Renato Constantino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Renator R. Constantino ay isang historyador na Filipino na kilala sa kaniyang makakaliwang pananaw sa pagsusulat ng kasaysayan ng Pilipinas. Bukod sa pagiging historyador, naging bahagi rin siya ng Philippine Mission sa United Nations at ng Department of Foreign Affairs.

Dahil sa kaniyang kontribusyon sa paglaban sa diktadurya ni Ferdinand Marcos, kabilang ang pangalan ni Constantino sa Wall of Remembrance sa Bantayog ng mga Bayani.

Siya ang ama ni Karina Constantino-David, na dating chairperson ng Civil Service Commission at manugang ni Randy David na professor emeritus sa sosholohiya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.

Talambuhay

Ipinanganak si Constantino noong ika-10 ng Marso, 1919. Nag-aral siya sa UP kung saan siya naging pinakabatang editor ng The Philippine Collegian. Nagsulat siya ng mga kolum na kritikal kay dating Pangulong Manuel L. Quezon, na napansin at nabanggit ni Quezon sa isa sa kahiyang mga talumpati.

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lumaban si Constantino sa Bataan at kabilang sa grupong nag-eespiya sa mga Hapon. Nagtrabaho rin siya bilang isang mamamahayag sa panahon ng digmaan.

Nang matapos ang digmaan, sumali si Constantino sa Philippine Mission to the UN mula 1946 hanggang 1949 bilang executive secretary. Nagtrabaho rin siya bilang counselor sa DFA ula 1949 hanggang 1951. Ang kaniyang pagtatrabaho sa larangan ng foreign service ang naging pundasyon ng kaniyang libro tungkol sa UN.

Nagkaroon si Constantino ng iba't ibang posisyon sa UP, Far Eastern University, Adamson University at Arellano University. Naging visiting lecturer din siya sa iba't ibang unibersidad sa London, Sweden, Japan, Germany, Malaysia at Thailand.

Nakasulat ng nasa 30 libro at iba't ibang mga monograph at pamphlet si Constantino. Kabilang sa kaniyang mga tanyag na sinulat ang A Past Revisited and The Continuing Past. Sinulat rin niya ang The Making of a Filipino (a biography of Claro M. Recto), The Essential Tañada (On Statesman and Senator Lorenzo M. Tañada), Neo-colonial Identity and Counter-Consciousness, at ang The Nationalist Alternative. Marami sa kaniyang mga akda ang naisalin sa wikang Hapon at may salin sa wikang Bahasa Melayu ang kaniyang akdang The Nationalist Alternative.

Ginawaran rin ng iba't ibang pagkilala si Constantino para sa kaniyang mga akda. Nakatanggap siya ng parangal mula sa Quezon City noong 1987, mula sa Maynila noong 1988, mula sa The Civil Liberties Union noong 1988 at mula sa UP Manila noong 1989. Siya rin ang kinilala bilang Diwa ng Lahi awardee noong 1989. Nakatanggap siya ng Doctor of Arts and Letters (honoris causa) mula sa Polytechnic University of the Philippines noong 1989 at Doctor of Laws (honoris causa) mula sa UP Diliman noong 1990.

Mga Sanggunian

["Constantino, Renato R."] Bantayog ng mga Bayani. Accessed 07 March 2021.