Punto de Vista

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Sa pagsulat, ang pananaw ay tumutukoy sa kinaroroonan ng manunulat sa kaniy ang inilalahad. Ito ay isang estilo ng manunulat na ginagamitan niya ng kaniyang paningin. Ang paninging ito ay tinatawag na punto de vista (point of view sa English).

Tatlong Panauhan

Karaniwang may tatlong panauhan ang punto de bista. Ang una, ikalawa, at ikatlong panauhan.

Ang unang panauhan ay karaniwang gumagamit ng “ako” bilang pangunahing tauhan. Ibig sabihin, ang tagapagsalaysay at ang pangunahing tauhan ay iisa. Sa pagsasalaysay ng isang personal na karanasan, mainam gamitin ang unang panauhan.

Halimbawa:

“Kaunti na lang. Kaunting tiis pa. Kailangan itong maubos upang ako ay makauwi na. Kahit umuulan, kailangan kong ubusin ang tinitinda kong sampaguita.”

Ang ikalawang panauhan naman ay malimit gumagamit ng mga katagang “ikaw,” “ka,” o “mo.” Hindi ito gaanong ginagamit na punto de vista sa pagsusulat ng mga akdang di-fiksyon pero malimit itong gamitin sa mga fiksyon, tulad ng liriko ng awit at diyalogo sa video game, na tila kinakausap ka. Halimbawa:

“Nang isilang ka sa mundong ito,

Laking tuwa ng magulang mo,

At ang kamay nila ang iyong ilaw,

At ang nanay at tatay mo’y,

Di malaman ang gagawin,

Minamasdan pati pagtulog mo.”

- “Anak” ni Freddie Aguilar

Ang ikatlong panauhan ang karaniwang punto de bista na ginagamit ng mga manunulat. Ang tagapagsalaysay ay wala sa kuwento ngunit alam niya ang galaw ng mga tauhan. May dalawang uri ang paninging ito: ang omnisyente at limitado.

Sa omnisyente, alam lahat ng tagapagsalaysay ang magaganap sa mga tauhan ng kuwento. Sa limitado, isang tauhan lamang ang nagagawa niyang “pagalawin” sa kuwento.

Halimbawa:

“Uha...uha... uha... uha... ang iyak ng sanggol na gumising sa magasawang Bettina at Julian noong Lunes ng umaga. Dalawang linggo na ang nakararaan mula nang iuwi nila sa kanilang tahanan ang bago nilang silang na bunso, si Benita.”

Mga Sanggunian

  • Duque, Reynaldo A. Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kuwento. Manila: Dandelion Stategic Marketing, 2004.
  • Bunting, Joe. “Point of View in 2021: Third Person Omniscient vs. Third Person Limited vs. First Person.” The Write Practice. https://thewritepractice.com/point-of-view-guide/. Accessed 23 Abril 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.