Ricardo Puno Jr.

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Ricardo Puno Jr..

Si Ricardo "Dong" Villanueva Puno Jr. (20 Enero 1946 - 15 Pebrero 2022) ay isang abogado, public afairs host sa telebisyon, media executive at kolumnista sa diyaryo. Kilala siya sa kaniyang mga panayam tungkol sa mga napapanahong isyu.

Kabataan at Edukasyon

Ipinanganak si Puno noong ika-20 ng Enero 1946 sa Maynila. Ang kaniyang amang si Ricardo C. Puno ay dating Minister of Justice sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Ang kaniyang kapatid na si Ronaldo "Ronnie" Puno ay dating naging kalihim ng Department of the Interior and Local Government habang dati namang kongresista ang kaniyang kapatid na si Roberto "Robbie" Puno.

Nagtapos ng Bachelor of Arts si Puno mula sa Ateneo de Manila University noong 1965. Nagtapos rin siya ng Bachelor of Laws mula sa Ateneo noong 1969, at Master of Laws mula sa Harvard School of Law.

Karera

Nagsilbi si Puno bilang Senior Vice President for News and Current Affairs ng ABS-CBN Broadcasting Corporation at Executive Vice President ng ABS-CBN News Channel. Nagsulat rin siya ng mga artikulo para sa kaniyang kolum na "My Viewpoint" sa The Philippine Star at The Manila Times. Siya rin ang host ng programang Viewpoint sa GMA. Kabilang sa mga isyung tinalakay sa kaniyang programa ang kontrobersyal na pagpaslang kay dating Senador Benigno Aquino Jr. Ipinalabas ang programa sa loob ng sampung taon at nagkamit ng iba't ibang mga parangal. Lumipat si Puno sa ABS-CBN kung saan naging host naman siya ng programang Dong Puno Live! sa wikang Filipino.

Senior partner rin si Puno sa Puno and Puno Law Offices, Vice President-General Counsel and Corporate Secretary ng Philippine Airlines mula 1978 hanggang 1983, at mula 1986 hanggang 1990, at miyembro ng Philippine Panel for International Air Negotiations mula 1979 hanggang 1990. Naging pangulo rin ng Manila Overseas Press Club at Guagua National Colleges mula 2008 hanggang 2012 si Puno.

Naitalaga bilang press secretary si Puno sa administrasyon ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada. Tumakbo siya sa pagka-senador noong 2001 ngunit hindi siya nagtagumpay. Matapos ito, bumalik siya sa media at naging host ng programang Dong Puno Nightly. Itinalaga siya bilang Senior Vice President for News and Current Affairs ng ABS-CBN noong 2003 ngunit umalis siya sa posisyong ito matapos ipagbawal ng istasyon na magkaroon ng mga programa ang kanilang mga opisyal. Noong 2005, naging host rin si Puno ng programang Insider kasama si Ces Oreña Drilon.

Muling sumubok na pumasok sa politika si Puno noong 2007 at 2010 ngunit bigo siya sa parehong pagkakataon. Noong 2011, lumipat si Puno sa AksyonTV at naging host ng programang De Kalibre. Noong 2014, lumipat siya sa istasyong DWIZ at naging host ng programang Karambola.

Kamatayan

Pumanaw si Puno noong ika-15 ng Pebrero 2022 sa edad na 76 dahil sa kumplikasyon ng Parkinson's disease.

Mga Parangal at Pagkilala

  • TOYM awardee for Media, 1985
  • KBP Golden Dove awardee
    • Best Male Host for Magazine Show, 1999
    • Ka Doroy Achievement Award, 1993
    • Best Public Affairs Show, 1990
  • Nagwagi ang kaniyang programang Viewpoint ng Catholic Mass Media Awards bilang Best Public Affairs Program sa loob ng tatlong magkakasunod na taon (1984, 1985 and 1986) at naging bahagi ng Hall of Fame.
  • Pinarangalan rin ang kaniyang mga programa (Dong Puno Live, Viewpoint & Focus) ng Gawad CCP Para sa Telebisyon and PMPC Star Awards for Television.

Mga Palabas sa Telebisyon at Radyo

  • Karambola (2014–2015; DWIZ)

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.