Ramon Magsaysay

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Ramon Magsaysay.

Si Ramón "Monching" del Fierro Magsaysay (31 Agosto 1907 – 17 Marso 1957) ay ang ikapitong Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nagsilbi mula ika-30 Disyembre 1953 hanggang sa kanyang kamatayan noong ika-17 Marso 1957 dahil sa pagbagsak ng eroplanong kanyang sinasakyan. Kilala si Magsaysay bilang “kampeon ng masa” dahil sa kaniyang pakikitungo sa mga karaniwang tao sa bansa.

Talambuhay

Kabataan

Si Ramon Magsaysay ay ipinanganak noong ika-31 Agosto 1907 sa Iba, Zambales sa panday na si Exequiel Magsaysay at gurong si Perfecta del Fierro. Nag-aral siya ng hayskul sa Zambales Academy at ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas. Nauna siyang kumuha ng pre-law na kurso bago lumipat sa inhenyeriya. Hindi niya natapos ang kaniyang pag-aaral sa UP dahil sa pagkakasakit. Lumipat siya sa Institute of Commerce sa Jose Rizal College at nakapagtapos ng kursong Komersiyo noong 1931. Nagtrabaho siya bilang tsuper habang nag-aaral. Nagtrabaho rin siya bilang mekaniko ng Try Tran Bus Company sa Maynila at kalaunang naging manager nito. Sa opisina ng Try Tran na nakilala niya ang kanyang asawang si Luz Banzon na kumukuha ng kabayaran para sa kompanya ng bus na ipinagbili ng ama ni Banzon sa Try Tran. Sila ay ikinasal noong ika-10 Hunyo 1933.

Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sumali si Magsaysay sa motor pool ng ika-31 Infantry Division ng Philippine Army bilang kapitan. Pagkatapos ng pagbagsak ng Bataan noong 1942, inorganisa niya ang Puwersang Gerilya ng kanluraning Luzon na lumaban sa mga Hapones. Nanatili siya sa ranggong kapitan nang mapalaya ng mga Amerikano ang Pilipinas noong 1945 bagaman pinangasiwaan niya ang nasa 12,000 katao. Tumanggi siyang itaas ang kanyang ranggo ngunit ginawa siyang isang major ng mga Amerikano. Sa pagtatapos ng digmaan, hinirang siyang military governor ng Zambales noong ika-4 Pebrero 1945. Pagkatapos ng dalawang buwan, ang administrasyong panglalawigan ay inilipat sa sibilyang gobernador.

Kapulungan ng mga Kinatawan

Noong ika-23 Abril 1946, nahalal si Magsaysay sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas bilang isang independiyenteng kandidato. Noong 1948, pinili siya ni Pangulong Manuel Roxas upang pumunta sa Washington, Estados Unidos bilang Chairman ng Committee on Guerilla Affairs upang makatulong sa pagpasa ng Rogers Bill na nagbibigay ng mga benepisyo sa mga beteranong Pilipino sa digmaan. Muli siyang nahalal na kinatawan noong 1948 at naging Chairman ng House National Defense Committee.

Kalihim ng Pagtatanggol sa ilalim ni Elpidio Quirino

Noong ika-31 Agosto 1950, hinirang ni Pangulong Elpidio Quirino si Magsaysay na maging kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa matapos alukin ni Magsaysay si Quirino na labanan ang mga gerilyang komunista gamit ang kanyang mga karanasan sa labanang gerilya noong digmaan. Pinaigting ni Magsaysay ang kanyang pakikidigma laban sa mga Hukbalahap na naging isa sa pinakamatagumpay na kampanyang anti-gerilya sa modernong kasaysayan. Sinasabing naging matagumpay ang kampanya dahil sa kakaibang paraang ginamit ni Magsaysay. Ginamit niya ang mga sundalo ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas upang mamahagi ng mga relief goods at iba pang mga tulong sa mga malalayong pook sa probinsiya. Nagtayo ang hukbo ng mga paaralan, mga ospital, mga bahay pansakahan para sa mga mahihirap na mamamayan. Nag-alok si Magsaysay ng kapatawaran, atensyong medikal at libreng lupain sa kagubatan ng Mindanao sa sinumang rebelde na susuko. Habang tumataas ang tiwala ng publiko sa mga sundalo, bumaba naman ang bilang ng mga Hukbalahap. Bago ang pamumuno ni Magsaysay, Bago ang panunungkulan ni Magsaysay, walang tiwala sa mga sundalo ang mga mamamayan sa mga malalayong pook, nagsimulang igalang at hangaan ng mga mamamayan ang mga sundalo sa panahong ito. Noong 1952, karamihan ng mga pinunong rebelde ay nabihag o napatay na.

Noong 1953, sa paniniwalang tapos na ang banta ng Hukbalahap, nagsimulang mangjimasok si Quirino sa pamamalakad ni Magsaysay sa takot na matalo sa susunod na halalan. Sa panahong ito, wala pang intensyon si Magsaysay na tumakbo sa pagkapangulo ngunit hinikayat siya ng iba’t ibang grupo. Kalaunan ay nagdesisyon si Magsaysay na tumakbo sa pagkapangulo upang maipagpatuloy ang kaniyang pakikipaglaban sa komunismo. Naniwala si Magsaysay na ang tiwaling administrasyon ni Quirino ang naging sanhi ng pagsiklab ng kilusang komunista. Nagbitiw si Magsaysay bilang kalihim ni Quirino noong ika-28 Pebrero 1953 at naging kandidato para sa pagkapangulo ng Partido Nacionalista.

Pagkapangulo

Nanalo si Magsaysay sa pagkapangulo sa halalan ng 1953 laban kay Quirino. Nanumpa siya suot ang Barong Tagalog, ang unang pangulo ng Pilipinas na gumawa nito. Bilang pangulo, binuksan ni Magsaysay ang Malacañang sa mga ordinaryong mamamayan at inilapit ang pamahalaan sa masa. Nilinis rin niya ang hukbong sandatahan ng bansa. Pinatalsik niya ang mga tiwaling heneral at winakasan ang korupsiyon. Bumuo rin siya ng mga espesyal na unit para lumaban sa mga gerilya. Naging susi ng tagumpay ni Magsaysay ang pakikitungo niya sa mga ordinaryong mamamayan. Mahigpit rin niyang ipinatupad ang disiplina ng mga hukbo sa kanilang pakikitungo sa mga magsasaka.

Ekonomiya

Bilang pangulo, nilinang ni Magsaysay niya ang malapit na pakikipagugnayang ekonomiko at panseguridad ng Pilipinas sa Estados Unidos. Lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 7.13 porsyento. Para matugunan ang hindi pantay na distribusyon ng mga lupain at kayamanan sa bansa, nagtangkang magpatupad ng mga reporma sa lupain si Magsaysay ngunit hinarang ito ng mga konserbatibong kasapi ng Kongreso na sila ring mga may-ari ng mga malalaking lupain sa bansa. Sa kabila nito, nagtagumpay si Magsaysay na makakuha ng mga lupain para ipamahagi sa mga magsasaka. Nagawa rin niya pababain ang presyo ng mga bilihin at hatiin ang malalaking lupain.

Kamatayan

Bundok Manunggal na pinagbagsakan ng eroplanong sinasakyan ni Magsaysay.
Libingan ni Magsaysay sa Sementeryo Norte sa Maynila.

Noong ika-16 Marso 1957, umalis si Magsaysay sa Cebu kung saan siya nagsalita sa tatlong mga institusyon ng edukasyon. Sumakay siya sa eroplano ng pangulo na “Mt. Pinatubo” patungong Maynila. Nang kinaumagahan ng ika-17 ng Marso, naiulat na nawawala ang eroplano. Kinalaunan ay naiulat na bumagsak ang eroplano sa Bundok Manunggal sa Cebu. Dalawampu’t anim sa 27 pasahero ang namatay. Tangin ang mamamahayag na si Nestor Mata ang nakaligtas sa aksidente.

Tinatayang nasa dalawang milyon ang dumalo sa libing ni Magsaysay noong ika-22 Marso 1957. Humalili si Carlos Garcia bilang pangulo.

Mga Sanggunian

  • Cortez, Rosario Mendoza (1999). Philippine Presidents - 100 Years. The Philippine Historical Association in cooperation with New Day Publishers.
  • Zaide, Gregorio F. (1984). Philippine History and Government. National Bookstore Printing Press.
  • Townsend, William Cameron (1952). Biography of President Lázaro Cárdenas.
  • Carlos P. Romulo and Marvin M. Gray: The Magsaysay Story (The John Day Company, 1956, updated - with an additional chapter on Magsaysay's death - re-edition by Pocket Books, Special Student Edition, SP-18, December 1957)