Panitikang Iloko

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Iloko ay isa ring pangunahing wika sa Pilipinas. Ito ang katutubong wika ng mga Ilokano, na nasa Hilagang-kanluran ng Luzon. Ito ay sumasakop sa buong rehiyon ng Ilocos, Cagayan, Abra, at Pangasinan. Iloko rin ang ginagamit ng karamihan sa Nueva Vizcaya at Tarlac.

Natatanging Panitikan

Mayaman ang kasaysayan ng wikang Iloko. Tinatayang ito ang pinakamatandang wika sa Pilipinas. Ang Iloko ay may kompletong bokabularyo. Ginagamit na ng mga Ilokano ang kanilang abugida o paraan ng pagbabaybay bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol sa bansa.

Sa pagdating ng mga Espanyol, ang Doctrina Christiana na unang aklat na nailimbag sa Pilipinas ay isinalin sa Iloko noong 1621.

Natatanging Panitikang Iloko

Natatangi ang uri ng panitikang nabuo at patuloy na itinataguyod ng mga Ilokano. Ang kanilang panulaan, halimbawa, ay may iba’t ibang uri at anyo. Pangunahin na rito ang dungaw at dallot.

  • Dung-aw – Ito ay inaawit ng mga Ilokano bilang papuri sa isang yumao. Isinasaad nito ang mabubuting nagawa ng namatay noong siya ay nabubuhay pa. Isa rin itong paraan upang mailabas ang saloobin at gumaan ang pakiramdam ng namatayan.
  • Dallot – Ito ay tradisyonal na pagtula o pag-awit sa isang kasalan at karaniwang nahihinggil sa pag-ibig. Karaniwan itong sagutan sa pagitan ng babae at lalaki.

Natatanging Ilokano

Apat sa mga kinikilalang nagpatibay sa pundasyon ng wika at panulaan ng mga Ilokano.

  • Pedro Bucaneg – Tinaguriang “Ama ng Panitikang Ilokano,” siya ay isang bulag na natagpuan sa baybayin ng Vigan noong 1592. Pinaniniwalaang isang Itneg si Bucaneg dahil na rin sa pangalang ibinigay sa kaniya ng paring Agustinong kumupkop sa kaniya. Hindi naging hadlang ang kapansan ni Bucaneg upang makalikha ng mga tula. Siya ang itinuturing na pangunahing tagasalin sa panulat ng epikong Ilokano, ang Biag ni Lam-ang [Buhay ni Lam-ang] noong 1640.
  • Leona Florentino (1849–1884) – Kinikilala bilang “Ina ng Panitikan para sa Kababaihan,” si Florentino ay nakapagsusulat na ng mga tula sa wikang Iloko at Spanish sa gulang na sampu. Nakapagaral ng primarya ngunit hindi naipagpatuloy ang pag-aaral sa unibersidad dahil siya ay isang babae. Dahil nagmula sa mayamang angkan, pinaturuan siya sa mga pribadong guro. Ang kaniyang mga akda ay hindi lamang kinikilala sa Pilipinas, pati na rin sa Spain, France, at United States. Siya ang ina ni Isabelo de los Reyes.
  • Isabelo de los Reyes – Isinilang sa Vigan, Ilocos Sur noong 1864, kilala si de los Reyes sa kaniyang mga sanaysay at pamamahayag. Siya ay kilalang mamamahayag at nagtatag ng El Ilokano (1889), pinaniniwalaang kauna-unahang panrehiyong pahayagan sa Pilipinas.
  • Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas, Inc. (GUMIL Filipinas) – Ang GUMIL ay isang aktibong samahang pangwika na nagtataguyod ng Iloko mula pa noong 1968. May mga aktibo itong sangay sa iba’t ibang lalawigan ng Rehiyon I at mga kalapit na bayan. May sangay rin ito sa Hawaii, California, Guam, at Greece. Isa sa mga layunin ng samahan ay ang makapaglathala sa Iloko ng mga aklat ng tula, maikling kuwento, sanaysay, at nobela. Ang politiko at manunulat na si Arturo M. Padua ang unang pangulo ng GUMIL.

Mga Sanggunian

  • Phillip Y. Kimpo Jr., ed. Virgilio S. Almario. “Isabelo de los Reyes.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • Jayson D. Petras, ed. Virgilio S. Almario. “Pedro Bucaneg.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • FilipiKnow. “9 Kickass Women in Philippine History You’ve Never Heard Of.” Filipiknow.net. https://www.filipiknow.net/extraordinary-filipinas-in-history. Accessed 27 Pebrero 2021.
  • ABN. “50th Year GUMIL Filipinas Countdown, Inumpisahan.” Amianan Balita Ngayon, 29 Abril 2017. https://amiananbalitangayon.com/50th-year-gumil-filipinas-countdown-inumpisahan. Accessed 27 Pebrero 2021.  

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.