Panitikang Hiligaynon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang panitikang Pilipino ay binubuo ng iba’t ibang akda o kuwento mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Kabilang dito ang panitikang Hiligaynon, na isa sa may pinakamayamang kultura sa bansa. Sa kanilang mga akda malimit maririnig ang mga kuwento tungkol sa mga aswang at maligno, mga alamat at pamahiin, at mga tala tungkol sa iba’t ibang halamang gamot at lunas.

Wika sa Kanlurang Visayas

Hiligaynon ang tawag sa wikang sinasalita ng mga naninirahan sa Kanlurang Visayas. Bukod sa mga tubong Negros Occidental, Iloilo, Capiz, at Panay, ginagamit din ito sa ilang bahagi ng Mindanao tulad ng North Cotabato, Sultan Kudarat, at Koronadal City.

Ang salitang Hiligaynon ay nagmula sa salitang “Iliganon,” na tumutukoy sa isang ilog at nangangahulugang “lugar kung saan dumadaloy pababa ang tubig.”

Tinatayang pitong milyong Pilipino ang bihasa sa Hiligaynon. Nakilala ang wikang ito sa tawag na wikang Ilonggo ngunit ang katawagang ito ay tumutukoy lamang sa mga mamamayan ng Iloilo.

Mga Natatanging Kuwento

Naging tanyag ang panitikang Hiligaynon sa mga kuwentong katatakutan. Ang lalawigan ng Capiz ang pinakasikat sa mga kuwento patungkol sa mga aswang. Ang tiktik (isang nilalang na kayang pahabain ang dila at may pakpak) ay malimit gamitin sa mga palabas sa telebisyon at pelikula.

Bukod sa mga kuwentong katatakutan, marami ring mga alamat at epiko ang panitikang Hiligaynon. Nariyan ang “Alamat ni Tungkung Langit at Alunsina” na tungkol sa pagkakaayos ng mga bagay sa mundo; at ang epikong Hinilawod na kinikilala bilang isa sa pinakamahabang epiko sa mundo na may 28,000 taludtod. Ang Hinilawod ay isinalaysay ng mga taga-Sulod mula sa Panay. Ito ay itinuturing din na isang sagradong obra ng mga taga-roon.

Marami ring mga lumang akdang pampanitikan ang mga taga-Kanlurang Visayas, tulad ng mga tala tungkol sa mga halamang gamot at lunas. Pinaniniwalaan nilang nakagagaling ng sakit ang unang ulan sa buwan ng Mayo at nakapagpapagaling ng ubo at sakit sa balat ang tradisyonal na halamang gamot na kung tawagin ay “agdaw.”

Sanggunian

Noel de Leon. “Review: Kaaliw-aliw na Pagkamulat: 30 Mga Bagong Libro sa Panitikan ng Kanlurang Visayas.” Kalatas, 19 Marso 2013. https://kalatasliteraryezine.wordpress.com/2013/03/19/kaaliw-aliw-na-pagkamulat-30-mga-bagong-libro-sa-panitikan-ng-kanlurang-visayas/comment-page-1/. Accessed 24 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.