Partido Reporma

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Partido Reporma o Partido para sa Demokratikong Reporma ay isang partidong politikal sa Pilipinas na itinatag ni Renato de Villa, dating Kalihim ng Tanggulang Pambansa sa ilalim ng administrasyon nina dating Pangulo Corazon Aquino at Pangulong Fidel V. Ramos. Naging mithiin ng Partido Reporma ang maipagpatuloy at mapaghusay ang mga repormang natamo ng bansa sa panahon ng Administrasyong Ramos. [1]

Kasaysayan

Noong 1997, itinatag ni De Villa ang Partido Reporma nang umalis siya sa Lakas-NUCD ni Ramos sapagkat iba ang inendorso ng huli sa pagkapangulo noong Halalan 1998. Imbes na si De Villa, si Jose de Venecia Jr. ang sinuportahan ni Ramos. Tumakbo sa pagkapangulo si De Villa katandem si Oscar Orbos, dating gobernador ng Pangasinan, bilang pangalawang pangulo noong Halalan 1998. Pinagtibay ng Partido Reporma ang kanilang alyansa sa Lapiang Manggagawa, na tinawag na Reporma-LM, kasama ang isa pang tagapagtatag nito na si Haydee Yorac. Gayunman, sa halalang ito, nagwagi sina Joseph Ejercito Estrada bilang pangulo at Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangalawang pangulo.[1]

Noong 2004, sinuportahan ng partido ang kandidaturya ni dating Kalihim Raul Roco at pagkatapos nito ay nanatiling hindi aktibo ang partido. Gayunman, nang magbitiw si Pantaleon Alvarez sa PDP-Laban noong 2020 ay tinanggap nito ang alok ni De Villa, na dahil sa katandaan ay hindi aktibo sa politika, na buhaying muli ang partido at magsilbi bilang tagapangulo nito. [1]

Nitong 2021, si Senador Panfilo Lacson ang chairman at si Congressman Alvarez ang pangulo ng Partido Reporma. Si Governador Edwin Jubahib ng Davao del Norte naman ang Kalihim Panglahat at si Arnel Ty ang ingat-yaman nito.[2]

Adbokasiya

Isinusulong ng Partido Reporma ang soberanya at demokrasya ng mga Pilipino, maisulong ang panlipunang hustisya at responsibilidad, makatulong sa pagkamulat ukol sa mga usaping pangkalikasan, maisulong ang desentralisasyon at debolusyon ng kapangyarihan ng gobyerno, mapatatag ang pundasyon ng ekonomiya ng Pilipinas, at lalo pang mahikayat ang mga Pilipino na bumoto at gamitin nang tama ang kanilang karapatan sa pagpili ng mga pinuno ng bayan. [3]

Halalan 2022

Para sa Halalan 2022, nagsimulang mag-usap ukol sa kanilang alyansa ang mga pinuno ng Partido Reporma, Nationalist People’s Coalition (NPC), at ng United Nationalist Alliance (UNA) noong Hulyo 2021. [4]

Noong 8 Setyembre 2021, pormal na inianunsiyo ang kandidaturya nina Senador Panfilo Lacson at Senador Tito Sotto sa pagkapangulo at pangalawang pangulo sa darating na halalan. Si Sotto ang chairman ng NPC at si Lacson naman sa Partido Reporma. [5]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 “History.” https://reporma.ph/our-history. Accessed 13 Setyembre 2021.
  2. “People.” https://reporma.ph/people. Accessed 13 Setyembre 2021.
  3. “Advocacy.” https://reporma.ph/advocacy. Accessed 13 Setyembre 2021.
  4. Vanne Elaine Terrozala. “NPC-UNA-Partido Reporma 2022 alliance in the works.” Manila Bulletin, 24 Hulyo 2021. https://mb.com.ph/2021/07/24/npc-una-partido-reporma-2022-coalition-in-the-works/. Accessed 13 Setyembre 2021.
  5. “Ito ang Simula.” Ping Lacscon Facebook page, https://www.facebook.com/PingLacsonOfficial/videos/439054204102 936. Accessed 7 Setyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.