Panulaang Hapones

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Tula ang isa sa mga pinakamarikit na anyong pampanitikan sa mundo. Bukod sa masining na paraan ng pagsulat nito, isa rin itong pinakamainam na paraan upang magpahayag ng damdamin kahit gamit lamang ang ilang salita. Ang panulaang Hapones na tanka, haiku, at senryu ay tatlong tulang may malaking impluwensiya sa panitikan ng mundo, maging sa Pilipinas.

Tanka

Ang tanka, na ang kahulugan ay “maikling tula,” ay tradisyonal na tula sa Japan na binubuo ng 31 pantig na hinahati sa limang taludtod. Tatlo sa taludtod nito ay may tig-pitong pantig at ang dalawang natitirang taludtod ay may limang pantig. Ang pagsusulat ng tanka ay bahagi ng pamumuhay ng mga aristokrato sa Japan. Isang kilalang paraan upang pagyamanin ang tanka ay ang paglalaro ng karuta o poem card. Sa larong ito, babasahin ng unang manlalaro ang unang kalahati ng tula. Pagkatapos, ang sunod na manlalaro naman ang hahanap ng karugtong nitong taludtod sa mga nakalatag na baraha sa sahig. Inilulunsad din ang Competitive Karuta, ang opisyal na pambansang paligsahan ng card game sa Japan.

Haiku

Naging inspirasyon ang tanka upang mabuo naman ang higit na maikling tula ng mga Hapones—ang haiku na may tatlong taludtod na may bilang na 5-7-5 pantig. Higit na lumaganap ang haiku noong ika-17 dantaon dahil kay Bashō, pinakadakilang manunula ng haiku sa Japan. Kalikasan ang malimit na tema ng haiku na isinusulat sa pormal na paraan at may seryosong tono. “Hokku” ang unang tawag sa haiku. Ang manunulat na si Masaoka Shiki ang nagbigay ng katawagang haiku noong ika-19 siglo.

Senryu

Tulad ng haiku, ang senryu ay binubuo ng 17 pantig at tatlong taludtod. Isinusunod rin sa pagsulat nito ang 5-7-5 pagpapantig. Gayunman, ang tema ng senryu ay tungkol sa iba’t ibang emosyon ng tao kaya tinatawag din itong “human haiku.” Isinusulat naman ang senryu sa pabiro o sarkastikong paraan.

Impluwensiya sa Pilipinas

Nang masakop ng Japan ang Pilipinas noong 1941, lumaganap sa bansa ang panulaang Japanese, higit ang haiku. Isa sa mga unang Pilipinong nagsulat ng haiku ay si Gonzalo K. Flores na may sagisag-panulat na Severino Gerundio. Karamihan sa kaniyang akda ay nailathala sa magasing Liwayway noong dekada 1940. Halimbawa ng kaniyang haiku:

Anyaya”

Ulilang damo

sa tahimik na ilog

halika, sinta

Noong 1990, inilunsad naman ng Japan Air Lines Foundation ang Haiku Writing Contest na ginaganap sa iba‘t ibang bansa. Sa Pilipinas, naging regular na hurado ng patimpalak ang Pilipinong manunula na si Rogelio G. Mangahas, ang may akda ng aklat na Gagamba sa Uhay (Kalipulan ng mga Haiku) na nailimbag noong 2006. Si Mangahas ay nagsasalin din ng mga haiku na isinulat ni Bashō tulad ng:

Kare-eda ni

(Sa sangang patay)

Karasu no tomami keri

(nakahapon ang uwak)

Aki no kure

(Gabing taglamig)

Nang ideklara ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang 2006 bilang Philippines-Japan Friendship Year, marami rin ang inilunsad na proyektong kaugnay sa pagsusulat ng

haiku tulad ng sumusunod:

  • Itinatag ang University of Santo Tomas (UST) Haiku Group sa ilalim ng klase sa panitikang Chinese at Japanese. Pinangunahan ito ni Dr. Milagros G. Tanlayco na pinag-aralan ang panulaang Japanese. Layunin ng samahan na ipakilala ang pagsulat ng tulang haiku at senryu; at
  • Inilunsad ng University of the Philippines (UP) ang Litra2ra, isang patimpalak sa pagsulat ng haiku at pagkuha ng larawan. Sa patimpalak na ito, ang haiku ang magsisilbing caption ng larawang gagawing entri.

Sa kasalukuyan, higit na lumalaganap ang pagsusulat ng haiku sa Internet. Katunayan, maraming online forum ang nabuo upang higit na pagyamanin ang kanilang kaalamansa pagsulat ng mga tulang Japanese.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.