Putungan sa Marinduque

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Kilala ang mga Pilipino sa mainit nitong pagtanggap sa mga panauhin. Isang paraan ng mga Pilipino upang pakitunguhan nang maayos ang kanilang mga panauhin ay ang pagsilbihan ang mga ito nang buong puso.

Ang mainit na pagtanggap sa mga panauhin ay isang kilalang tradisyon sa Marinduque. Ito ay tinatawag na putungan.

Natatanging Seremonya

Ang putungan ay nagmula sa katutubong salita na putong o tubong, nangangahulugang “koronahan.” Literal na kinokoronahan ng mga Marinduqueño ang kanilang mga panauhin upang maipadama ang mainit na pagtanggap sa mga ito.

Tinatawag na mamumutong ang nagsasagawa ng putungan. Nakasuot ng baro’t saya ang kababaihan at barong tagalog naman ang kalalakihan. Kinokoronahan nila ang mga panauhin sa saliw ng tradisyonal na pag-awit at pagsasayaw. Pagkatapos ng ilang minuto, sasabuyan nila ng mga bulaklak at barya ang mga panauhin. Mananalangin din sila para sa mabuting kalusugan at masaganang buhay ng mga ito. Habang isinasagawa ang mga ito, yayayain ng mga mamumutong ang mga panauhin upang sila ay sabayan sa pagsasayaw.

Bahagi rin ng putungan ang pagsama sa mga panauhin sa paglibot sa isla ng Marinduque upang ipakita ang likas na kagandahan ng kanilang lalawigan at ipakilala ang kanilang kinagisnang kultura.

Sa kabilang banda, hindi lamang para sa mga bisita sa lalawigan ang putungan. Isa rin itong tradisyon ng mga Marinduqueño upang ipagdiwang ang pagbabalik ng isang taong matagal na nawalay sa kanila, ang paggaling ng taong nagkasakit, o ang kaarawan ng isa nilang kakilala. Ang pagpuputong ay isinasagawa rin nila tuwing may kasal o binyag sa kanilang bayan.

Maaari ding ituring na isang awiting-bayan ng mga Marinduqueño ang putungan. Ito ay isang paraan upang maipahayag nila ang kanilang tradisyon sa pamamagitan ng pagsulat ng tula na nilapatan ng tono.  [1][2]

Mga Pinagbatayan

  1. Felicily Magparangalan-Estadilla. “Putong/Putungan.” UNESCO-ICHAP. https://www.unesco-ichcap.org/kor/ek/sub3/pdf_file/domain3/065_Putong_Putungan.pdf. Accessed 26 Enero 2021.  
  2. Jofel Joyce Lancion, Maricar Cinco, Mayda Lagran. “Marinduque: ‘Putong,’ Morion, arrowroot and more.” Inquirer.net. https://newsinfo.inquirer.net/1108837/marinduque-putong-morion-arrowroot-and-more. Accessed 26 Enero 2021.  

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.