Pangaea Proxima

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Pangaea Proxima (tinatawag ding Pangaea Ultima, Neopangaea, at Pangaea II) ay isang inaasahang pagkakabuo ng isang supercontinent sa hinaharap. Dahil sa patuloy na paggalaw ng mga kontinente bilang bahagi ng tinatawag na supercontinent cycle, inaasahang mangyayari ang Pangaea Proxima sa susunod na 300 milyong taon. Ang teorya ng potensiyal na pagkakabuo ay batay sa pagsasaliksik ni Christopher Scotese noong Nobyembre 1982. Nakuha ang pangalan nito mula sa naganap na pagkakabuo ng supercontinent na Pangaea.

Unang pinangalanan ni Scotese ang mabubuong supercontinent bilang Pangaea Ultima (Huling Pangaea) at pinalitan kalaunan bilang Pangaea Proxima (Susunod na Pangaea) upang maiwasan ang pagkalito at hindi akalain na ang mabubuong supercontinent sa susunod na milyong taon ay huli na.

Ang konsepto ng Pangaea Proxima ay batay sa pag-aaral sa mga nakaraang proseso ng pagkakabuo at pagkakahiwa-hiwalay ng mga kontinente at hindi batay sa kasalukuyang mekanismo kung paano gumagalaw ang lupa o aktibong tektoniko.

Sa konsepto ng Pangaea Proxima, ang subduction o pag-ilalim ng ilang bahagi ng lupa sa Kanlurang Atlantic at silangan ng America ay nagiging sanhi rin ng subduction ng iba pang bahagi ng Atlantic at Indian basin na nagreresulta naman sa pagkakalapit muli ng rehiyon ng America, Africa, at Europe. Sinasabi ring ang pagkakabuo ng Pangaea Proxima ay magdudulot ng mala-disyertong anyo ng lupa at makararanas ng pabago-bago ngunit matitinding temperatura at klima.

Pagkakabuo

Ayon sa hypothesis ng pagkakabuo ng Pangaea Proxima, ang Dagat Atlantic at Dagat Indian ay lalong lalawak hanggang sa muling mabuo ang mga kontinente dahil sa patuloy na pagkakaroon ng subduction. Inaasahang magkakabangga ang ilang kontinente at maliliit na kontinente sa Eurasia.

Tinatayang 50 milyong taon mula ngayon, ang Hilagang America ay sinasabing gagalaw ng pakanluran habang ang Eurasia naman ay gagalaw pasilangan. Maaari din naman daw na gumalaw ang Eurasia papunta sa timog na maglalapit sa Great Britain sa North Pole at Siberia. Ang Africa naman ay inaasahang babangga sa Europe at Arabia na tuluyang magsasara sa Dagat Mediterranean at Red Sea. Ang isang mahabang saklaw ng mga bundok (Mediterranean Mountain Range) ay aabot hanggang Iberia, papunta sa Kanlurang Europe hanggang sa Asya. Sinasabi ring magkakaroon ng mas matataas na bundok na mas mataas pa sa Mount Everest. Lalapit din ang Australia sa Southeast Asia na bubuo rin daw isa pang malaking saklaw ng mga bundok. Babangga rin ang Kanluran at Baja California sa Alaska na bubuo rin ng mga saklaw ng kabundukan.

Nasa 125 milyong taon naman mula ngayon, ang Dagat Atlantic ay inaasahang hihinto sa paglawak at liliit pa nga ang saklaw dahil magiging subducted na ang Tagaytay ng Mid-Atlantic. Sa pag-aaral din, ang isang mid-ocean ridge sa pagitan ng Timog America at Africa ay unang magiging subducted at ang Atlantic Ocean ay inaasahang mapupunta sa ilalim ng mga kontinente ng Amerika. Dahil din sa subduction, ang Dagat Indian ay mas liliit din ang sakop.  Ang Antarctica naman ay inaasahang mahahati sa dalawa at gagalawa pahilaga at babangga sa Madagascar at Australia na mag-iiwan ng kaunting bahagi ng Dagat Indian na tinawag ni Scotese na “Dagat Medi-Pangaean”.

Sa paglipas naman ng 250 milyong taon, mawawala na ang Atlantic at maliliit na bahagi na lamang nito ang makikita. Ang Hilagang America ay babangga sa Africa. Ang South Africa naman ay inaasahang mapapasama sa dulong bahagi ng Africa at Antarctica na magsasara sa Dagat Medi-Pangaean na magiging sanhi ng pagkalason at pagkamatay ng mga karagatan, lupa, at maging ng atmosphere na magdudulot naman ng susunod na yugtong pagkaubos o extinction. Ang mabubuong Pangaea Proxima ay mapaliligiran ng Propanthalassic Ocean na sasakop sa kalahati ng Daigdig. Magdudulot rin ito ng mas mainit na klima sa buong mundo na nasa 28 degrees Celsius ang karaniwang init.

Modelo

Dalawang model ng pagkakabuo ng Pangaea Proxima ang mayroon—ang sinaunang modelo at ang kasalukuyang modelo. Nagkaiba ang dalawang modela sa kung saan mapupunta ang mga lugar na Australia, Antarctica, at Chukotka.

Ang unang modelong ginawa noong 1982 ay ipinakikitang ang Australia at Antarctica ay magkadikit ngunit mayroon pa ring magkahiwalay na lupain habang ang Chukotka naman ay nananatili sa Eurasia.

Sa kasalukuyang modelo namang binuo noong 2001 ang Australia ay nakadikit na sa China, ang Silangang Antarctica ay nakadikit na sa Timog America, at ang Kanlurang Antarctica ay nakadikit na sa Australia. Ang Chukotka naman ay nakadikit na sa Hilagang Amerika.

Iba pang posibleng supercontinent

Ayon sa Paleogeologist na si Ronald Blakey, ang susunod na 15 hanggang 85 milyong taon na paggalaw ng lupa ay hindi makabubuo ng supercontinent. Dagdag pa niya, ang paggalaw at pagiging aktibo ng tectonic plate ay hindi inaasahan at iba sa lumalabas na pag-aaral ng mga eksperto kaya naman ang pagbuo ng mga pag-aaral tungkol sa pagkakabuo ng mga bagong kontinente ay puno lamang ng haka-haka.

Liban sa Pangaea Proxima, may iba na ring lumabas na teorya tungkol sa pagkakabuo ng iba pang supercontinents tulad ng Amasia, Novopangaea, at Aurica.

Ang Amasia ay isang sinasabing posibleng pagkakabuo ng kontinenteng Asia at Hilagang America dahil sa pag-aaral na ang Pacific Plate ay kasalukuyan nang sumasailalim sa subduction sa ilalim ng Eurasia at Hilagang America. Kung magpatuloy daw ang paggalaw na ito, magiging sanhi ito ng pagsara ng Pacific. Ayon sa inilabas na pag-aaral noong Pebrero 2012, sinasabing ang Amasia ay mabubuo sa loob 50 milyon hanggang 200 milyong taon.

Noong 1990s naman ay inilabas ni Roy Livermore ang kaniyang pag-aaral na posibleng mabuo naman ang supercontinent na Novopangaea (Bagong Pangaea). Ayon sa teoryang ito, ang Pacific daw ay magsasara na magiging sanhi naman ng paggalaw ng Australia at pagiging isa nito sa Silangang Asya at gagalaw naman umano ang Antarctica pahilaga.

Ang teoryang Aurica naman ay nilikha ng mga iskolar mula sa Geological Magazine na nakabatay sa lakas ng alon sa karagatan at supercontinent cycle. Ayon sa teoryang ito, ang Dagat Atlantic at Pasipiko ay magsasara at isang bagong dagat ang papalit sa mga ito. Aandar din paitaas ang Austaralia at Antarctica at babangga naman sa Eurasia at Americas habang ang kanlurang Eurasua at Africa ay babangga sa Americas.

Mga gabay na tanong

  1. Ano ang teoryang Pangaea Proxima?
  2. Bakit nabuo ang teoryang Pangaea Proxima?
  3. Ano-anong kontinente sa mundo ang muling magdidikit-dikit sa oras na mabuo ang Pangaea Proxima?
  4. Bakit tinuligsa ni Ronald Blakey ang posibilidad ng pagkakabuo ng Pangaea Proxima?
  5. Ano-ano pa ang ibang teoryang pinaniniwalaang bubuo ng supercontinent sa mundo? Ano-ano ang kaibahan at pagkakatulad nito sa teoryang Pangaea Proxima?

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.