippine National Red Cross
  • 2006 Gawad Panday Award, Public Relations Society of the Philippines (Highest Honor and Recognition)
  • 2005 Emilio Aguinaldo Outstanding Achievement Award in Public Service - Provincial Government of Cavite
  • 2003 International Awardee, Visit Korea Year, Ministry of Culture and Tourism, Republic of Korea
  • 2002 Aduana Awardee for Public Service, Aduana Foundation
  • 2001 Gintong Ama Awardee, Gintong Ama and Ina Foundation
  • 2001 Silver Humanitarian Award, Philippine National Red Cross
  • 2000 Upsilonian Noble and Outstanding (UNO), Upsilon Sigma Phi Alumni Association (Highest Honors)
  • 1997 Most Distinguished Alumnus, UP Alumni Association (Highest Award)
  • 1997 Presidential Award for Relief and Disaster Management - Safety Organization of the Philippines
  • 1997 Sports Hall of Fame, Ateneo de Manila Alumni Association
  • 1997 Outstanding Alumnus in Public Service, Letran College
  • 1996 The Outstanding Filipino (TOFIL) - Philippine Jaycees Senate (Youngest Awardee)
  • 1996 Man of the Year Alas Singko y Media Program, ABS-CBN
  • 1995 One of the 20 Great Asians of the Future, Asiaweek Magazine 20th Anniversary Special
  • 1995 One of Who's Who in Asia, NHK TV Japan
  • 1994 One of the 50 Young Leaders of Asia
  • Asahi Shimbun, Japan
  • 1993 Luminary Award for Exemplary Achievement in Public Administration, Upsilon Sigma Phil Alumni Association
  • 1991 Aurora Aragon Quezon Peace Award, Philippine National Red Cross (Highest National Award)
  • Gold Vision Triangle Award National YMCA (Highest National Award)
  • Award for Outstanding and Dynamic Leadership in Government Service, International Lions Club National
  • Award for Community Service, Rotary Club of Makati, San Miguel Corporation Republic Day
  • Award National Council of Women of the Philippines, 1983 Professional Award in the Public Administration
  • UP Alumni Association, 1982 Ten Outstanding Young Men (TOYM) in Public Administration

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.