Panahon ng mga Espanyol (1521-1898)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Nagsimula ang kuwento ng Panahon ng mga Espanyol sa bansa hindi sa Pilipinas, ngunit sa Europa.

Noong Krusada o laban ng mga taga-Europang Kristiyano sa mga Muslim, nakapunta sila sa Silangan at natuklasan nila ang kayamanan at kapangyarihang puwedeng makuha sa pananakop sa mga lupain doon.

Noong ika-16 na daantaon, nag-uunahan ang mga kahairan sa Europa na sumakop ng mga lupain sa labas ng kanilang teritoryo upang makahanap ng ginto at pilak.

Nasusukat noon ang yaman ng isang kaharian sa dami ng pag-aari nitong ginto, pilak at lupain. Sa kalaunan naghanap na rin sila ng iba pang itinuturing na kayamanan tulad ng pampalasa o spice.

Ngunit hindi lang dahil sa Krusada o sa paglayag nalaman ng mga taga-Kanluran ang mga kayamanan ng Silangan - kanila rin itong nadiskubre dahil sa mga mangangalakal.

Mga Paglalayag Patungong Silangan

Portugal at Espanya ang unang mga kahariang nag-unahan sa paglalayag upang manakop. Kung sino ang unang makarating o “makadiskubre” sa lugar ang siyang makakapagdagdag nito sa kanilang teritoryo.

Prinsipe Henry (The Navigator)

Si Prinsipe Henry ang pinakaunang Portuges na nakaabot sa Africa.

Christopher Columbus

Si Christopher Columbus ang itinuturing na “nakadiskubre” sa Hilagang Amerika.

Ferdinand Magellan

Si Ferdinand Magellan, na kilala bilang Fernando Magallanes sa Portugal, ay isang Portuges na manlalakbay na hindi binigyan ng pabuya ng hari ng Portugal upang lumayag.

Dahil dito, inialok niya sa hari ng Espanya ang kaniyang paglilingkod. Balak niyang maghanap ng bagong ruta patungong Moluccas, na kilala rin bilang “Spice Islands”.

Ang paglalakbay nina Magellan, na kilala rin bilang Paglalakbay na Magellan-Elcano, ang unang grupo mula Europa na makakarating sa mga isla na kalaunan ay makikilala bilang Pilipinas. Ang paglalakbay nila ay makikilala rin bilang unang pag-ikot sa daigdig.

Pagdating ng mga manlalakbay sa Pilipinas

Unang dumating ang mga manlalakbay mula Europa, o ang Paglalakbay na Magellan-Elcano, sa Isla ng Homonhon noong 17 Marso 1521. Mula Homonhon, nagtungo sila sa Limasawa.

Sa tulong ng isang tagasalin, nakipag-ugnayan ang grupo nina Magellan sa mga katutubong pinuno na sina Rajah Kulambu at Rajah Humabon. Naging malapit ang mga dayuhan sa mga ito, na iba sa kanilang karanasan kay Lapulapu, ang pinuno ng Mactan.

Tinanggihan ni Lapulapu na makipagugnayan sa mga manlalakbay, at umabot ang kanilang alitan sa labanan. Hindi naitaya ng mga Espanyol at Portuges na matatalo sila ng mga katutubo, at napaslang si Magellan kasama ang ilan pa nitong kasamahan sa Labanan sa Mactan noong 27 Abril 1521.

Matapos ng labanan at ang naging masamang epekto ng pagkamatay ni Magellan sa ugnayan ng mga dayuhan at katutubo, naglayag pabalik ng Espanya ang naiwang mga manlalakbay sa pamumuno ni Juan Sebastian Elcano (na minsang binabaybay na del Cano).

Muling nagbalik ang mga Espanyol sa mga islang “nadiskubre” nina Magellan at Elcano noong taong 1543, nang maglakbay ang grupong pinamunuan ni Ruy Lopez de Vilallobos sa mga isla, na tinawag na ‘’Islas Del Poniente’’ (Mga Isla sa Kanluran). Pinangalanan ni Villalobos na “Felipinas” ang mga isla bilang pagbibigay-pugay kay Felipe II, ang hari ng Espanya.

Napilitan si VIllalobos na bumalik sa Espanya dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng pagkasira ng ilang barko, kakulangan ng pagkain, at laban sa mga katutubo.

Ang Pilipinas bilang kolonya

Noong Pebrero 1656, dumating sa Pilipinas si Miguel Lopez de Legazpi mula Mexico (New Spain) at ayon sa kautusan ng hari ng Espanya ay nagtayo ng gobyerno sa mga isla.

Matapos matalo sa labanan si Raha Sulayman, nagtayo si Legazpi ng pamahalaan sa Maynila, na naging sentro ng kapangyarihan ng mga Espanyol sa mga isla.

Sa katapusan ng ika-16 dantaon, maraming nasakop na lupain ang mga Espanyol mula Luzon hanggang hilagang Mindanao. Nagpalit din ng pananampalataya at naging Katoliko ang mga nasakop ng mga dayuhan, maliban sa mga Muslim o Moro sa Mindanao at Sulu, na nahirapan ang mga Espanyol na isailalim sa kanilang pamumuno.

Tulad ng naging papel ng Bagong Espanya (Mexico) sa America, naging daan ang Pilipinas upang mapalawak ang kapangyarihan ng Espanya sa tinawag na “Spanish East Indies”, at mapayaman ang kaharian nito.

Isa sa naging susi dito ang pagsasagawa ng sistema ng pagsasaka na “encomienda” kung saan ang “encomendero” ay naniningil ng buwis sa mga katutubo. Naging karapatan din ng encomendero ang pamunuan ang mga lupang pagmamay-ari ng mga katutubo, at kaniya ring tungkulin ang pagpapakalat ng pananampalatayang Katoliko sa mga ito.

Dahil sa pang-aabusong naranasan ng mga katutubo sa ilalim ng sistema ng encomienda, naging dahilan ito upang mag-alsa ang mga katutubo sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Itinigil ang sistema sa katapusan ng ika-17 dantaon, at nagkaroon ng gobernador-heneral upang pamunuan ang pamahalaang kolonyal.

Umusbong ang pangangalakal sa ilalim ng pamahalaang ito, at nagdala ang mga galyon ng iba’t ibang produkto mula Mexico papuntang Maynila at pabalik. Maliban sa mga produktong mula mismo sa Pilipinas, kasama rin ang mga gamit mula sa iba’t ibang bahagi ng Asya tulad ng Tsina sa palitan ng Mexico at Pilipinas.

Pinamunuan ng mga Espanyol ang Pilipinas bilang probinsya ng Bagong Espanya hanggang nakamit ng Mexico ang kalayaan noong 1821.

Ginamit din ng mga Espanyol ang tradisyunal na istruktura ng katutubong lipunan upang mamahala sa Pilipinas. Dahil dito, naging malapit sa mga mananakop ang mga pinunong katutubo. Naiangat ang kanilang katayuan, at naging bahagi sila ng tinawag na “principalia”.

Relihiyong Katoliko

Isa sa mga pangunahing layon ng pananakop ng mga Espanyol ang pagpapakalat ng relihiyong Katoliko. Dahil dito, naging malakas ang impluwensiya ng Simbahan sa mga patakaran ng pamahalaang itinayo ng mga Espanyol sa kanilang mga kolonya. Nakatulong ang kapangyarihang ito upang makakuha rin ang Simbahan ng kayamanan at lupain sa Pilipinas.

Malaki rin ang naging papel ng Simbahan upang maiba ang lipunan ng mga katutubo. Simbahan ang naging sentro hindi lang ng buhay ng mga katutubo, ngunit pati na rin ng tirahan ng mga ito sa pamayanang tinawag na pueblo.

Pagdating ng iba pang mga Europeo sa Pilipinas

Maliban sa mga rebelyon at pakikipaglaban ng mga Espanyol sa mga Muslim sa Mindanao, kinailangan din ng mga kolonista na labanan ang mga banyagang sumalakay sa Pilipinas dahil sa lagay ng politika sa Europa.

Noong 1762, sinakop ng kaharian ng Inglatera ang Pilipinas dahil sa pagpasok ng Espanya sa Seven Years’ War, isang digmaan sa pagitan ng mga kaharian ng Britain at France. Naibalik ang mga isla sa pamamahala ng Espanya nang nagkasundo ang dalawang partido noong 1763, at umalis ang mga sundalo ng Inglatera sa Pilipinas noong 1764.

Pagdating ng 1781, direkta nang pinamumunuan ng mga kolonista ang Pilipinas mula Espanya, at nagkaroon ng mas malawakang ugnayan sa pagitan ng mga Europeo at katutubo.

Nagkaroon ng kakayahang makapag-aral sa Espanya ang ilang mga katutubong nakilala bilang ilustrados. Dahil lumawak ang kanilang kaalaman at pananaw, inilaban ng mga ilustrado ang nakikita nilang karapatan nilang maging bahagi ng pamamalakad ng bansa. Nagnais din ang ilan sa kanilang maging malaya ang bansa mula sa mga Espanyol.

Isa sa pinakamahahalagang ilustrado si Jose Rizal, ang nagsulat ng mga aklat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo, na naging inspirasyon ng rebolusyon para sa kalayaan.

Isa sa mga nakakuha dito ng inspirasyon ay si Andres Bonifacio, ang naging Supremo (pinuno) ng Katipunan.

Mga rebolusyon at katapusan ng panahong kolonyal ng mga Espanyol

Nagsimula ang rebolusyon laban sa pamamahala ng mga Espanyol noong 1896, nang mabuo ang Katipunan at nagsimula ang kanilang pakikipaglaban sa puwersa ng mga mananakop.

Isinisi ng pamahalaan ang mga pag-aalsa sa mga aklat ni Rizal, na pumukaw sa diwa ng mga rebolusyonaryo. Hinuli siya ng mga Espanyol at binaril sa Bagumbayan noong 1896.

Hindi naging matagumpay ang rebolusyon ng mga Katipunero dahil hindi nagkasundo ang liderato nito. Pagkatapos mamatay ni Bonifacio sa kamay ng ibang rebolusyonaryo, nagkasundo ang mga Katipunerong nasa ilalim ni Emilio Aguinaldo at ang mga Espanyol sa Biak-na-Bato na itigil muna ang kanilang labanan. Dahil dito, napalayas ang mga Katipunero papuntang Hong Kong.

Noong 1898, sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga Espanyol at Amerikano, matapos magkaroon ng gulo sa Cuba sa pagitan ng dalawang bansa.

Umabot ang labanan sa Pilipinas, at natalo ng puwersa ng Amerika ang mga Espanyol sa Maynila. Matapos nito, bumalik si Aguinaldo sa Pilipinas noong 19 Mayo 1898 upang ipagpatuloy ang rebolusyon at tuluyang mapatalsik ang mga Espanyol sa Pilipinas.

Nakuha nila ang Luzon, maliban sa Intramuros, at idineklara ni Aguinaldo ang kalayaan mula sa mga banyaga noong 12 Hunyo 1898, sa Kawit, Cavite. Naging pangulo si Aguinaldo ng unang Republika ng Pilipinas.

Sa panahong ito, dumating din ang mga Aleman sa Maynila, at nagbantang sasakupin ang Pilipinas kung hindi ito gagawing kolonya ng Estados Unidos. Noong Labanan sa Maynila noong 1898, nanalo ang mga Amerikano at nakuha nila ang bansa mula sa mga Espanyol.

Pinagbawalan ng mga Amerikano ang mga Pilipinong pumasok sa Maynila, at dito rin nagtapos ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang grupo.

Sa Kasunduang Paris, nagkasundo ang Estados Unidos at Espanya na tapusin ang digmaan sa pagitan ng dalawang bansa. Napunta sa Amerika ang pamamahala ng kolonya ng Pilipinas, pati na rin ng Guam at Puerto Rico kapalit ng $20,000,000.

Dahil sa mga pangyayari, sumiklab naman ang digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at mga Pilipino, at nagsimula ang panahon ng kolonisasyon ng Amerika sa Pilipinas.

Mga Sanggunian

  • Lacsamana, Leodivico Cruz (1990). Philippine History and Government, Second Edition. Phoenix Publishing House, Inc.
  • Philippine History. DLSU-Manila. (Hinango noong 21 Agosto 2006).
  • ‘’Philippines—The Early Spanish Period”. US Library of Congress. (Hinango noong 22 Agosto 2006).
  • “Philippines History”. Encyclopedia of Nations. (Hinango noong 23 Agosto 2006).
  • “Philippines—The Decline of Spanish Rule.” US Library of Congress. (Hinango noong 22 Agosto 2006).
  • “The Spanish period”.Britannica. (Hinango noong 8 Pebrero 2021).
  • “Encomienda”.Britannica. (Hinango noong 8 Pebrero 2021).
  • De Morga, Antonio. (2019). History of the Philippine Islands. Good Press. (Hinango noong 29 Abril 2021).
  • Editors, History.com. Seven Years' War. History.com. (Hinango noong 29 Abril 2021).
  • Scott, William Henry. (2004) Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. Ateneo de Manila University Press. (Hinango noong 29 Abril 2021).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.