Pista ng Obando

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Pista ng Obando, tinatawag ding Sayaw sa Obando o Obando Fertility Dance Festival, ay tatlong araw na kapistahan tuwing Mayo sa Bayan ng Obando, Bulacan bilang pagkilala sa kanilang tatlong patron na sina San Pascual Baylon, Santa Clara, at Nuestra de Señora de Salambao na nakatanghal sa Simbahan ng Obando.

Ang pista ay idinaraos kada taon tuwing Mayo 17, 18, at 19. Nagiging abala ang mga pangunahing lansangan ng Obando sapagkat ang mga mamamayan nito mula sa 11 barangay—Tawiran, Paco, Lawa, San Pascual, Paliwas, Binuangan, Salambao, Pag-asa, Catanghalan, at Pangulo—ay masayang nakikiisa sa pagdiriwang.

Makulay na Pagdiriwang

Kilala ang Obando dahil sa simbahan nitong dinarayo ng mga mag-asawang humihiling na mabiyayaan ng anak. Tuwing umaga, nagdaraos ng misa sa Simbahan ng Obando kada isang oras. Karaniwan namang nagsisimula ng alas-8 ng umaga ang prusisyon at sayawan sa lansangan na binubuo ng mga mananayaw, manunugtog, deboto, at karosa. Ang mga mananayaw na babae ay karaniwang nakasuot ng baro at saya at ang mga lalaki ay kamiseta at pantalong gawa sa manipis na tela.

Maraming matatandang mananayaw ang makikita taon-taon. Kasama nila ang ilang kabataang untiunting naisasabuhay ang katutubong tradisyon. Ang lahat ay napasasayaw sa saliw ng mga tugtugin ng iba’t ibang banda, partikular ang musikong bumbong. Kapag pinatugtog na ang “Santa Clara, Pinung-pino,” ang lahat ng magkapares na lalaki at babae ay sumasayaw ng pandanggo.

Marami ring nagtitinda ng iba’t ibang produkto. May nagtitinda ng kalamay, suman, kasoy, at mani. Ang mga nauuhaw ay maaaring bumili ng samalamig, tulad ng sago at gulaman. May mga tindera din ng mga laruan at sobenir.

Tatlong Patron

Kaya tatlong araw ang Pista ng Obando ay dahil tatlo ang patron ng bayan: sina Santa Clara, San Pascual Bailon, at Nuestra Señora de Salambao. Pinaniniwalaang gumagabay sila sa mga mamamayan ng Obando.

Si Santa Clara ay isang madre mula sa Assisi, Italy noong ika-13 siglo. Itinatag niya ang isang kongregasyon na tinatawag na Poor Clare na ang mga kasaping kababaihan ay marubdob na nagdarasal, nagpepenitensiya, nagbubulay.

Ang mga deboto ni Santa Clara ay mga mag-asawang humihiling ng anak.

Ang mga mag-asawang humihiling kay Santa Clara ay nag-aalay ng itlog at nagdarasal. Nabanggit din ito ni Jose Rizal sa kaniyang nobelang Noli Me Tangere, kung saan pinayuhan ni Padre Damaso si Donya Pia Alba na magsayaw sa Obando.

Sa pagpasok ng ika-18 siglo, pinangunahan ng isang pari ang pagpapatayo ng Simbahan ng Obando. Inilagay sa altar nito ang imahen ni San Pascual Baylon. Ang mga deboto ni San Pascual Baylon ay humihiling ng mapapangasawa o magkaroon ng anak na lalaki.

Laganap naman ang kuwento tungkol sa poon ni Nuestra Señora de Salambao. Sinasabing dalawang mangingisda ang nakabingwit ng poon gamit ang salambaw. Nang pinaandar nila ang bangka papuntang Navotas, biglang bumigat ang salambaw. Nahirapan silang paandarin ang bangka. Nang tinahak nila ang papuntang Obando, gumaan ang salambaw. Naging madali ang pag-andar ng bangka kaya napunta sa Obando ang poon.

Ang mga deboto ni Nuestra Señora de Salambao ay humihiling ng masaganang pangingisda. Ang pangingisda ay isa sa mga kabuhayan ng mga Obandeño.

Matatagpuan sa loob ng Simbahan ng Obando ang malaking dambana ng tatlong patron.

Kasaysayan ng Obando

Ang Obando ay naitatag noong 14 Mayo 1753 at ito ay ipinangalan sa noon ay gobernador-heneral ng Pilipinas na si Jose Francisco de Obando y Solis. Ang dekreto ay napagtibay noong 1754.

Bago maging isang bayan, ang Obando ay dating bahagi ng Meycauayan. Ito ay tinatawag dati bilang Catangalan (ngayon ay Catanghalan), mula sa salitang tangal na nangangahulugang ekstrakto sa balat ng tangal (isang uri ng punongkahoy), na ginagawang dampol (pangkulay mula sa balat ng punongkahoy) para sa kutod (ginagamit sa pangingisda) at lambat ng mga mangingisda.

Ang pagsasayaw para humiling ng anak ay bahagi ng ritwal ng sinaunang Pilipino bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol. Ang ritwal ng pagsasayaw na ito ay tinatawag na kasilonawan kung saan pinangungunahan ng katalonan o babaylan ang pagsasayaw at pag-aalay sa mga pinaniniwalaang diyos at diyosa. Sa pagdating ng mga paring Espanyol o ng mga Pransiskano, ipinalit nila ang mga imahen ng kanilang santo tulad ni Santa Clara para sa mga humihiling na magkaanak.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.