PhilSports Arena Stampede

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Nangyari ang PhilSports Arena Stampede o kilalarin bilang Wowowee Stampede noong ika-4 ng Pebrero, 2006 sa PhilSports Football Stadium sa Pasig City sa Maynila. Umabot sa 74 ang namatay at nasa 400 ang sugatan mula sa nasa 30,000 tao na naghintay sa labas ng stadium para makasali sa unang anibersaryo ng programa na Wowowee.

Ang Stampede

Noong umaga ng Pebrero 4, umabot na sa 30,000 ang naghihintay sa labas ng stadium para sa pagakataong makasali sa mga palaro sa unang anibersaryo ng programa. Kasama sa mga premyong ipamimigay ay mga jeepney, mga bahay at P1 milyon.

Ang mga naghihintay ay papapasukin sa football stadium dahil puno na ang basketball stadium.

May ilang nagsasabing nagsimula ang stampede dahil sa pagkapagod at pagkainis ng mga taong ilang araw nang naghihintay sa labas ng stadium para maging bahagi ng programa. Ayon kay dating Pasig City Mayor Vicente Eusebio, dinumog ng mga tao ang gate ng stadium sa pag-aakalang bukas na ito. Isa sa mga nakaligtas sa stampede ang nagsabing nagsimula ang gulo nang hindi makapasok ang mga tao at makakuha ng tiket para sa raffle sa P1 milyong premyo.

Dahil sa kaguluhan, kinailangang isara ang mga gate ng stadium. Ayon sa isa pang nakaligtas sa insidente, nagpatuloy ang pagtutulakan ng mga tao hanggang sa mayupi ang mga gate, at hindi nila alam na patay na ang ilang mga naipit sa harapan ng pila. Marami sa mga namatay ay mga matatandang babae na naipit sa gate at natapakan ng mga tao. Umabot sa nasa 353 ang sugatan habang unang napaulat na umagot sa 88 ang namatay sa insidente.

Matapos ang Insidente

Sa tulong ng ilang mga non-government organizations (NGO), sinikap ng ABS-CBN Broadcasting Corp. na makuha ang bangkay ng lahat ng namatay, at magbigay ng tulong pinansiyal sa mga nasugatan at sa mga pamilya ng mga namatay. Tumulong rin ang gobyerno sa mga biktima ng insidente.

Itinatag ang "71 Dreams Foundation" para mabigyan ng tulong ang mga pamilya ng mga biktima.

Imbestigasyon at Reaksyon

Sa imbestigasyon ng Philippine National Police, Department of Interior and Local Government at Department of Justice, lumalabas na limitado lamang ang mga tiket na ipinamigay sa mga naghihintay sa labas ng stadium. Nagkulang rin umano sa koordinasyon ang ABS-CBN sa mga security guard at pulisya sa lugar.

Umani ng sari-saring reaksyon ang insidente, kabilang na ang kritisismo sa patuloy na pag-ere ng programa matapos ang nangyaring stampede.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.