Pedro Bravo de Acuña

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Pedro Bravo de Acuña ay ang ika-11 na naging gobernador-heneral ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Siya ang pumalit kay Francisco de Tello de Guzman. Siya ay naglingkod mula Mayo 1602 hanggang 24 Hunyo 1606.

Kilala si Bravo sa katapangan nito sa Labanan ng Lepanto. Siya ay magiting na knight (tao na pinagkalooban ng naturang titulo dahil sa kaniyang husay sa paglilingkod) ng Orden ng San Juan at naging gobernador ng Cartagena de Indias sa Tierra Firme ng baybayin ng Caribbean noong 1593.

Noong 1601 ay hinirang siya ng Hari ng Espanya na maging gobernador-heneral ng Pilipinas at presidente ng Real Audencia sa Maynila.

Bilang Gobernador-Heneral

Sa kaniyang termino, nagpagawa si Bravo ng mga galera at bapor bilang pandepensa sa Maynila laban sa mga kaaway na pirata mula sa ibang lugar, partikular ang mga mula sa Mindanao. Sa kaniyang panahon din dumating ang isang mensahero mula kay Tokugawa Ieyasu, pipuno ng Japan, na nais makipagkalakal sa Bagong Espanya. Nangako naman ang gobernador-heneral na susulat sa Hari ng Espanya sa ngalan ni Ieyasu at magpapadala roon ng barkong pangkalakal kada taon. Pumayag din si Ieyasu na tumanggap ng mga misyonerong Kristiyano at makapagpatayo ng mga simbahan sa Japan.

Agad namang nagpunta sa Japan ang mga Pransiskano, Dominikano, at Agustino. Dumating din ang barkong pangkalakal sa Japan bilang pagtupad sa ipinangako ni Bravo.

Gayunman, noong 1600 isang eskuwadron mula sa Satsuma, Japan ang sumalakay sa barkong pangkalakal ng mga Tsino, nagnakaw ng mga produkto, at sinubukang ikalakal sa daungan ng Maynila. Dahil dito, 400 tauhan ng barko ay ipinako sa krus ng mga maykapangyarihang Espanyol. Kasunod nito ang tuluyang pagtatapos ng ugnayang Japan at Pilipinas sa mga panahong iyon.

Kilala rin si Bravo sa matagumpay nitong ekspedisyon sa Terrenate, Mollucas. Gayunman, sa kaniya ring panahon naganap ang malalaking trahedya. Naganap ang ikalawang pinakamalaking sunog sa Maynila noong 30 Abril 1603 kung saan marami ang natupok na mga bahay, gusali, at monasteryo. Isa pang nakapangingilabot na pangyayari ay ang pag-aaklas ng mga mangangalakal na Tsino sa Maynila noong Oktubre 1603. Maraming Espanyol ang namatay sa panghihimagsik ng mga Tsino.

Matapos ang ikalawang ekspedisyon ni Bravo sa Mollucas, nagbalik siya sa Pilipinas at namatay. May mga ulat na siya ay nilason, ngunit hindi ito napatunayan.

Sanggunian

Carlos L. Quirino, ed. Maria Eloisa G. Pargo de Castro. “Governors-General of the Philippines.” Old Manila 2nd Edition, p. 289 Quezon City: Vibal Foundation, 2020.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.