Paskong Pilipino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Paskong Pilipino ay itinuturing na pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko sa buong mundo na kadalasang nagsisimula ng Setyembre. Idinaraos ng mga Pilipino ang Kapaskuhan nang buong kasaganaan at punung-puno ng mayayamang tradisyon at kaugalian.

Dahil ang Pilipinas lamang ang namumukod-tangi na bansa sa Asya na may pinakamaraming bilang ng Kristiyano, ginugunita ng mga Pilipino ang kapanganakan ni Hesuskristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos, tuwing ika-25 ng Disyembre.

16-03-31-Bethlehem-RalfR-WAT 5540.jpg

Sa Simbahang Katoliko, ang Pasko ay nagsisimula tuwing ika-16 ng Disyembre, ang unang gabi sa siyam na Simbang-gabi. Ang pagdiriwang ay magtutuloy-tuloy hanggang sa unang linggo ng Enero, ang Kapistahan ng Tatlong Hari, ang opisyal na pagtatapos ng Kapaskuhan.

Kasaysayan

Ang salitang Pasko ay nagmula sa salitang Espanyol na pascua, nangangahulugang “Easter” o “Pasko ng Pagkabuhay.” Para sa mga Kristiyano, ang Pasko ay araw ng kapanganakan ni Hesukristo na mahalagang ipagdiwang tuwing Disyembre 25.

Simbang-gabi

May mga sabi-sabi na ang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa Pilipinas ay maaaring maugat bago pa man dumating si Ferdinand Magellan sa kapuluan noong 1951. Sinasabing noong 1324, may isa nang Pransiskanong pari na nagngangalang Odoric de Pordenone ang nakatuntong sa baybayin ng Pangasinan at pinaniniwalaang nagdala ng unang Christmas tree sa bansa. Gayunman, pinabulaanan ang ganitong paniniwala ng National Historical Institute. Ayon kay William Henry Scott, isang banyagang historyador tungkol sa sinaunang Pilipinas, matapos umano niyang mapag-aralan ang mga sulat-kamay ni Odoric, masasabi niya na ang nasabing prayle ay hindi nakatuntong saanmang lupain ng Pilipinas. Imposible rin umano na madala nito ang unang Christmas tree sapagkat naging popular lamang ito noong ika-19 dantaon.

Ang unang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas ay naganap noong Disyembre 1565, sa ilalim ng pamumuno ni Miguel López de Legazpi.

Pagpapahalagang Pilipino

Christmas trees Philippine.jpg

Ang pagdiwang ng Kapaskuhan sa Pilipinas ay nagpapakita ng iba’t ibang kaugalian at tradisyong Pilipino. Itinataguyod at ipinaiiral ng mga Pilipino ang pananampalataya, pagmamahalan, pagbibigayan, at pagtutulungan. Lalo ring pinagtitibay ng pagdiriwang na ito ang ugnayan ng pamilyang Pilipino. Panahon din ito ng pag-uwi o pagbabakasyon ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa kanilang tinubuang lupa. Isang perpektong panahon ito para sa muling pagkikita ng magkakaibigan at magkakapamilya. Kinasasabikan din, lalo ng mga bata, ang pagtanggap ng kanilang aginaldo o regalo. Nariyan din ang palitan ng regalo (Monito Monita o Kris Kringle) ng magkakapamilya, magkakaibigan, o magkakatrabaho.

Impluwensya ng ibang Bansa

Impluwensiya ng mga Espanyol ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas. Sa kanila nagsimula ang belen o ang paglalarawan sa pagsilang ni Hesukristo sa sabsaban; ang Misa de Gallo o Simbang-gabi na idinaraos tuwing ika-16 hanggang 25 ng Disyembre; ang mga parol o palamuting isinasabit tuwing Pasko; ang Panunuluyan o ang pagsasadula ng paghahanap ng matutuluyan nina Jose at Maria sa Herusalem bago maisilang si Hesukristo; at ang Noche Buena o ang salusalo sa gabi bago ang Pasko. Isa ang queso de bola sa mga pagkaing ipinakilala ng mga Espanyol tuwing Pasko. Ang pagbibigay naman ng âng-pau, o pulang sobre, na may lamang pera bilang regalo ay impluwensiya sa atin ng mga Tsino. Ang pula ay sumasagisag sa magandang kapalaran at nagpapalayas umano ng masamang espiritu. Laman din ng hapag-kainan ng mga Pilipino ang mga pagkaing impluwensiya ng mga Tsino tulad ng lumpia at pansit.

Samantala, ang Christmas tree, pangangaroling o pananapat, at pagkain ng kastanyas ay impluwensiya naman ng mga Amerikano at ng iba pang Kanluraning bansa. Sila rin ang nagpakilala sa mga Pilipino ng Christmas card, mga awiting Pamasko, at maging ni Saint Nicholas o Santa Claus.

Mga Pagkain

Bukod sa mga nabanggit na pagkain, tulad ng queso de bola, pansit, lumpia, at kastanyas, hindi mawawala tuwing Pasko ang bibingka at puto-bumbong. Masarap itong ipares sa mainit na tsaa o mainit na tsokolate. Nariyan din ang lechon, spaghetti, morcon, crispy pata, at mga minatamis, tulad ng leche plan, halaya, at fruit salad. Karaniwan na sa mga Pilipino ang paglalaan ng ekstrang badyet para sa mga espesyal na handa.

Mga Sanggunian

  • Inquirer.net “Origins of Pinoy Chirstmas traditions.” Pop.Inquirer.net, 2017. https://pop.inquirer.net/christmas2017. Accessed 29 Nobyembre 2021.
  • Imelda P. de Castro, ed. Virgilio S. Almario. “Pasko.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong Agosto 2012. Pambansang Komite sa Edukasyong Pangkultura.
  • Mark Louis F. Ferrolino. “A Christmas like no other.” Business World, 15 Disyembre 2017. https://www.bworldonline.com/christmas-like-no/. Accessed 29 Nobyembre 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.