Panfilo Lacson

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Si Panfilo “Ping” Morena Lacson ay isang politiko sa Pilipinas na mahigit 40 taon nang naglilingkod sa bayan. Siya ay senador sa ika-18 Kongreso at tatakbo bilang pangulo ng bansa sa Halalan 2022 katambal ang kapuwa niya senador na si Vicente “Tito” Sotto III sa ilalim ng Partido Reporma. [1]

Pamilya

Si Ping Lacson ay ipinanganak noong 1 Hunyo 1948 sa Imus, Cavite kina Buenaventura at Maxima Lacson. Siya ang pang-apat sa walong magkakapatid. [2]

Siya ay ikinasal kay Alice de Perio noong 1973 at nagkaroon ng apat na anak: sina Reginald, Ronald Jay, Panfilo Jr., at Jeric. [2]

Edukasyon

Si Lacson ay nakapag-aral sa Bayang Luma Elementary School at Imus Institute. Noong 1996, natamo niya ang diploma gradwado sa Government Management sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Dahil ninais niyang maging abogado at ahente ng National Bureau of Investigation, nag-aral siya ng Batsilyer sa Piliosoppiya sa Lyceum of the Philippines bilang pre-degree niya sa abogasya. Sa kabutihang-palad, naanyayahan si Ping ng kaniyang kaibigan na pumasok sa Philippine Military Academy (PMA) kung saan siya ay nakapasa sa pagsusulit. Nakatapos siya sa PMA at naging bahagi ng Matatag Class ng 1971. Kalaunan, sumapi siya sa Philippine Constabulary at naging miyembro ng Philippine National Police (PNP) nang alisin ang PC noong 1991.[2]

Bilang Tagapagpatupad ng Batas

Nang makapagtapos sa PMA, si Lacson ay naitalaga sa Metrocom Intelligence and Security Group mula 1971 hanggang 1986 at sa PC-INP Anti-Carnapping Task Force mula 1986 hanggang 1988. Siya ang responsable sa matagumpay na pagsawata ng iba’t ibang kaso ng kidnap-for-ranson, kabilang ang kay Robina Gokongwei noong 1981. Pinangunahan niya ang grupong nagligtas kay Gokongwei at hindi tinanggap ang gantimpalang salapi. Nadestino naman si Lacson bilang Provincial Commander ng Isabela mula 1988 hanggang 1989. Mula 1899 hanggang 1992, nagsilbi siya bilang komondante ng Metropolitan District Command ng Lungsod Cebu, kung saan naging “adopted son” siya ng lungsod dahil sa kaniyang trabaho. [2]

Mula Pebrero hanggang Hulyo 1992, pinamunuan ni Lacson ang mga kapulisan sa Laguna, kung saan walang takot niyang sinawata ang ilegal na sugalan sa lalawigan. Pagkaroon nito, hinirang siya ni dating Pangalawang Pangulong Joseph Ejercito Estrada na pamunuan ang Presidential Anti-Crime Commission’s Task Force Habagat hanggang 1995. Mula naman 1996 hanggang 1997, siya ay naglingkod bilang Project Officer sa Special Project Alpha. Nang maging pangulo si Estrada noong 1998, si Lacson ay nagsilbi bilang pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force. Naging pinuno naman siya ng PNP mula 1999 hanggang 2001.

Bilang Senador

Naging senador si Lacson noong 2001–2013 at mula 2016 hanggang 2022.

Bago pa man naisiwalat ang mga katiwalian sa Priority Development Assistance Fund (pork) scam, natalakay na niya sa kaniyang privilege speech noong 2003 ang tungkol sa korupsiyon ng pondo sa PDAF. Sa loob ng 12 taon (2001–2013), ibinabalik kada taon ni Lacson ang kaniyang 200 milyong pisong alokasyon ng pondo ng PDAF sa National Treasury o 2.4 bilyong piso sa loob ng 12 taon. Siya rin ang pangunahing Jose Miguel Arroyo at isa sa mga may-akda ng Anti-Terrorism Act of 2020 o Republic Act (RA) 11476. Isa rin siya sa mga may-akda ng Bayanihan to Heal As One Act (RA 11469) at ng GMRC and Values Education Act (RA 11476). Siya rin ang pangunahing isponsor ng National ID Law (RA 11055), ng Joint Resolution 1 (layuning mabigyan ng dagdag na suweldo ang military and other uniformed personnel (MUP) sa gobyerno. Inisponsoran din niya ang Anti-Hazing Law of 2018 (RA 11053), gayundin ang Anti-Red Tape Act of 2007 (RA 9485).[2]

Narito ang ilan pa sa mga isinulong, inisponsoran, at inakdaang bataas ni Lacson bilang senador:[2]

  • RA 11279: Act Transferring the Training of Police Recruits from the Philippine Public Safety College to the Philippine National Police
  • RA 11200: An Act Providing for Rank Classification in the Philippine National Police
  • RA 11059: An Act Establishing a Retirement Benefit System in the Office of the Ombudsman
  • RA 10973: Restoring the Subpoena Powers of the PNP-CIDG
  • RA 10969: The Free Irrigation Law
  • RA 10927: Amending the Anti-Money Laundering Act to Include Casinos as ‘Covered Persons’
  • RA 10591: An Act Providing for a Comprehensive Law on Firearms, Light Weapons and Ammunition
  • RA 10354: Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012
  • RA 10351: Sin Tax Reform Law
  • RA 10349: An Act Amending the Armed Forces of the Philippines Modernization Program
  • RA 10167: An Act to Further Strengthen the Anti-Money Laundering Law
  • RA 9160 (bilang amyenda sa RA 9194): Anti-Money Laundering Act
  • RA 9165: Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002
  • RA 9163: National Service Training Program Act of 2001
  • RA 9166: An Act Increasing the Base Pay of the Members of the AFP
  • RA 9208: Anti-Trafficking in Persons Act of 2003
  • RA 9416: Anti-Cheating Act of 2007
  • RA 9484: The Philippine Dental Act of 2007

Kilala si Lacson sa pagsugpo sa korupsiyon at pagsisiwalat ng mga maling gawi ng mga lingkod-bayan, pati ang manawagan na imbestigahan ang mga maanomalyang gawain sa pamahalaan.

Mga Kontrobersiya

Marami ring kontrobersiya ang iniugnay kay Lacson. Bilang kilalang kasangga ni dating Pangulong Joseph Estrada, may mga nag-aakusa kay Lacson na nagplano ito laban sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa kaniyang mga privilege speech sa Senado sa unang termino niya bilang senador, tinawag niyang “powerfully corrupt” si Arroyo at ang asawa nitong si Jose Miguel “Mike” Arroyo. Isiniwalat niya ang pagkakasangkot ni Mike Arroyo sa umano’y US$14 million IMPSA bribery scandal at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) scam. Gayunman, maging si Lacson ay iniuugnay sa maraming katiwalain tulad ng kasong perjury and non-disclosure of assets na hinain ng NBI laban sa kaniya noong 2002. Kasunod ito ng paglabas ng report ng Federal Bureau of Investigation na may tatlong account si Lacson sa iba’t ibang bangko sa Amerika, na ang pinakamalaki umano ay naglalaman ng US$ 200,000 deposito, na kinumpirma ng US Treasury. Nang siyasatin si Lacson hinggil dito, sinabi niya na hindi na aktibo ang mga tinukoy na account. Inakusahan din siya ni dating Col. Victor Corpuz, dati ring pinuno ng Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), na ang mga yaman ni Lacson ay may kaugnayan sa malalaking drug leader at kidnapper. Isiniwalat naman ni dating NBI chief Reynaldo Wycoco sa media ang mga mansiyon ni Lacson sa Ayala Alabang at BF Homes sa Parañaque. Ang dalawang mansiyon ay hindi nakalista sa taunang statement of assets and liabilities (SALN) ng senador. [3]

Malaking kontrobersiya rin ang pagkakadawit ng pangalan ni Lacson at ng mga kasamahang pulis kaugnay sa pagkakapaslang sa mga miyembro ng sindikatong Kuratong Baleleng sa naganap na engkuwentro noong 18 Mayo 1995 sa Commonwealth Avenue sa Lungsod Quezon. Ang kaso ay dumaan din sa mahabang paglilitis at kalaunan ay dinismis din ito ng Korte Suprema noong 2012. [4]

Pagtakbo bilang Pangulo

Noong 2004, tumakbong pangulo si Lacson sa ilalim ng partidong Laban ng Demokratikong Pilipino. Nakalaban niya rito sina Gloria Macapagal Arroyo (nagwagi sa botong 12,905,808), Fernando Poe Jr., Raul Roco, at Eddie Villanueva. [5]

Muli siyang tatakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas sa Halalan 2022 katambal si Senador Tito Sotto III bilang kaniyang pangalawang pangulo.[1]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 Christia Marie Ramos. “Lacson to run for president in 2022 with Sotto as his vice president.” Inquirer.net, 20 Hulyo 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1462129/lacson-to-run-for-president-in-2022-with-sotto-as-his-vice-president. Accessed 25 Agosto 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 2.4 2.5 “About Ping Lacson.” https://pinglacson.net/about/#about_ping_lacson. Accessed 25 Agosto 2025.
  3. Ronalyn Olea. “Lacson: Hero or Villain?” Bulatlat.com, 2003.https://www.bulatlat.com/news/2-49/2-49-lacson.html. Accessed 25 Agosto 2021.
  4. Purple S. Romero. “SC junks case vs Lacson in Kuratong Baleleng 'rubout'.” Rappler, 5 Disyembre 2012. https://www.rappler.com/nation/sc-junks-case-vs-lacson-in-kuratong-baleleng-rubout. Accessed 25 Agosto 2021.
  5. “Arroyo wins Philippine election.” Aljazeera, 20 Hunyo 2004. Aljazeera,https://www.aljazeera.com/news/2004/6/20/arroyo-wins-philippine-election. Accessed 25 Agosto 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.