Raffy Tulfo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Si Rafael “Raffy” Teshiba Tulfo, kilala rin bilang Raffy Tulfo, ay Pilipinong mamamahayag, kolumnista, at personalidad sa telebisyon, radyo, at social media. Nakilala siya dahil sa mga programa niyang nakatuon sa isyu ng mga ordinaryong mamamayan at maging sa pagtuligsa sa mga isyung may kinalaman ang mga pribado at sektor ng pamahalaan.

Siya ay tumakbo at nanalong senador sa Halalan 2022 kung saan pumangatlo siya sa may pinakamaraming boto.

  1. Robin Padilla - 26,612434
  2. Loren Legarda - 24,264,969
  3. Raffy Tulfo - 23,396,954
Raffy Tulfo RK.jpg

Si Tulfo ay host ng tanyag na programa sa radyong Wanted Sa Radyo sa Radyo5 92.3 News FM kasama si Sharee Roman. Dahil sa programang ito, nakilala rin si Tulfo sa taguring “Idol Raffy.” Ang programang Wanted sa Radyo ay isang programang tumutulong sa mahihirap at inaapi na makamit ang hustisya. Bahagi rin si Tulfo ng News5, ang News Department ng TV5 kung saan gumagawa siya ng ilang programa sa Kapatid Network.

Unang sumikat si Tulfo kasama ang kaniyang mga kapatid na mamamahayag at personalidad rin sa telebisyon at radyo na sina Ramon, Ben, at Erwin. Nakilala sila sa taguring “Tulfo Brothers” at nagsama sa ilang programa sa telebisyon at radyo.

Ang YouTube channel din na Raffy Tulfo in Action, kung saan napapanood ang mga episode ng Wanted Sa Radyo, ay isa sa pinakamaraming subscribers sa Pilipinas na nasa halos 22 milyon.

Noong 2 Oktubre 2021, opisyal na naghain ng kandidatura sa pagka-senador si Tulfo bilang independent candidate sa kabila ng mga natanggap niyang alok na maging bahagi ng ilang partido. Ayon kay Tulfo, napag-isipan niyang tumakbo upang mas mapalawig pa ang kaniyang kapasidad na tumulong sa kaniyang mga kababayan tulad ng ginagawa niya sa kaniyang pamosong programa.

Personal na Buhay

Si Raffy Tulfo ay isinilang noong 12 Marso 1960 sa Lungsod Davao. Siya ay pangwalo sa sampung anak nina Ramon Tulfo Sr., dating miyembro ng Philippine American Scout of the Philippine Constabulary, at Caridad Teshiba, isang Pilipinang may lahing Hapon na nakulong noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ayon kay Tulfo, dahil sundalo ang kaniyang ama, nagpalipat-lipat sila ng tahanan kung saan madedestino ang tatay niya. Dahil din sa pagiging militar ng kaniyang ama, lumaki sa bugbog at palo silang magkakapatid kapag dinidisiplina. Hindi rin naging madali ang buhay nina Tulfo at naranasang maging salat. Dahil sa dami nila, madalas daw ay hindi naibibigay sa kaniya ang pangangailangan niya at may panahong kinailangan pang pag-aralin siya ng isa niyang tiyahin.

Si Tulfo ay isang college dropout. Nag-aral siya sa apat na iba’t ibang unibersidad at kumuha rin ng iba’t ibang kurso tulad ng economics, political science, agribusiness, at commerce ngunit wala siyang natapos sa mga ito sa loob ng apat na taon sa unibersidad.

Nag-umpisa si Tulfo bilang isang disk jockey (DJ) sa mga lalawigan. Nakilala siya bilang si Blue Ranger sa mga estasyong pinagtrabahuhan niya bilang DJ. Naging DJ siya Cauayan City, Isabela kung saan nasa ₱300 ang sahod niya kada buwan.

Noong 1984, pumunta si Tulfo sa California, USA upang simulan ang kaniyang negosyong pizza parlor. Gayunman, nalugi ang kaniyang negosyo nang mabiktima siya ng mga Itim na Amerikano at kinuha ang bag na naglalaman ng kita niya mula sa pizza parlor.

Ikinasal si Tulfo kay Jocelyn Pua na nakilala umano niya bilang kaniyang tagahanga noong DJ pa siya sa Isabela. Ikinasal ang dalawa noong 24 Hunyo 1993 sa Munisipyo ng Luna, Isabela, at noong 20 Enero 1995 sa Little Quiapo restaurant sa Diliman, Lungsod Quezon. Nagkaroon sila ng dalawang anak na sina Maricel at Ralph. Si Jocelyn ay kinatawan ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support Partylist (ACT-CIS) party list.

Noong Hunyo 2019, isang Julieta Nakpil Lucip mula sa Concepcion, Tarlac ang naghain ng reklamo kay Tulfo. Ayon kay Lucip, siya raw ay asawa ni Tulfo. Ikinasal daw sila noong 25 Oktubre 1982 sa tanggapan ng alkalde ng Capaz, Tarlac. Nagkaroon din umano sila ng anak na babaeng si Grendy Lucip na ipinanganak noong 6 Marso 1984. Dahil kasal pa sila umano, kinasuhan ni Lucip si Tulfo ng bigamy.

Pagsisimula sa Telebisyon

Unang napanood si Tulfo sa telebisyon sa pamamagitan ng programang Isumbong Mo Kay Tulfo noong 1993 kung saan unang naging host ang kapatid niyang si Mon Tulfo. Ngunit unti-unti siyang nakilala dahil sa programang Philippine Most Wanted na unang napanood sa PTV at inilipat sa ABC-5 (na ngayon ay TV5 na) noong 1995. Ang programang ito ay nagsasadula ng mga krimeng naganap sa Pilipinas at naglalayong tulungan ang mga pulis na malutas ang krimen. Ito raw ay hango sa programang Most Wanted na ipinalalabas sa Amerika kung saan ay nanatili siya sa loob ng walong taon. Paglalahad ni Tulfo, sa programang ito niya nakuha ang kaniyang unang ‘death threat’ matapos itampok ang pagpatay kay Danny Hernandez na isang mamamahayag.

Nang lumipat sa ABC-5, nagsunod-sunod ang proyekto ni Tulfo sa estasyon. Sunod niyang ginawa ang programang Task Force Siyasat, Problema Mo, Sagot Ko, Kamao Reloaded, at Isumbong Mo: Tulfo Brothers. Nang magbagong-bihis ang ABC-5 bilang TV5, isa si Tulfo sa mga naging haligi ng kanilang news department na tinawag na News5.

Naging news anchor siya ng mga programang Balitaang Tapat, Aksyon Weekend, at Aksyon sa Tanghali. Nagkaroon din siya ng programa noong 2011 kasama ang kaniyang mga kapatid na sina Ben at Raffy na tinawag na T3.

Kasalukuyan ding host si Tulfo ng mga programa ng TV5 na Frontline Pilipinas, Idol in Action, at Wanted: Ang Serye.

Wanted sa Radyo at YouTube

Noong 2011 pa sinimulan ni Tulfo ang kaniyang programang Wanted sa radyo at telebisyon (na kalaunan ay tatawaging Wanted sa Radyo at Raffy Tulfo in Action sa YouTube).

Naging tanyag ang segment ng programa na “Sumbong at Aksyon” kung saan lumalapit ang mga biktima at naaabuso upang humingi ng tulong na maresolba ang mga problema o matulungan silang makapagsampa ng kaso, mabigyan ng payong legal, at makapag-usap ang magkabilang panig. Isa ring segment ng programa ang “Solian ng Bayan” kung saan nagkakaroon ng pagkakataon ang mga mamamayan na isauli ang mga bagay na nahanap nila, karaniwang mga tsuper na nahanap ang naiwang pagmamay-ari ng mga pasahero, at ibalik o hanapin ang may-ari nito.

Noong 2016, inilunsad ng Wanted ang kanilang website at social media sites na Raffy Tulfo in Action kung saan napapanood ang mga episode ng Wanted at ilan pang mas komprehensibo at detalyadong pangyayari mula sa mga kaso. Dahil sa pagiging interesado ng mga tao sa mga kasong tampok, inaabangan lagi ang mga video na ina-upload ng YouTube channel ng programa. Laging trending ang mga video at pinag-uusapan ng mga Pilipino ang mga kaso at sitwasyong itinatampok sa programa. Kalaunan, umani ng milyon-milyong followers at subscribers ang social media accounts ni Tulfo. Sa ngayon, mayroon nang 18 milyong followers sa Facebook at halos 22 milyong subscribers sa YouTube.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News noong 2020, nasa ₱2 bilyon ang kinikita ni Tulfo sa kaniyang YouTube channel. Nilinaw naman ni Tulfo na ang malaking bahagi ng kita ng kaniyang YouTube channel ay napupunta rin sa programa at sa pagtulong sa mga nangangailangan. Mayroon ding bahagi ng pera na napupunta sa kaniyang pangangailangan at kaniyang pamilya.

Politika

Dahil sa kasikatan ng programa ni Tulfo, umugong ang balitang tatakbo ito sa senado noong 2019. Gayunman, pinabulaanan niya ito at sinabing ang asawa lamang niya ang sasabak sa politika. Giit pa ni Tulfo, masaya na siyang nakatutulong sa kaniyang programa at hindi na kailangan pa ng posisyon sa pamahalaan.

Noong Hulyo 2021 naman, muling umugong ang pangalan ni Tulfo bilang isa sa mga sinasabing personalidad na kakandidato para sa halalan 2022. Isa raw si Tulfo sa sinasabing kinokonsidera ng PDP-Laban na kanilang kandidato sa pagkasenador.

Ngunit noong Setyembre 2021, inilabas ng PDP-Laban ang kanilang opisyal na nominasyon sa pagkasenador para sa eleksiyon 2022 at wala ang pangalan ni Tulfo sa listahan. Hindi rin nagbibigay ng pahayag si Tulfo tungkol sa kaniyang plano sa eleksiyon kahit na isa siya sa mga nangungunang pangalan sa sarbey ng mga posibleng tumakbo sa 2022.

Kumalat din ang balita noong Setyembre 2021 na siya ay tatakbo bilang pangalawang pangulo. Ito ay matapos lumabas sa ilang sarbey na isa si Tulfo sa mga nangungunang pangalan para sa posisyon. Gayunman, sa isang pahayag ni Tulfo sa programang Wanted sa Radyo, sinabi niyang bagaman ay may mga lumapit sa kaniya upang tumakbo bilang pangalawang pangulo, hindi naman niya ito tinanggap. Ito raw ay dahil sa mataas na respeto niya kay Pangulong Rodrigo Duterte na una nang ipinahayag ang kaniyang interes sa pagtakbo sa nasabing posisyon.

Ginulat naman ni Tulfo ang kaniyang mga masugid na manonood nang magpaalam ito sa kaniyang mga programa sa TV5 tulad ng Idol in Action at Frontline Pilipinas noong 1 Oktubre 2021. Bagaman hindi sinabi ni Tulfo ang dahilan ng kaniyang pag-alis sa mga programang kinabibilangan, batid na ng marami ang kaniyang plano ngunit hindi ang posisyong kaniyang tatakbuhin.

Kinabukasan, 2 Oktubre 2021, naghain ng kaniyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador si Tulfo sa Sofitel Hotel Manila sa Lungsod Pasay. Kasama niya ang kaniyang asawa at kinatawan ng ACT-CIS na si Jocelyn Tulfo sa paghahain ng kandidatura. Ayon kay Tulfo, siya ay tatakbo bilang isang independent candidate. Ito ay matapos niya umanong makatanggap ng alok mula sa partido nina Senador Manny Pacquiao at Ping Lacson na sumali sa kanilang partido. Sa isang pahayag, sinabi ni Tulfo na kompiyansa siyang susuportahan siya ng kaniyang mga subscribers sa kaniyang mga social media account. Tumakbo raw si Tulfo bilang senador dahil nakukulangan siya sa kaniyang kapasidad na makatulong sa iba bilang isang brodkaster. Balak din daw ni Tulfo na dalhin ang hustisyang ibinibigay niya sa kaniyang mga programa.

Mga karangalan

  • Asian Best Broadcasters Award (2015) Inding-Indie Short Film Festival
  • Most Trusted Media Personalities for Radio and Television Award (2016) Inding-Indie Short Film Festival
  • Best Service Host (2018) Lyceum of the Philippines Gawad Rizal
  • Best Male Newscaster (2020) 5th Guild of Educators, Mentors, and Students (GEMS)-Hiyas ng Sining Awards
  • Best News Program – Frontline Pilipinas 2020) 5th Guild of Educators, Mentors, and Students (GEMS)-Hiyas ng Sining Awards

Mga sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.