Papa Francisco

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Papa Francis (Kardinal Jorge Mario Bergoglio, ipinanganak noong 17 Disyembre 1936 Buenos Aires, Argentina) ay ang ika-266 at kasalukyang Santo Papa ng Simbahang Katoliko Romano. Nahalal siya noong 13 Marso 2013 matapos ang Conclave ng mga kardinal bunga ng pagbitiw sa pwesto ni Papa Benito XVI dahil sa panghihina ng katawan.

Si Papa Francis ang kauna-unahang Santo Papa na hindi nagmula sa Europa, mula sa Timog America at kauna-unahan ding nagmula sa orden ng mga Heswita. Siya ang dating Arsobispo ng Buenos Aires bago mahalal para maging Papa.

Kabataan at Edukasyon

Ipinanganak si Jorge Mario Bergoglio sa Buenos Aires. Isa siya sa limang anak nina Mario Jose Bergoglio, isang trabahador sa tren na nagmula sa bansang Italya at ni Regina Maria Sivori. Naging tagahanga si Bergoglio ng koponan ng football na San Lorenzo de Almagro mula ng kanyang kabataan.

Nagtapos siya ng sekundaryang teknikal sa Escuela Nacional de Educación Técnica bilang chemical technician. Nagkaroon siya ng pneumonia at bukol sa baga nang siya ay dalawampu't isang taong gulang pa lamang kung kaya't kinailangang tanggalin ang isa niyang baga.

Sinasabi sa isang ulat na isang babae ang dahilan ng kanyang pagpapari. Ayon Amalia Damonte, magkababata at magkapit-bahay sila ni Bergoglio nang sulatan siya nito at sinabing magpapari na lamang siya kung hindi sasagutin ni Damonte.

Pagpapari

Pumasok sa seminaryo ng Villa Devoto si Bergoglio at noong 11 Marso 1958, lumipat sa Samahan ni Hesus (Hesuwita) kung saan niya tinapos ang pag-aaral sa humanities sa Chile. Noong 1963, sa kanyang pagbabalik sa Buenos Aires, nakakuha siya ng degree sa pilosopiya sa seminaryo ng San Jose sa San Miguel.

Mula 1964 hanggang 1965, nagturo siya ng panitikan, sikolohiya, pilosopiya sa Immacolata College sa Santa Fe at sa University of El Salvador sa Buenos Aires noong 1966.

Taong 1970 nang matapos niya ang kanyang degree sa teolohiya at naordenahan bilang pari noong 13 Disyembre 1969.

Karera bilang Obispo

Naging guro si Bergoglio sa Villa Varillari sa San Miguel mula 1972 hanggang 1973. Noong 31 Hulyo 1973, naihalal siya bilang Probinsyal sa Argentina at nagsilbi sa posisyon sa loob ng anim na taon. Mula 1980 hanggang 1986, naging rektor siya ng Philosophical and Theological Faculty ng San Miguel, at naging kura ng simbahan ng Patriarca San Jose. Nagtungo siya sa Germany noong 1986 para tapusin ang kanyang doctoral thesis. Pinadala naman siya ng mga nakatataas sa kanya sa University of El Salvador at Corboda kung saan nagsilbi siya bilang direktor pang-espiritwal at tagapagkumpisal.

Noong 20 Mayo 1992, itinalaga siya ni Papa Juan Pablo II bilang Obispo ng Auca at Auxillary ng Buenos Aires. Naging Obispong Coadjutor siya ng Buenos Aires noong 1997 at pinalitan si Kardinal Antonio Quarracino matapos ang isang taon.

Naging Adjunct Relator ng Ikasampung Pangkaraniwang Panghalahatang Pagpupulong ng Synod of Bishiops si Bergoglio noong 2001 at naging Pangulo ng Bishop's Conference of Argentina mula Nobyembre 2005 hanggang 2011.

Pagiging Kardinal

Kilala si Bergoglio bilang simple at mapagkumbaba. Sa kwento ng dati niyang tagapagsalitang si Guillermo Marco, noong Arsobispo pa lang si Bergoglio at itatalaga bilang kardinal sa Roma, habang naghahanda sila sa pag-alis kung saan sila tumuloy, sinanong ni Marco si Bergoglio kung paano sila makakapunta sa Vatican. Sumagot si Bergoglio na maglalakad sila. Sinabi ni Marco na suot ni Bergoglio ang kanyang pulang abito. Sinagot naman siya ni Bergoglio na maaaring maglakad kahit sino sa Roma na may saging sa ulo at walang pakialam ang iba. Pagdating nila sa Vatican, nagulat ang mga tagabantay dahil ang ibang kardinal ay nagsidatingan nang maraming kasamang kapamilya samantalang tatlo lang ang kasama ni Bergoglio na naglakad patungong Vatican.

Iprinoklama siyang Kardinal ni Papa Juan Pablo II noong Pebrero 2001 sa titulong paring kardinal ng San Roberto Bellarmino.

Sumasakay lamang ng tren at iba pang pampublikong sasakyan si Kardinal Bergoglio. Mas pinili rin niyang tumira sa maliit na silid ng isang hotel kaysa sa palasyo ng arsobispo sa Buenos Aires noong siya'y Kardinal doon. Tinagurian din siyang Papa pasa sa Mahirap dahil sa kanyang pagiging malapit at matulungin sa mga mahihirap. Naniniwala siyang ang simbahan ay para sa lansangan. Nagpatayo siya ng mga kapilya at misyon sa mahihirap at pinadala ang mga seminarista upang pagsilbihan ang kanilang mga kababayang maghihikahos.

Naging malaking kritiko rin siya ng pangulo ng Argentina na si Cristina Fernández de Kirchner na nagsabatas ng pagpapakasal sa kaparehong kasarian noong 2010. Nilabanan niya ang anumang kawalang-katarungan gaya ng maling pagtrato sa mga migranteng manggagawa mula sa ibang bansa at sa mga nabibiktima ng pang-aabusong sekswal at pangangalakal, at mga panlipunang usapin gaya ng aborsyon at kasal sa kaparehong kasarian.

Pagiging Santo Papa

Ayon sa mga ulat sa pahayagan, si Bergoglio ang ikalawa sa pinakamaraming nakuhang boto sa nakaraang conclave noong 2005 kung saan nahalal si Joseph Ratzinger para maging Santo Papa. Matapos ang magbitiw sa pwesto ni Papa Benito XVI, nagkaroon ng pagpupulong at eleksyon ang mga kardinal sa buong mundo at naihalal si Bergoglio bilang ika-266 na Santo Papa noong 13 Marso 2013.

Hinango niya ang kanyang pangalan bilang Santo Papa kay San Francisco ng Assisi na para sa kanya ay isang halimbawa ng imahe ng mahihirap kaya siya tinawag na Papa Francisco.

Kontrobersya

Inaakusahan ng mga kritiko si Papa Francsisco ng pag-abandona sa kanyang mga kasamang pari. 23 Mayo 1976 nang dakpin ng mga pulis at militar sa simbahan ang dalawang Heswitang pari na sina Orlando Yorio at Francisco Jalics. Pinahirapan sila at ikinulong sa loob ng limang buwan. Nang makalaya, inakusahan ng dalawang pari si Bergoglio sa pag-abandona sa kanila sa military junta. Ayon sa kanila, hinayaan sila ni Bergoglio nang tanggalin ang kanyang proteksyon nang pagbawalan silang bisitahin ang mga mahihirap.

Itinanggi naman ni Bergolgio ang akusasyon. Iginiit niyang ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang mailigtas sila.

Isa rin sa mga ibinabato sa kanya ang pagiging mahigpit. Ayon sa papal historian at dating Heswitang Pari na si Michael Walsh, ilan sa mga miyembro ng orden ay hindi masaya sa pagkakatalaga kay Bergoglio dahil sa pagiging istrikto at konserbatibo nito na nagiging salungat sa nais ng lipunan.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.



Kategorya:Personalidad Kategorya:Relihiyon at Paniniwala