Pista ng Itim na Nazareno

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Tuwing ika-9 ng Enero, ipinagdiriwang ng mga deboto ang Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila. Dinudumog ng mga tao ang patron ng Quiapo, ang Nuestro Padre Nazareno.

Ang imahen ng Itim na Nazareno ay kasinglaki ng tao, may maitim ang balat, at nililok ng isang Aztec na karpintero bago binili ng isang paring taga-Mexico noong panahon ng Kalakalang Galeon.

Feast of Black Nazarene, Quiapo, Manila.JPG

Ang mga deboto ng Itim na Nazareno ay nagsisimba tuwing Biyernes at tuwing Enero 9, ipinagdiriwang ang kapistahan ng patron, kung saan itinuturing ito bilang isa sa pinakamalaki at tanyag na kapistahan sa Pilipinas.

Kasaysayan

Ang imahen ng Itim na Nazareno ay dinala sa Maynila ng mga pari mula sa Agustino Rekoleto noong 31 Mayo 1606. Ang imahen nito ay inilagak sa unang simbahan ng Rekoleto sa Bagumbayan (na ngayon ay parte na ng Rizal Park), at pinasinayahan noong 10 Setyembre 1606.

Noong 1608, ang pangalawang pinakamalaking simbahang Rekoleto na inihandog kay San Nicolas de Tolentino (Saint Nicholas of Tolentine) na natapos sa loob ng Intramuros (kung saan nakalagak ngayon ang gusali ng pahayagang The Manila Bulletin) at ang imahen ng Nuestro Padre Jesús Nazareno ay inilipat dito. Ang mga paring Rekoleto ay patuloy na isinulong ang debosyon sa Paghihirap ni Hesus sa pamamagitan ng nasabing imahen. Makalipas ang labinlimang taon, nabuo ang Cofradia de Jesús Nazareno na naitatag noong 21 Abril 1621. Nakatanggap ito ng Papal approval noong 20 Abril 1650 mula kay Pope Innocent X.

Noong 1787, si Basilio Sanco Junta y Rufina, ang Arsobispo ng Maynila, ay nag-utos na ilipat ang imahen sa Quiapo.

Ang imahen ng Nazareno ay naisalba mula sa iba't ibang kalamidad at digmaan tulad noong nasunog ang simbahan sa Quiapo noong 1791 at 1929, gayundin ang mga lindol noong 1645 at 1863 at ang pagbomba sa Maynila noong 1945 sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong 1998, isang replika ng orihinal na imahen ng Itim na Nazareno ang ipinarada dahil sa pinsalang natamo ng orihinal na imahen at mula noon ay ito na ang ginagamit sa mga prusisyon habang ang orihinal na imahen ay nanatiling nakalagak sa loob ng simbahan. Ang iba pang maliliit na replika ng imahen ay matatagpuan sa loob ng simbahan.

Traslacion

Hindi mahulugang karayom ang karaniwang tanawin sa Maynila tuwing Pista ng Itim na Nazareno dahil sa libo-libong debotong sumasama sa traslacion o ang taunang prusisyon sa Maynila kung saan isinasadula o ipinakikita ang paglipat ng Itim na Nazareno mula sa orihinal na dambana nito sa Intramuros patungo sa Simbahan ng Quiapo.

Mahigit 200 taon nang ipinagdiriwang ang kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno at ang imahen nito ay inilalagay sa isang karwahe tuwing Enero, gamit ang makapal na lubid at ipinaparada sa mga kalye ng Quiapo ng mga debotong lalaki na nakasuot ng kulay maroon. Ang mga Katoliko na nagmula sa buong Kamaynilaan ay sama-samang dumarayo sa Quiapo upang makakuha ng pagkakataong mahawakan ang imahen o makaranas ng isang milagro. Naghahagis din sila ng bimpo sa mga lalaking nakabantay sa imahen at hinihiling na ipunas ang kanilang bimpo sa imahen sa pag-asang madala nila ang milagro sa kanilang pag-uwi.

Ang debosyon sa Itim na Nazareno ay patuloy na nagbibigay ng sigla at kapayapaan sa mga deboto sa kabila ng mga sakit, galos, sugat, at kung minsan ay kamatayan na nagaganap tuwing prusisyon.

Panahon ng Pandemya

Bunsod ng COVID-19, ang traslacion ay dalawang taon nang ipinagpapaliban (Enero 2021 at Enero 2022). Ayon kay Padre Douglas Badong ng Simbahan ng Quiapo, walang magaganap na prusisyon mula sa Quirino Grandstand dahil ginagamit pa itong pasilidad para sa mga pasyenteng may COVID-19. Gayunman, inaasahan at pinaghahandaan pa rin ang pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo lalo na't nakababa na sa Alert Level 1 ang Kamaynilaan sa Enero 2022. [1]

Samantala, ang imahen ng Itim na Nazareno ay nakatakdang dalhin sa iba't ibang simbahan sa bansa. Narito ang inilabas na iskedyul ng Simbahan ng Quiapo: [2]

  • 27–29 Disyembre 2021- Atimonan Catholic Church, Atimonan, Quezon
  • 28–30 Disyembre 2021 - The Baguio Cathedral of Our Lady of the Atonement (Baguio Cathedral)
  • 29 Disyembre 2021–2 Enero 2022 - St. Ferdinand Cathedral, Lucena City
  • 30 Disyembre 2021–2 Enero 2022 - Birhen ng Antipolo - Our Lady of Peace and Good Voyage (Antipolo Cathedral)
  • 31 Disyembre 2021–1 Enero 2022 - Caritas Manila
  • 1–2 Enero 2022 - Chapel of St. Lazarus (San Lazaro Hospital); at sa Shrine of Our Lady of Namacpacan, La Union
  • 2–3 Enero 2022 - National Capital Region Police Office; St. John the Evangelist Cathedral, Lingayen, Dagupan; Cathedral Parish of Saint Paul the First Hermit (San Pablo Cathedral); at San Roque Cathedral - Diocese of Kalookan
  • 3–4 Enero 2022 - Manila Public Information Office (Manila City Hall); St. Nicholas Of Tolentine Parish Cathedral / Historic Cabanatuan Cathedral Cabanatuan City; Metropolitan Cathedral of San Sebastian - Archdiocese of Lipa; Novaliches Cathedral
  • 4–5 Enero 2022 : Greenbelt Chapel, Ayala Center; San Sebastian Cathedral Parish Tarlac, Poblacion, Tarlac City; Roman Catholic Parish Church of Saint John the Baptist City of Calamba, Calamba City; at Immaculate Conception Cathedral of Cubao
  • 5–6 Enero 2022 : Bureau of Fire Protection – main office; Katedral ni San Jose, Nueva Ecija; Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Pillar (Imus Cathedral); at Immaculate Conception Cathedral of Pasig
  • 6–7 Enero 2022 : DZRV 846 / Radyo Veritas 846; Metropolitan Cathedral of San Fernando, Pampanga; Cathedral Parish of St. Andrew, Parañaque; at Manila Cathedral - Minor Basilica of the Immaculate Conception
  • 7–8 Enero 2022 - San Carlos Seminary - Archdiocese of Manila, Guadalupe, Makati; Malolos Cathedral - Immaculate Conception Parish Cathedral and Minor Basilica; at Baclaran Church - National Shrine of Our Mother of Perpetual Help, Parañaque
  • 8 Enero 2022: The Nazarene Catholic School, Hidalgo St., Quiapo, Maynila

Mga Sanggunian

  • KBK. "Traslacion suspended again in 2022 due to COVID-19 pandemic." GMA News, 26 Nobyembre 2021.https://www.gmanetwork.com/news/topstories/metro/812321/traslacion-cancelled-again-in-2022-due-to-covid-19-pandemic/story/. Accessed 24 Disyembre 2021.
  • Ferdinand Patinio. "Quiapo Church releases schedule of localized 'Traslacion.'" Philippine News Agency, 8 Disyembre 2021.https://www.pna.gov.ph/articles/1162101. Accessed 24 Disyembre 2021.
  • Pagkilala

    WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.