Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Simbolo ng kampanya ng PDSP kung saan ang rosas ay sumasagisag sa mas mabuting buhay [1]

Ang Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP), Philippine Democratic Socialist Party sa English, ay isang partidong politikal sa Pilipinas na naitatag noong 1973. Ang kasalukuyang tagapangulo nito ay si Norberto Gonzales, dating kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa at tagapayo ng Sanggunian sa Pambansang Seguridad ng Pilipinas sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang PSDP ay opisyal na kinikilala ng Socialist International, na kinabibilangan ng mga partido at organisasyong sosyalista mula sa iba’t ibang panig ng mundo. [2] [3]

Kasaysayan

Sa pagsiklab ng rebelyon ng mga komunista sa Pilipinas noong 1969, si Norberto Gonzales, na nakapagtapos ng AB Pre-Medicine sa Ateneo de Davao Univeristy, ay magtatapos sana ng kemistri sa Unibersidad ng Pilipinas ngunit hindi na ito nagpatuloy sapagkat marami na rin umanong estudyante ang hindi na pumapasok sa kani-kanilang klase. Hindi nahikayat si Gonzales na umanib sa mga komunista, bagkus ay napasama siya sa pangkat ng mga kabataang Heswita. Nakiisa siya sa mga Heswita na tumutulong din sa mga magsasaka at mahihirap na komunidad sa bansa. Ang mga gawaing ito ay nagbunga sa pagkakabuo ng Kilusang ng mga Demokratikong Sosyalista ng Pilipinas na kalaunan ay naging Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP).

Samantala, sa panahon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, ang PDSP ay nagprotesta rin laban sa administrasyon at naglunsad ng mga pagtitipon para sa mga prominenteng oposisyon tulad nina Jovito Salonga, Raul Manglapus, Gerry Roxas, at Eva Estrada Kalaw. [4]

Ang PDSP ay sumesentro sa paglulunsad ng mga programa para sa kabutihang pantao. Naniniwala ang partido na ang mga mamamayan ang dapat na maging sentro sa paglutas ng mga alalahanin o suliranin. Ginagabayan din ng partido ang mga miyembro nitong nanunungkulan sa Kongreso at mga lokal na pamahalaan sa paggawa ng mga batas. [5]

Halalan 2022

Noong 6 Oktubre 2021, ang 74 anyos na si Gonzales ay nagpasa ng kaniyang certificate of candidacy sa pagkapangulo para sa Halalan 2022. Siya ay kumakandidato sa ilalim ng kaniyang partido.[6]

Mga Sanggunian

  1. Norberto B. Gonzales. “PDSP Campaign Symbol.” https://norbertobgonzales.com/online/?p=165. Accessed 19 Nobyembre 2021.
  2. “Full list of member parties and organisations.” https://www.socialistinternational.org/about-us/members/. Accessed 19 Nobyembre 2021.
  3. Norberto G. Gonzales. “PDSP Reinstatement to Socialist International.” https://norbertobgonzales.com/online/?p=145. Accessed 19 Nobyembre 2021.
  4. Norberto B. Gonzales. “Ang Serye ng Aking Buhay.”https://norbertobgonzales.com/online/?p=177. Accessed 19 Nobyembre 2021.
  5. Terrie B. Fucanan. “Chief of Staff Norberto Gonzales From the streets to government service.” The Manila Times, 12 Setyembre 2004.   https://www.manilatimes.net/2004/09/12/weekly/chief-of-staff-norberto-gonzales-from-the-streets-to-government-service/691402. Accessed 19 Nobyembre 2021.
  6. Bea Cupin. “Former Arroyo defense chief Norberto Gonzales guns for presidency.” Rappler, 6 Oktubre 2021. https://www.rappler.com/nation/elections/norberto-gonzales-files-certificate-candidacy-president-2022. Accessed 19 Nobyembre 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.