Relasyon ng Tsina at Pilipinas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Mahaba ang kasaysayan ng ugnayan ng Pilipinas at Tsina. Bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, mayroon nang mga Tsinong mangangalakal na nakakarating sa Pilipinas. Sa kabila nito, naging pormal lamang ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina noong ika-9 ng Hunyo, 1975. Naging maayos ang ugnayan sa pagitan ng dalawang sa loob ng mahigit apatnapung taon sa kabila ng agawan ng teritoryo sa Dagat Timog Tsina.

Ugnayang Politikal

Bago ang dekada 70, may ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas sa Taiwan (sa ilalim ng pamumuno ng Kuomintang), at nakita ang Tsina (People's Republic of China, na nasa ilalim ng pamamahala ng Communist Party of China) bilang isang banta sa seguridad ng bansa. Sa pagpasok ng dekada 70, naging normal ang ugnayan ng dalawang bansa at pormal na itinatag ang ugnayan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas noong 1975. Simula nito, ilang mga pangulo na ng Pilipinas ang dumalaw sa Tsina, kabilag ang mga sumusunod:

Nagpunta na rin sa Pilipinas ang ilang mga dating pangulo at matataas na opisyal ng Tsina. Noong Nobyembre 2018, dumating sa Pilipinas ang kasalukuyang presidente ng Tsina na si Xi Jinping para sa dalawang araw na state visit.

  • Premier Zhao Ziyang (Agosto 1981)
  • Premier Li Peng (Disyembre 1990)
  • President Jiang Zemin (Nobyembre 1996)
  • Premier Zhu Rongji (Nobyembre 1999)
  • President Hu Jintao (Abril 2005)
  • Premier Wen Jiabao (Enero 2007)
  • Premier Li Keqiang (Nobyembre 2017)
  • President Xi Jinping (Nobyembre 2015 at Nobyembre 2018)

Kalakalan at Komersyo

Bago pa man dumating ang mga Espanyol ay may ugnayan na sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa ilalim ng dinastiyang Song. Sa panahon ng mga dinastiyang Ming at Qing, may ugnayan ang Maynila sa mga siyudad ng Quanzhuo, Zhangzhou, at Xiamen sa Fujian, at Guangzhou at Macau sa Guangdong, bilang bahagi ng Maritime Silk Road Trade at maging sa kalakalang galyon na siyang nagdala ng mga kasangkapang seramiko mula Tsina patungong Europa. Nagpapatuloy ang maayos na kalakalan at ugnayan ng dalawang bansa hanggang sa kasalukuyan.

Ugnayang Militar

Noong Abril 2002, bumisita ang kalihim ng Department of National Defense (Kagawaran ng Tanggulang Pambansa) na si Angelo Reyes sa Tsina, at noong Hunyo ng taong iyon, dumaong sa Tsina ang mga barko ng Pilipinas sa unang pagkakataon. Noong Setyembre, bumisita sa Pilipinas si Chinese Vice Chairman of the Central Military Commission, State Councilor and Defense Minister Chi Haotian. Noong 2004, bumisita naman sina Armed Forces of the Philippines (Hukbong Sandatahan ng Pilipinas]] Chief of Staff Narciso Abaya at kalihim ng DND na si Avelino Cruz sa Tsina. Nagsunod-sunod ang pagbisita ng mga opisyal ng Pilipinas at Tsina sa bawat bansa sa mga sumunod na taon.

Mga Kasunduan

Mayroong iba't ibang kasunduan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa iba't ibang larangan tulad ng kultura, teknolohiya at turismo. Mula noong 1975, aabot na sa isangdaang mga kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ilan sa mga mahahalagang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa ang mga sumusunod:

  • Scientific and Technological Cooperation Agreement (1978)
  • Cultural Cooperation Agreement (1979)
  • Civil Aviation and Transportation Agreement (1979)
  • Memorandum of Understanding on Sports Cooperation (2001)
  • Memorandum of Understanding on Cooperation in Information Industry (2001)
  • Memorandum of Understanding on Cooperation in the Crackdown on Transnational Crimes (2001)
  • Treaty on Extradition (2001)
  • Pact on Cooperation Against Illicit Traffic and Abuse of Narcotic Drugs (2001)
  • Memorandum of Understanding on Tourism Cooperation (2002)
  • Memorandum of Understanding on Maritime Cooperation (2005)
  • Pact on Cooperation in Youth Affairs (2005)
  • Memorandum of Understanding on Cooperation in Sanitary and Phytosanitary Cooperation (2007)
  • Memorandum of Understanding on Education Cooperation (2007)
  • Pact on Protection of Cultural Heritage (2007)
  • Pact on Sanitary Cooperation (2008)

Sa pinakahuling pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina, anim na kasunduan sa larangan ng edukasyon, teknolohiya at agham, pinansiya at taripa ang nilagdaan ng dalawang bansa.

Agawan sa Teritoryo

Isa angTimog Dagat Tsina (South China Sea) sa mga kinikilala maritime hot spots ng ika-21 siglo. Anim na bansa—Tsina, Taiwan, Vietnam, Malaysia, Brunei, at ang Pilipinas—ang umaangkin sa karagatan at teritoryo nito.

Ang Timog Dagat Tsina

Bukod sa pagiging isa sa pinakamalawak na karagatan sa buong mundo, ang Timog Dagat Tsina ay binubuo ng mahigit-kumulang 250 maliliit na isla, mga atoll (hugis singsing na tangrib sa paligid ng maliit na lawa), at mga bahura na karaniwang lumulubog sa ilalim ng tubig lalo na kung high tide.

Ito rin ang pangalawang pinakaginagamit na sea-lane o daanan ng mga barko kung saan tinatayang sangkatlong barkong pangkalakal sa buong mundo ang bumabaybay sa katubigan nito. Pinaniniwalaan din na may malaking reserba ng langis at gasolina sa lupa na nasa ilalim ng karagatan. Dahil sa mga reserbang ito, ang Timog Dagat Tsina ay naging isa sa mga pinakapinagtatalunang teritoryo sa makabagong panahon.

Spratly Islands at ang Dagat Timog Tsina

Ang pangunahing dahilan ng pagtatalo ay ang nine-dash line sa ginawang mapa ng Gobyernong Kuomintang ng Tsina noong Disyembre 1947. Batay sa mapa, mahigit 85 porsiyento ng Timog Dagat Tsina ay inaangkin ng Tsina. Ang mapang ito rin ang dahilan ng mga hindi pagkakasunduan ng mga bansa sa Asya tulad ng sumusunod:

  • Agawan sa teritoryo sa Spratly Islands sa pagitan ng Pilipinas, Tsina, Vietnam, Malaysia, at Brunei;
  • Agawan sa teritoryo ng Pilipinas at Tsina sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal); at
  • Hidwaang pandagat ng Tsina at ng mga bansa tulad ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, Indonesia dahil ang pag-angkin sa nine-dash line ay sumasakop sa kani-kanilang Exclusive Economic Zones (EZZs).

Mas umigting ang tensiyon sa pagitan ng mga bansa nang simulan ng Tsina ang kanilang reklamasyon sa lugar, kung saan ang mga pulong buhangin ay ginawa nilang isla na may mga parola, mga paliparan, at mga daungan.

Pag-angkin ng Pilipinas

Ang pag-angkin ng Pilipinas sa Dagat Kanlurang Pilipinas (West Philippine Sea), na nasa silangang bahagi ng Timog Dagat Tsina, ay batay sa karapatan nito sa ilalim ng 1982 United Nation’s Convention of the Law of the Sea (UNCLOS). Ang Pilipinas at Tsina ay parehong lumagda sa kasunduang ito, kung saan ang mga bansa ay pinagkalooban ng 12 nautical miles (NM) na teritoryong pantubig at 200 NM ng EZZ mula sa mga isla. Sa ganitong partikular na probisyon, ang pag-angkin ng Pilipinas sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal) ay bahagi ng EZZ nito. Ang Pilipinas ay may karapatan na mangisda at galugarinl kung may langis at gas sa mga isla. Ang paglaban ng Pilipinas sa karapatan nito ay nakarating sa international court noong 2013.

Desisyon ng UN at ang Epekto Nito

Noong 12 Hulyo 2016, ang pag-angkin ng Tsina sa Timog Dagat Tsina ay hinatulan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague na walang legal na batayan. Binanggit ng tribunal na ang Tsina ay may mga nilabag sa karapatang soberanya ng Pilipinas. Nanindigan din sila na ang paggawa ng Tsina ng mga artipisyal na isla ay nakapagdudulot ng pinsala sa mga korales at sa mga nakapaligid na maritime ecosystem.

Hindi tinanggap ng Tsina ang desisyong ito ng international tribunal. Pinaninindigan nila na hindi sila sakop ng desisyon dahil ang tinutukoy na karapatan ay matagal nang umiral at hindi na ito kinikilala sa kasalukuyan.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.