Pio Valenzuela

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Pio Valenzuela ay isang doktor at naging mataas na pinuno ng Katipunan. Sa kaniya ipinangalan ang Lungsod Valenzuela, na dating Polo, Bulacan.

Si Valenzuela ay ipinanganak sa Polo, Bulacan noong 11 Hulyo 1869 sa mag-asawang sina Francisco Valenzuela at Lorenza Alejandrino, maykayang pamilya. Nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran. Nakamit niya ang lisensiya sa medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1895. Napangasawa niya si Marciana Castro at sila ay nagkaroon ng pitong anak.

Umanib siya sa Katipunan noong Hulyo 1892 at naging mabuting magkaibigan sila ni Andres Bonifacio. Isa siya sa Kataas-taasang Tatlo (Triumvirate) ng Katipunan, kasama sina Bonifacio bilang Supremo at Emilio Jacinto bilang Kalihim Heneral. Malaki ang kaniyang gampanin sa paglalathala ng Kalayaan, isa rin sa mga dahilan kaya dumami ang kasapi ng lihim na samahan.

Noong 1896, naatasan si Valenzuela na pumunta sa Dapitan upang himukin si Jose Rizal na suportahan ang armadong himagsikan. Gayunman, hindi pabor si Rizal sa pamamaraan ng Katipunan.

Nang mabunyag ang Katipunan, isa-isang dinakip ng mga Espanyol ang mga pinaghihinalaang kaanib nito. Tumakas si Valezuela sa Balintawak ngunit sumuko rin dahil sa inaalok na amnestiya ng mga Espanyol. Ipinatapon siya sa Espanya at kinulong sa Madrid, Malaga, Barcelona, at Africa. Halos dalawang taon din siyang nakakulong.

Noong panahon ng mga Amerikano, itinalaga siyang maging presidente municipal ng Polo noong 1899. Naging pangulo siya ng dibisyong militar ng bayan mula 1902 hanggang 1919, kasabay rin ng kaniyang pagiging ehekutibong panlalawigan ng Bulacan. Naging gobernador siya ng lalawigan noong 1921.

Pumanaw si Valenzuela noong 6 Abril 1956 sa edad na 86.

Ang Polo ay pinalitan ng pangalan at tinawag na Valenzuela, kung saan naging lungsod noong 1998.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.