Parada ng Kakanin

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Parada ng Kakanin ay isang taunang pagdiriwang na ginaganap tuwing ika-9 ng Setyembre sa Lungsod ng San Mateo, Rizal. Ipinaparada nila ang kanilang ginawang kakanin at ipinamimigay sa mga tao at mayroon din upang ialay sa kanilang Nuestra. Ito ay pinamamahalaan ng simbahan sa tulong ng mayor, lokal na pamahalaan, at kapulungan ng turismo.

Ngayon taong 2009, ipagdiriwang ng San Mateo ang ika-305 taon ng Parada ng Kakanin.

Kasaysayan

Ang pista ay nagsimula pa noong panahon ng mga Kastila kung saan ang mga mamamayan ng San Mateo, Rizal ay nag-aalay ng mga kakanin bilang tanda ng panalangin, debosyon at pasasalamat kay Nuestra Señora de Aranzazu. Dahil sa ganitong gawi, ang pagluluto ng kakanin ay naging bahagi na ng buhay ng mga Rizaleños.

Ngayon, iba’t ibang industriya na ang lumilitaw sa siyudad tulad ng manukan at babuyan, pero nananatiling tapat ang San Mateo, Rizal sa paggawa ng kanilang espesyalidad. Ito ang kanilang ipinagkakapuring mga kakanin. Ang bibingka at suman ang pambato ng siyudad pagdating sa kakanin. Ipinagmamalaki nila ang mga ito kaya’t makikita na lagi itong binebenta sa mga palengke at sa loob mismo ng San Mateo.

Ang mga kakanin ay sumasalamin sa kultura at kasaysayan ng mga tao sa San Mateo, Rizal. Ang paghahanda ng mga kakanin ay pinagtutulungan ng buong pamilya, at niluluto pa rin sa makalumang paraan.

Kakanin

Ang kakanin ay hango sa salitang “kanin” na may dalawang kahulugan: ang lutong bigas at pagkain nito (kain). Ang kakanin ay maliliit na pirasong inihahanda bilang meryenda o panghimagas. Iba’t iba ang sukat ng mga ito na maaaring lutuin sa hurno, pasingawan o ilaga. Halos lahat sa mga ito ay gawa sa kanin, na maaaring haluan ng harina, grano, gatas ng niyog at asukal. Ilan sa mga sikat na paboritong kakanin ng mga Pilipino ay ang puto, biko, sapin-sapin, suman, kutsinta, puto bumbong, bibingka at palitaw.

Ang mga kakanin ay ginagawa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at nagkakaiba-iba depende sa lokal na resipe at produkto. May ilang kakanin na inihahanda kasama ang katas ng manok, baboy o baka, at ang ilan ay gawa naman sa ube, cassava, kamote o tapioca.

Mahalaga ang papel ng dahon ng saging sa paghahanda ng kakanin. Ginagamit itong lalagyan habang pinasisingawan o ginagawang pansapin sa ilalim ng lalagyan upang makadagdag sa lasa at maiwasan ang paninikit.

Tradisyunal na ginagamit ang kakanin bilang alay sa mga diyos. Kaya maging hanggang sa ngayon ay nanatili pa rin sa mga taga-San Mateo ang ganitong tradisyon.

Selebrasyon

Sa mismong parada, ang mga matatandang babae’t lalaki ay nagdadala ng mga bibingka, suman, cassava cake, at kutsinta. Ipinamimigay nila ito sa mga tao sa lansangan at ang iba ay iniaalay kay Nuestra Señora de Aranzazu bilang bahagi ng pagdiriwang.

Sayawan sa kalsada, tugtugan ng mga banda, parada ng mga babae’t lalaking may makukulay na suot ang makikita sa buong siyudad ng San Mateo.

Noong 2007, mahigit 60 grupo ang nakikiisa sa selebrasyon. Kasama na rito ang mahigit 15 pampublikong paaralan, 15 baarangay, mga establisyamento, simbahan at iba’t ibang mga organisasyon.

Iba pang atraksyon

Kasabay nang pagdalaw ng mga turista sa San Mateo, Rizal upang saksihan ang Parada ng Kakanin, dinadayo rin sa naturang lugar ang popular na 9 Waves Resort; Earth Heaven Park, kung saan maaaaring matanaw ang buong siyudad; at Garden Plant in Timberland, na nasa tuktok ng bundok.

Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.