Pedro Pelaez

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Pedro Pelaez y Sebastian (29 Hunyo 1812–3 Hunyo 1863) ay isang mestisong pari at tinaguriang “Ama ng Sekularisasyon sa Pilipinas.”[1]

Si Pelaez ay isinilang sa Pagsanjan, Laguna noong 29 Hunyo 1812 kina Jose Pelaez, isang Espanyol at alkalde mayor ng lalawigan, at Josefa Sebastian Gomez Lozada, isang Pilipino. Maagang naulila si Pelaez sa kaniyang mga magulang. Sa gulang na 11, kinupkop siya ng kumbento ng mga Dominiko sa Maynila bilang utusan. Kapalit nito ang pagpapaaral sa kaniya sa Colegio de San Juan Letran. Nakapag-aral din siya sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST), kung saan nagtapos niya bilang pari: batsilyer sa sagradong teolohiya noong 1833; lisensiyado sa sagradong teolohiya noong 1836; at doktorado sa sagradong teolohiya noong 1844.[2]

Bilang Pari

Naging kasapi siya ng Simbahang Katoliko at naglingkod sa Katedral ng Maynila noong 1833. Ang kaniyang karunungan ang nagluklok sa kaniya sa mga katungkulang Juez Apostolico, Comisario Subdelegado de la Santa Cruzada, at Vicario Capitular en Sede Vacante sa Maynila.[1]

Bukod sa mga gawaing pansimbahan, nagturo rin si Pelaez ng Pilisopiya sa UST mula 1836 hanggang 1839. Isa sa mga naging mag-aaral niya ay si Jose Burgos.[2]

Noong 2 Marso 1853, hinirang siya ni Gobernador-Heneral Antonio Urbiztondo na maging kabahagi ng komiteng pang-edukasyon na inatasang pag-aralan at magmungkahi ukol sa mga repormang pang-edukasyon sa bansa. Matutunghayan ito sa Dekretong Pang-edukasyon ng 1863.[2]

Bukod pa rito, nagsulat at nag-edit din siya sa pahayagang El Catolico Filipino mula 1861 hanggang 1862. Isa siya sa mga tumuligsa sa isang pag-uutos sa mga paring Pilipino na bitiwan ang kani-kanilang parokya at ipaubaya ito sa mga Rekoleto. Sumulat siya ng liham kay Gobernador-Heneral Jose Lemery ngunit hindi ito pinansin. Ito ang ugat ng kaniyang aktibong mga gawain laban sa hindi pantay na tingin sa mga paring Pilipino.[2]

Kamatayan

Namatay si Pelaez, katabi si Padre Ignacio Ponce de Leon, sa loob ng Katedral nang gumuho ito dahil sa lindol noong 1863. Ang kaniyang laban sa pagtataguyod ng sekularisasyon ay ipinagpatuloy ng kaniyang mga naging mag-aaral tulad ni Padre Jose Burgos. Nailathala ang kaniyang mga sermon sa Coleccion de Sermones sa Madrid noong 1869.[2]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 “Talambuhay ni P. Pedro Pablo Pelaez.” Tagalog Lang. https://www.tagaloglang.com/biography-pedro-pablo-pelaez/. Accessed 24 Marso 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 Kriscell L. Labor, ed. Virgilio S. Almario. “Pédro Pelaéz.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.