Pangako Sa 'Yo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Pangako Sa 'Yo (2000) ay isa sa mga naging pinakasikat na teleseryeng ipinrodyus at ipinalabas sa ABS-CBN. Ito ay pinagbibidahan nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa at idinirek ni Rory Quintos. Naging matagumpay ito hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa iba pang bansa, at nakilala doon bilang The Promise.


Lagom

Ang teleseryeng ito ay umiikot sa kuwento ng isang katulong, si Yna, na nahulog ang loob at napamahal na sa kanyang binatang amo, si Angelo. Ang kanilang kuwentong pag-ibig ay tila inulit lamang ang isang kuwentong bahagi na ng kanilang nakaraan.

Ang kuwento ay nagsimula sa kuwentong pag-ibig nina Amor at Eduardo. Ang ina ni Eduardo na si Benita, ay ayaw sa kanilang relasyon dahil isang katulong lamang si Amor at dahil na rin nais niyang ipakasal ang kanyang anak kay Claudia para sa pulitikong kadahilanan. Ang kapatid ni Eduardo, si Diego, na may gusto rin kay Amor, ay inutusan ni Benita na paghiwalayin sila. Nang makita ni Eduardo na gagahasain ni Diego si Amor, ang akala niya'y mayroon ring relasyon ang mga ito, kung kaya naman nasaktan siya't nagpakasal na lamang kay Claudia. Si Amor, na noo'y nagdadalantao na, ay napilitang umalis sa Hacienda ng mga angkan ng Buenavista at bumalik sa kanyang inang si Chayong na nakatira malapit sa tambakan ng mga basura. Ipinangako niya sa kanyang sarili na maghihiganti sa angkan ng mga Buenavista nang malaman niyang nagpakasal na si Eduardo kay Claudia.

Matapos ipanganak ang kanyang anak na babaeng pinangalanang Maria Amor, naghanapbuhay si Amor kasama ang kanyang kaibigang si Lourdes sa mga club. Nakarelasyon niya ang isang dayuhang nais siyang dalhin papuntang Estados Unidos. Kaya iniwan niya ang kanyang dalawang-taong-gulang na anak at kanyang ina sa kanilang bahay at pinadalhan na lamang sila ng pera paminsan-minsan.

Ang Amerikanong kanyang nakarelasyon ay naging mapang-abuso sa kanya. Nang magkaroon ng aksidente sa lugar ng tinitirhan ng kanyang ina at anak, inakala niyang namatay na sila pareho, pero hinsi pa rin siya pinayagang umuwi sa Pilipinas. Nakaganti lamang si Amor sa kanyang karelasyon nang hindi niya ibigay ang kinakailangang gamot nito nang ma-stroke. Namatay ito at napunta sa kanya ang lahat ng pera.

Sa kabilang banda, nagkaroon naman ng dalawang anak sina Eduardo at Claudia, sina Angelo at Lia. Si Eduardo ay kasalukuyang gobernador ng kanilang probinsya, habang si Claudia naman ay naging reyna ng mga sugal sa kanilang lugar. Nagrerebelde si Angelo dahil ayaw niya sa kanyang ama, habang si Lia naman ay napakabait, aktibo sa simbahan at pinoprotektahan ng lahat dahil siya ang pinakabata. Ang anak naman ni Amor ay masuwerteng nakaligtas sa aksidente at inampon ng mag-asawang Isko at Belen Macaspac. Mayroon na silang anak na lalaking nagngangalang Caloy, na ayaw na ayaw si Yna. Nakita ng mag-asawa ang mga larawang iginuhit ni Eduardo para kay Amor, na may nakalagay pang “Ynamorata” malapit sa naulilang bata, kung kaya naisipan nilang tawagin siya na Ynamorata. Nagkaroon pa sila ng isa pang anak, si Flerida.

Si Benita Buenavista ay nagsisi naman sa pagpilit niyang pakasalan ng kanyang anak si Claudia dahil lumabas na ang tunay na kulay nito. Nang siya'y mamamatay na, sinubukan niyang ipaliwanag kay Eduardo na siya ang nagplano ng pagsira sa relasyon nila ni Amor, ngunit namatay rin siya bago pa man masabi ito. At upang makabawi sa kanyang mga kasalanan, nagpakita siya sa mga panaginip ng noo'y nagdalaga nang si Yna.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakilala ni Yna si Eduardo. At napaniginipan niyang muli si Benita. Sinasabi nitong ang kanyang nakaraan ay matatagpuan sa angkan ng mga Buenavista. Dahil sa siya ay nababahala, pumasok siya sa hacienda ng Buenavista bilang isang katulong ng pamilyang ito, umaasang malalaman niya rito ang kanyang nakaraan.

Hindi nagtagal, nagkaibigan sina Angelo at Yna. Dahil dito, bukod pa sa minamaliit niyang talaga ang mga katulong, pinahirapan niya ang buhay ni Yna. Si Amor, na nagbalik sa Pilipinas bilang si Amor Powers, ay naging matagumpay na sa larangan ng negosyo, habang pinaplano niya pa rin ang kanyang paghihiganti sa pamilya ng Buenavista, na sinisisi niya sa lahat ng mga paghihirap na kanyang pinagdaanan at pati na rin ang inaakala niyang pagkamatay ng kanyang anak.

Ang suliranin ay, nang malaman ni Yna na ang kanyang tunay na ama ay si Eduardo, kung gayo'y magkapatid sila ni Angelo. Ngunit lumabas naman sa huli na hindi si Eduardo ang tunay na ama ni Angelo. Inakala noong una na si Simon ang kanyang ama, ang kalaguyo ni Claudia. Ngunit napag-alamang anak siya ni Diego sa isang mahirap na babaeng namatay rin nang maaga. Lumabas ang katotohanang nanganak si Claudia ng isang babae; ngunit ipinalit ng kanyang ama ang sanggol sa isa pang sanggol, upang ang magmamana ng kanyang mga kayamanan ay isang lalaki. Ang pangalan ng babae ay Maria Amor, na inalagaan ng isang matandang babae at pinalaki siya sa paniniwalang anak siya ni Amor. Kung kaya inakala ng lahat na siya'y anak nina Amor at Eduardo, kabilang na rito si Claudia. Upang makaganti kay Amor, binaril ni Claudia si Maria Amor. Ngunit hindi nagtagal ay nalaman niya ang tunay na pagkatao ni Maria Amor at hindi niya mapatawad ang sarili. Ang kanyang isa pang anak, si Lia, ay namatay dahil sa malubhang sakit. Kung kaya naman humingi siya ng tawad sa lahat ng nagawan niya ng mali. Nakulong siya ngunit ibinigay sa kanya ang mga abo ng kanyang anak.

Nagtapos ang kuwento na ang lahat ay nakasamang muli ang kanilang mga tunay na mahal. Ikinasal sina Yna at Angelo, ikinasal si Claudia sa kanyang tunay na mahal na si Simon Barcial, at sina Amor at Eduardo ay nagkabalikan.


Mga Tauhan

Sa Ibang Bansa

Dahil naging matagumpay ang pagpapalabas ng Pangako Sa 'Yo dito sa Pilipinas, ipinalabas rin ito maging sa iba pang mga bayan, kasama na ang Cambodia, Cameroon, Ghana, Indonesia, Kenya, Malaysia, Namibia, Singapore, Tanzania, Thailand, at Zambia.


Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.