Paraw Regatta

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Paraw Regatta Festival ay taunang pagdiriwang sa Arevalo, IloIlo City. Tuwing buwan ng Pebrero, nagkakaroon ng karera ng mga kumpit o bangka na kung tawagin ay paraw. Nag-uunahan sa paglalayag ang mga paraw sa tatlumpung kilometrong katubigan sa Iloilo na pinagigitnaan ng Panay at Guimaras. Ang kompetisyon ay nahahati sa iba’t ibang kategorya na depende sa haba at kulay o disenyo ng paraw.

Ang Paraw Regatta Festival ay isa lang sa pinakamalalaking pagtitipong nagaganap sa Iloilo bukod sa Dinagyang Festival, pista ng La Candelaria at Kasadyahan Festival.

Apatnapu’t dalawang taon ng ipinagdiriwang sa siyudad ang Paraw Regatta Festival. Itinanghal ng Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) ang Paraw Regatta Festival bilang pangatlo sa matatagumpay na pagdiriwang na nakakatulong sa turismo ng bansa.

Layunin ng pista na ipamalas ang kagalingan ng mga manlalayag ng paraw at itaguyod ang isang malikhain, makaluma ngunit matipid na moda ng transportasyon sa tubig.

Dati rati, natatapos agad ang pagdiriwang nang kalahating araw. Ngayon, marami pang ibang inihahandang paligsahan kaya’t humahaba ang Paraw Regatta Festival nang isang linggo.

Ang Paraw

Ang paraw ang pangunahing atraksyon sa Paraw Regatta Festival. Matagal na itong ginagamit bilang sasakyang pantubig. Kaya nitong tumakbo ng dalawampu hanggang tatlumpong kilometro kada oras. Dito raw hango ang ‘’trimaran’’ ng mga dayuhan, ang pinakamabilis ngayong sailboat sa daigdig.

Katig

Gawa ang katig sa kawayan. Nakakurba ito para maging balanse ang bangka.

Katawan ng bangka

Ang mismong bangka, gawa naman sa inukit na kahoy na may plywood sa magkabilang gilid. Ang haba ay kailangang dalawampung metro kada isang metrong lapad. Ang pagiging makitid at mahaba nito gaya ng isang kutsilyo ay nakatutulong para tumakbo nang deretso at hindi patagailid ang bangka.

Layag

Dati, ang layag ng paraw ay gawa sa hinabing tela pero ngayon sintetiko na ang gamit ng ilan. Walang limitasyon ang haba ng layag. Sa katunayan, maaari raw itong maging mas mahaba kaysa sa mismong bangka. Depende sa angkop na kondisyon ng hangin at tubig, kaya raw tumakbo o maglayag ng paraw na kasing bilis ng hangin.

Iba pang aktibidad sa Paraw Regatta Festival

Iloilo Paraw Slalom

Ang Paraw slalom ay ginagawa isang araw bago ang aktwal na karera ng mga paraw. Layunin nitong maipamalas ang kahusayan ng mga kalahok pagdating sa pagmamani-obra ng paraw sa ilalim ng iba’t ibang kondisyon ng hangin at alon.

Miss Iloilo Paraw Regatta

Kompetisyon ito ng mga pinakamamagandang dilag sa Iloilo. Karaniwang umaabot sa labindalawa ang sumasali sa beauty pageant na ito.

Pinta de Layag Competition

Sa patimpalak na ito ang kalahalok ay grupo ng mga artist. Pipintahan nila ang isang bahagi ng paraw base sa temang ibibigay. Ang pinakamalikhain at makulay ang siyang magwawagi.

Pinta Tawo Competition

Ito ay paligsahan ng pagpinta sa katawan. Pwedeng lumahok ang mga estudyante o kaya pangkat ng mga artist. Pwede silang bumuo ng isang grupong may apat na miyembro. Ang tagapag-organisa ang bahalang magbigay ng pintura habang sagot naman ng lalahok ang mga materyales na gagamitin tulad ng brush at panulat.

Miniature Paraw Race

Maliliit na paraw ang kalahok sa kompetisyong ito. Kada isa'y may laking tatlumpu’t anim na pulgada pababa. Mayroon ding kategoryang para sa mga paraw na may habang tatlumpu’t anim hanggang apatnapu’t walong pulgada. Kapag nagsimula na ang laro, pwedeng hawakan at galawin ng kasali ang kaniyang paraw nang hanggang limang beses. Ang unang makarating sa itinakdang tatlumpung metrong distansiya ang siyang panalo sa karera ng mga mumunting paraw.

Rowing and Paddling Competition

May paligsahan din ng pabilisan ng paraw sa pamamagitan ng pagsagwan. Maaari itong salihan ng mga kolehiyo o residente ng barangay. Ligtas naman ang mga manlalaro dahil kinakailangan nilang magsuot ng life jacket sa laro.

Samba de Regatta

Bahagi ito ng selebrasyon ng Paraw Regatta Festival kung saan may musika at sayawan matapos ipakilala ang mga lalahok sa karera ng mga paraw. Ginawa na rin itong isang patimpalak na tinawag nilang ‘’Samba de Regatta Music and Mardi Gras Competition’’. Sumasayaw ang mga kalahok sa saliw ng samba. Unti-unti, nakikilala ang samba bilang simbolo ng kasiyahan at pagdiriwang sa Villa beach sa Arevalo, Iloilo. Ang kasiyahang ito, wala raw kinalaman sa relihiyon o kultura ng mga Ilonggo. Nais lang daw nilang mas lalong makilala ang talentong mayroon ang kanilang siyudad.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.