Philippine Military Academy

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Philippine Military Academy ay isang paaralan para sa mga nais maging miyembro ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Itinatag ito bilang isang paaralan ng mga opisyal ng Philippine Constabulary noong ika-17 ng Pebrero 1905, sa Intramuros, Maynila, ngunit inilipat noong ika-1 ng Setyembre 1908 sa lungsod ng Baguio.

Kasaysayan

Matutukoy ang kasaysayan ng Philippine Military Academy sa Academia Militar na itinatag noong ika-25 ng Oktubre 1898 sa Malolos, Bulacan. Ang Academia ay itinatag ni Heneral Emilio Aguinaldo, upang maging lugar nang pagsasanay ng sandatahang lakas. Sapilitan itong ipinasara noong ika-20 ng Enero 1899 nang magsimula ang alitan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano. Itinatag ang isang paaralan para sa mga opisyal ng sandatahang lakas noong ika-17 ng Pebrero 1905 sa Intramuros, Maynila at inilipat sa lungsod ng Baguio noong 1908. Sa bisa ng Act No. 3946, pinalitan ang pangalan nito bilang Philippine Constabulary Academy kung saan ang mga kurso ay tumatagal mula siyam na buwan hanggang tatlong taon. Nang maipasa ang National Defense Act noong ika-21 ng Disyembre 1936, pormal na binuksan ang Philippine Military Academy kasama ang pagbubukas ng apat na taong kurso. Nang lumaganap ang World War II, nahinto ang pagsasanay ng mga klase sa PMA noong 1942 at 1943. Biglaan ang naging pagtatapos ng mga estudyante at ipinadala ang mga ito sa iba't ibang yunit ng pakikipaglabaan sa Bataan at iba pang bahagi ng Pilipinas. Marami sa mga ito ang namatay dahil sa digmaan. Pagkatapos ng giyera, muling binuksan ang akademya noong ika-5 ng Mayo 1947, sa Camp Henry T. Allen. Ngunit dahil sa pangangailangan ng mas malawak na lugar para pagdausan ng mga pagsasanay, inilipat ito sa Fort Del Pilar, Loakan. Taong 1993 nang maging bukas ang PMA para sa mga babaeng kadete.

Pag-aaral sa PMA

Ang estilo ng pag-aaral sa PMA ay ibinatay sa uri ng pagsasanay sa United States Military Academy. Sa loob ng maraming taon, ang programa ng PMA sa pag-aaral ay binuo ng mga pagsasanay sa pagiging militar, matematika, inhinyerya, at siyensya. Nang nagsimula ang secessionist movement sa hilagang bahagi ng Pilipinas noong dekada '70, dumami ang bilang ng mga kadete sa bilang na tatlong daan hanggang isang libo. Dahil dito, napagpasyahang lalong pagtibayin ang pag-aaral ng siyensiya ng sosyedad at katuruang pantao. Ang kauna-unahang malaking pagbabagong naganap sa uri ng edukasyon sa PMA ay noong 1993 nang magbigay ng kurso para sa pag-aaral upang maging kasapi ng navy o hukbong pandagat at air force o hukbong panghimpapawid.

Buhay Kadete

Ang buhay ng isang kadete sa PMA ay umiinog sa pagsunod sa istriktong tuntunin ng akademya. Ilan sa mga aktibidad ng isang kadete ay ang magbigay pugay at respeto sa mga opisyal at sinasanay din sila para sa mga parada, pagmamartsa, pagkakaroon ng tamang postura, at disiplina. Isang lingguhang seremonya ang ginagawa sa Fort Del Pilar na binubuo ng regular na inspeksyon at parada tuwing Sabado. Sa ilang pagkakataon ay nagkakaroon din ng mga silent drills kung saan ilang mga napiling kadete na madalas ay nagmumula sa ikatlong klase ang nagpapamalas ng pagmamartsa at mga pormasyon na gamit ang mga kamay.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


Kategorya:Kasaysayan at Pangyayari Kategorya:Makasaysayang Pook Kategorya:Seguridad