Philippine Muslim Women's Association

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Template:Infobox Organization

Ang Philippine Muslim Women's Association (PHILMUSLIMA) ay isang di-gobyernong organisasyon sa Pilipinas na naglalayong mapagkaisa at maipahayag ang mga pananaw, mithiin, at hinaing ng mga babaeng Muslim.

Deskripsyon

Ang pangunahing layunin ng PHILMUSLIMA ay gisingin ang kamalayan at dagdagan ang kaisipan ng mga babaeng Muslim sa mga paksa hindi lamang tungkol sa pamilya kundi pati na rin sa lipunan at sa bansa. Ninanais din ng organisasyong ito na magsilbing daan para maipahiwatig ng bawat isa ang kanilang mga saloobin at pananaw, at maging tulay para sa mga Muslim at hindi Muslim nang magkaroon ng pagkakaunawaan at kaliwanagan.

Ang PHILMUSLIMA ay ang kauna-unahang organisasyon na naging kaanib ng Civic Assembly of Women of the Philippines (CAWP), ng National Council of Women in the Philippines, at ang tangi sa National Social Action Council (NASAC). Kabilang din ang PHILMUSLIMA sa Women's Rights Movements of the Philippines (WRMP), sa Asian Ecumenical Interfaith Movement, sa Association of Cultural Communities, sa National Coordinating Council para sa Kumperensiya sa Beijing, sa Ugnayan ng Kababaihan sa Pulitika (UKP), at sa National Federation of Women's Clubs of the Philippines (NFWCP).

Ang mga miyembro nito ay mula sa iba't ibang lupon ng Muslim- mga Maranaw, Tawsug, at Samal, bukod sa mga taga-lalawigan ng Basilan, Cotabato, Davao, Lanao del Sur, Lanao del Norte, Magindanao, Sulu, Tawi-tawi, at mga taga-lungsod ng Iligan, Marawi, Jolo, Zamboanga, at General Santos.

Bisyon

Nais ng PHILMUSLIMA na mabigyang kapangyarihan ang mga babaeng Muslim at mapaunlad ang kanilang kaalaman sa kanilang karapatan, pribilehiyo, pananagutan, at tungkulin.

Mga Proyekto

Ang PHILMUSLIMA ay nagtataguyod ng mga talakayan at pagpupulong tungkol sa mga napapanahon at mahahalagang usapin tulad ng sa "Relevance of Autonomy for Muslim Women"- isang pambansang kumperensiya na ginanap sa Intercontinental Hotel sa Basilan, Lungsod Cotabato. Nagsasagawa rin ang organisasyon ng mga programa na makatutulong sa pagpapalaganap at pagpapanatili ng kultura ng Mindanao katulad ng pagtugtog ng mga katutubong instrumentong pangmusika gaya ng gong, at kulintang; pagsusuot ng katutubong damit at adorno; at paggamit ng mga katutubong palamuti sa bahay.

Ito ay tumutulong sa kababaihan, kalalakihan, kabataan, at sa lahat ng sektor at pananampalataya upang magkaroon ng pagkakaisa tungo sa kapayapaan at kaunlaran.

Sanggunian

  • Hango sa Directory of Non-Government Organizations Working on Women. Publikasyon ng National Commission on the Role of Filipino Women; Copyright 2007.
  • Hango sa isinulat ni Tamano, Bai Putri Zorayda. Philippine Muslim Women's Association (PHILMUSLIMA). 100 Centennial Celebration - Feminist Movement in the Philippines 1905- 2005. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc., 2005. (noong 29 Pebrero 2008)

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.