Panatag Shoal

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Panatag Shoal' o Scarborough Shoal (kilala rin sa tawag na Bajo de Masinloc) ay isang kulumpol na matatagpuan sa pagitan ng Macclesfield Bank at isla ng Luzon sa Dagat Timog Tsina. May layo itong 220 kilometro mula sa Luzon, ang pinakamalaking isla sa Pilipinas. Isa ito sa mga teritoryo sa Dagat Timog Tsina na pinag-aagawan ng mga bansang Pilipinas, Tsina at Taiwan. Katulad ng Kapuluang Spratly, hindi rin malinaw ang pagmamay-ari sa teritoryong ito, na dahilan ng mga hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga mangingisdang Filipino at Tsino. Noong 2013, dumulog ang pamahalaan ng Pilipinas sa The Hague sa Netherlands para ipaglaban ang soberaniya at karapatan ng bansa sa teritoryo. Noong 2016, pinaboran ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang Pilipinas laban sa pang-aangkin ng Tsina sa mga teritoryo na nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone, ngunit hindi tinanggap ng Tsina ang desisyon ng korte.

Heograpiya

Ang Panatag (Scarborough) Shoal ay isang hugis tatsulok na kulumpol ng mga bato at bangkota na may sukat na 46 kilometro. Napapaligiran rin ito ng mga korales, na bumubuo ng isang malaking atoll (hugis singsing na tangrib sa paligid ng maliit na lawa). Matatagpuan ang Panatag Shoal mga 198 kilometro kanluran ng Subig Bay. Nasa silangan ng shoal ang Manila Trench. Ang bayan ng Palauig sa Zambales ang pinakamalapit na kalupaan rito, na nasa 220 kilometro ang layo sa bahaging silangan.

Kasaysayan

Iba't ibang mga bansa na ang umaangkin sa karapatan sa paggamit sa Panatag Shoal. Ayon sa bansang Tsina, mayroong isang mapang mula sa dinastiyang Yuan noong 1279 na nagsasabing ginagamit na ng mga mangingisdang Tsino ang Scarborough Shoal mula pa noong ika-labintatlong daantaon. Sa kabila ng pahayag na ito, walang inilalabas na mapa ang Tsina na magpapatunay rito.

Sa Pilipinas, mayroong isang mapang ginawa noong 1734 kung saan tinawag na Panacot ang Panatag Shoal, at bahagi ng teritoryo sa ilalim ng Espanya. Gayundin, inaangkin na ng Pilipinas ang Scarborough Shoal magmula pa noong 1937 hanggang 1938. Noong 1965, iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa lugar.

Noong 2012, nangyari ang isang standoff sa Panatag Shoal, kung saan pinagbawalan ng Tsina ang mga mangingisdang Pilipino na makapasok sa lugar. Noong 2013, pormal na naghain ng reklamo ang Pilipinas laban sa Tsina. Pinaboran ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang Pilipinas laban sa pang-aangkin ng Tsina sa mga teritoryo na nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone noong 2016, ngunit hindi tinanggap ng Tsina ang desisyon ng korte.

Bukod sa pag-aagawan ng Pilipinas at Tsina, nag-aagawan rin ang Taiwan at Tsina sa pamamahala sa ilang mga teritoryo malapit sa Panatag Shoal.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.