Ramon O. Valera
Si Ramon O. Valera (31 Agosto 1912 – 25 Mayo 1972) ang kinikilalang ama ng fashion sa Pilipinas. Ginawaran siya bilang kauna-unahang Pambansang Alagad ng Sining noong 2006.
Buhay at Edukasyon
Ipinanganak si Valera noong 31 Agosto 1912 sa mayamang pamilya. Ang kaniyang ama na si Melecio ay kasosyo ng mayamang negosyanteng si Vicente Madrigal.
Bata pa lamang siya ay mahilig na siya sa fashion design. Napansin ng kaniyang inang si Pilar na napapalitan ang mga damit ng mga manyika na nasa piano nila.
Naging guro niya sa pananahi ng mga terno si Mina Roa na gumagawa ng mga terno para sa mga mayayaman bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ginawan niya ng mga damit pangsimba ang kaniyang mga kapatid na babae.
Nag-aral siya sa De La Salle University at Far Eastern University (FEU). Ngunit hindi niya natapos ang huling semestre sa FEU dahil kinailangan niyang magtrabaho pagkatapos mamatay ng ama. Hindi nakakaintindi ng wikang Ingles ang kaniyang ina kaya naloko ito ng abogado ng ama.
Karera
Ginawan niya ng makabagong itsura ang terno noong 1939. Binuhay niya ang traje de mestiza o Maria Clara na binubuo ng blusa, palda, sobrepalda, at bandana. Nilagyan niya ito ng malaking manggas. Ang noo'y apat na pirasong damit ay pinag-isa niya na naisasara gamit ang zipper. Inalis niya rin ang bandana na tumatakip sa bahagi ng dibdib ng mga babae. Marami ang nagulat at sinabing hindi desente ang kaniyang disenyo ngunit ang ilang asawa ng politiko ay isinuot ito.
Sumikat si Valera pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naging dalubhasa siya sa paggawa ng mga manggas. Naging kilala rin siya sa kaniyang "close-open technique" kung saan malalaman ang totoong disenyo ng damit kapag tinanggal ang balot nito.
Idinesenyo niya ang mga inaugural gown ng mga unang ginang mula kay Aurora Quezon hanggang kay Imelda Marcos, ngunit hindi kasama si Evangelina Macapagal. Ginawan din niya ng mga damit si Reyna Sirikit ng Thailand, Anita Bryant, at Ladybird Johnson.
Ilan pa sa mga nakapagsuot ng kaniyang mga disenyo ay sina Elvira Manahan, Chito Madrigal, Gloria Romero, Barbara Perez, Vicky Quirino, Chona Kasten, Nena Vargas, Susan Magalona, at Rose Osmeña.
Isang araw ay nagpunta siya sa ospital at nabigyan ng maling gamot. Dahil dito ay nagkaroon siya ng cerebral hemorrhage at naging komatoso. Namatay siya noong 25 Mayo 1972.
Sanggunian
- Enriquez, Marge C. 26 Oktubre 2020. The Legacy of Ramon Valera, the Father of Philippine Fashion. Tatler. Accessed 29 Mayo 2021. https://ph.asiatatler.com/society/the-legacy-of-ramon-valera-the-father-of-philippine-fashion.
- National Commission for Culture and the Arts. n.d. Order of National Artists: Ramon Valera. Accessed 29 Mayo 2021. https://ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/culture-profile/national-artists-of-the-philippines/ramon-valera/.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |